Mga Kwento ni Lola Patola: Espasyo, Espasyo, Nasaan Ka?

The Manila Collegian
The Manila Collegian
10 min readJun 27, 2023

Nina Bea de Guzman, Joanna Pauline Honasan, at Jo Maline Mamangun

Hello mga apo! Do you remember me? It’s me, the one and only lola ng UP Manila, Lola Patola aka Lola P! Matagal man nagpahinga, ngayo’y nagbabalik na para sa bago kong segment: “Mga Kwento ni Lola Patola!” Bongga ‘di ba?

Speaking of pahinga, yes ako po’y nagpahinga ‘coz I needed space. [Need ng space? Kimmyyyy!], pero hindi lang ang Lola P ninyo ang may need ng space. Ang sigaw ng sangkaestudyantehan ng UP Manila? #WeNeedSpace!

At ‘yan na nga ang kwentong tampok sa ating first episode nating pinamagatang: “Mga Kwento ni Lola Patola: Espasyo, espasyo, nasaan ka?”

[Oh ayan ah, sa mga loyal na apo ko diyan, mag-abang lang kayo para sa future episodes ko. Mwa, charot!]

Past is not past

Long time ago — charot, mga 2015 lang naman nang nagsimulang mangalampag ang sangkaestudyantehan dahil sa kakulangan ng espasyo sa UPM. Bago natin busisiin ang masakit sa ulo na isyu na ‘to, let’s travel back first to my childhood, when UP Manila was born.

Alam nyo bang noong 1908, ipinanganak ang University of the Philippines? Una itong nagbukas sa Calle Isaac Peral (UN Avenue) na sumakop ng 10 ektaryang lupain mula sa Calle Padre Faura, Calle San Antonio (Maria Orosa naman ‘to ngayon), hanggang Taft Avenue. Ang ilan sa mga naunang nagbukas na kolehiyo ay ang College of Medicine and Surgery, College of Liberal Arts, College of Law, at College of Engineering.

Nagtayo rin ng mga gusali para sa Philippine General Hospital (PGH), University Hall, University Library (‘di nakaka-relate dito ngayon ang mga taga-CAS, charot!), at Villamor Hall para sa School of Fine Arts at Conservatory of Music.

Anlawak ‘no? Anyare, ba’t ang sikip na?

Ngayon kasi, ang ilan sa mga gusali natin ay pinakikinabangan ng ilang opisina ng pamahalaan — ang University Hall ay opisina na ng Department of Justice, habang ang University Library at Villamor Hall naman ay mga gusali na ng Supreme Court (SC) sa Padre Faura at Taft Avenue. Though, ang tea noong 2018 ay unti-unti naman na raw tina-transfer ng SC ang opisina nito from our lands to BGC, Taguig. [Pakibilisan na, plz! ‘Coz I need a bigger space for my grand F2F comeback to UPM. Nami-miss ko na ang mga alaga kong daga! Char, not char!]

Pero ang balita ko ay mas lumiit daw ngayon ang space sa campus vs. sa pre-pandemic era, dahil sa constructions and renovations. [Home-quarantined ang lola nyo pero I know everything!] Aba’y pa’no niyo paghahandaan niyan ang aking pagbabalik if you don’t have enough space to discuss important matters like this?

Kaya naman way back 2015–2017, hindi na magkandaugaga ang mga organisasyon, sa pangunguna ng Coalition of Organizations, Fraternities, and Sororities (COFS), sa pakikipag-dayalogo sa UPM admin at pangangampanya upang masolusyunan ang kawalan ng available rooms at tambayans sa buong kampus. Kung meron mang available rooms noon, napakamahal naman ng rental rates! Dumagdag pa ‘yung constraining room schedules at pahirapan na proseso ng pagpapa-reserve. Ay jusko, hindi talaga maka-estudyante!

Naiintindihan ko rin ang mga sentiment nila kasi napakahirap naman talagang mag-organize, magsagawa ng mga event, mag-training para sa competitions, at kung anu-ano pang student activities kung walang sapat na espasyo ang mga estudyante para sa mga ganitong bagay. Napipilitan pa tuloy sila noon na humanap ng venue sa labas ng UPM.

Hindi tuloy kataka-taka na unti-unting humina at bumaba ang student participation sa UPM. Hindi na rin kasi siguro nila alam kung saan pa ba sila lulugar. Jusko, hina-high blood na naman ang lola nyo! Kunin niyo nga ang amlodipine ko!

Hindi lahat ng bunga ay matamis

Anyway, in a nutshell, bunga ng kabit-kabit na problema sa sistema ang kakulangan ng espasyo sa UPM. Kaya ‘di na ‘ko nagtataka na nanganganak na ito ngayon — numero uno riyan ang dedz na student politics sa ating kampus.

And when I say ‘dedz’, I mean it. Eh pa’no ba naman kasi, noong pumasok ang 40th University Student Council (USC) Elections, ang dating average total number of candidates na 16, mula 33rd hanggang 39th elections, ay bumaba sa siyam na kandidato na lamang. Patuloy pang bumaba ang bilang ng mga kandidato sa mga sumunod na eleksyon, bunga na rin ng pagkalusaw ng dalawang dominanteng political parties noon — ang BIGKIS at A-K.

Kasabay din ng pagkaunti ng mga tumatakbo ay ang pagbaba ng voter turnout. Noong 2018 Special Elections, ‘yung dating average voter turnout sa loob ng limang taon na 60.97%, lagapak sa 38.17%.

[Shameless plug: kung bet nyo pa ng tsaa, mga apo, sa UPM politics, ito may nasagap akong article na ‘Wax and Waning of University Politics: The UPM Politics Through Time’ ng MKule! Mag-follow, like & share na rin kayo sa page nila para lagi kayong updated tulad ng lola niyo. I-follow niyo rin ako sa TikTok charot!]

Pero maraming elemento ang nakaaapekto sa paghina ng student representation at participation, medyo obvious naman na isa na rito ang kawalan ng sapat na espasyo para sa malayang pagkilos sa UPM. Kapag maliit kasi ang space, for sure, *crickets* na lang ang dadatnan dahil kaunti ang engagements ng students. Nalilimitahan tuloy ang kanilang pagkatuto sa iba’t ibang isyu sa loob at labas ng kampus.

Marka ng pagpasok ng pandemic babies sa kampus ang panibagong kultura sa UPM. It’s the dawn of a new era, mga ante! Kaya naman mahalaga na patuloy mag-aral at mangialam sa lipunan ang mga isko.

Kaunti na nga ang espasyo para sa aking mga apo, mas pinaliit pa ng namumuno d’yan sa UPM. ‘Di ba kailan lang pumirma ng kasunduan sa Armed Forces of the Philippines yang si Chancellor Carmencita Padilla para legal nang makapasok sa UPM ang mga sundalo? Hay nako Mareng Menchie, patuloy na ngang nalalagay sa kapahamakan ang buhay ng aking mga apo dahil sa estado, aba’y pinapasok mo pa talaga. Tsk tsk.

Why o why, anong konek nito sa’kin?

Why, why, whyyy, Delilah — charot, alam pa ba ‘to ng mga Gen Z? Anyways, malamang tanong ng iba kong apo riyan, “Anong konek nito sa akin? Why is this relevant sa simpleng estudyante like me?”

Nako, eh nung nag-aaral nga ako [hindi ko na sasabihin anong student number ko!], sabi samin na ang resources tulad ng pisikal na pasilidad at espasyo ay nakatutulong sa pagkatuto at pag-unlad ng mga mag-aaral. Yes, pati mental space kasama na rito! Oo, meron ngang NSTP at GEs, ngunit iba pa rin ang extracurricular learnings ng mga estudyante mula sa org work at pakikilahok sa mga politikal na diskusyon sa loob at labas ng klasrum.

Eh, mga apo, napapansin niyo ba kung gaano kaiba ang UPM culture sa ibang mga UP campus? Naku, andami-dami ngang UPM slander sa Tweeter ba ‘yon? Kesyo puro raw tayo daga at can’t relate sa walking culture ng Diliman at Elbi kasi sa Taft o RobMan naman tayo naglalakad, hindi sa campus. Sabi ng mga patola ko ring apo, “Eh ano naman, at least may RobMan tayo!” ‘Yun nga lang, butas lagi ang bulsa, Miyerkules pa lang! Number one salarin kasi ang mahal na mga kainan sa loob ng mall (at *ehem* iced coffee, charot!). Bukod sa kaunting food stands sa may CAS (na mall price pa rin, jusko!), wala rin naman tayong canteen na pwedeng kainan. Naalala ko noong hayskul ako eh, sa canteen madalas nabubuo ang mga friendship friendship, kasi doon kami madalas nagchi-chismisan, alam niyo na, o kaya naman minsan d’yan nakikipag plastikan ang Lola niyo charot! Napakalaking parte talaga ng student culture ang student spaces!

Case in point, ang kakulangan ng mga espasyo para sa mga estudyante ay nagsisilbing salik ng paghina ng ‘collective living’ sa ating mga isko’t iska. Paano nga ba makakapag-bonding ang mga junakis, eh yung mga events, mga party-party kailangan pang dalhin sa ibang venue, samantalang may pa-UP Fair pa ‘tong ibang campus. Pati nga ‘yung freshie orientation ng UPM, ginaganap sa Diliman, hay susmaryosep! Naloloka ang Lola P niyo! Ang rayuma ko hindi na kaya pumunta pa sa Diliman para salubungin ang mga freshie kong apo.

Ano na lang ngayon, mga apo? Kahit ang org culture na kilalang-kilala sa buong UP, namamatay na rito sa Maynila, wala nga naman kasing sapat na tambayan para sa lahat. Sabi pa nga d’yan sa Tweeter, puro acads lang naman daw sa UPM…ano, wala daw ganap?

[Speaking of, naku, sana naman maabutan pa ni lola ang itinatayong University Library at learning commons!] Mga apo, hindi tuloy makapatol ang lola niyo sa comment section. Wala naman tayong choice!

Current updates?

Dahil mahilig chumismis ang Lola P niyo, nagtanong-tanong ako sa mga student council ng iba’t ibang kolehiyo rito sa UPM kung paano nga ba nila ginagawan ng paraan ang kakulangan ng espasyo dito.

Mula sa student council ng College of Public Health, wala raw rental fees sa kanilang mga venue katulad ng Press Room, Multipurpose Hall, at Lara Hall Steps kaya libre silang gumamit at mag-host dito, havey! Samantala, sa College of Pharmacy naman, naisip ng mga estudyante na gamitin ang harap ng building, swak sa bulsa! Mayroon ding mga kwarto at student lounge ngunit may rental fees na mula 260 hanggang 3,000 pesos kada oras depende sa venue. Kadalasan naman daw ay hindi mahigpit ang admin at ginagawa pa ngang libre ang renta minsan, lalo na kapag college-wide ang ganaps. Slayyyy! [Tama ba ang slang ko?]. Subalit, pananaw ng kanilang council, talagang nalilimitahan ang mga aktibidad na pwedeng i-organisa dahil marami pa ring saradong espasyo sa kanilang kolehiyo.

Ayon naman sa council ng College of Nursing, lahat naman daw ng facilities sa kolehiyo ay pwedeng gamitin ng libre, kailangan lamang magpaalam at magpa-reserve sa admin. Kadalasan nga raw ay mga classroom ang ginagamit ng mga orgs kapag wala nang nagkaklase rito. Ginagamit din ang auditorium at ang lobby para sa mga college-wide events. Kaso, ayun na nga, mga apo — kapag mas malaking ganapshies, syempre kailangan din ng mas malaking venue. Dito na pumapasok ang rental fees kung saan libo-libong piso ang binabayaran ng organizers. Sakit sa bulsa, ano?

Dumako naman tayo sa Padre Faura side, sa College of Arts and Sciences. Ayon sa council nila, kadalasan ang Little Theater ang ginagamit sa pag-host ng mga events, tulad ng seminars. [Kung nakapasok na kayo doon, talaga namang little ang theater, hindi sila nagsinungaling, chariz!] Subalit, limitado rin daw ang paggamit dito dahil may nakalaang ilang oras na libre at kapag naubos ito ay may babayaran na. Syempre, dahil estudyante pa lamang kayo, aba’y ang hirap naman kung lahat ng event eh may bayarin. Chika nga ng CASSC, “Rental fees should not exist in the first place because these spaces should be free and accessible to all.” MOTHER! [tama ba ulit ang aking paggamit, mga apo?]

Sa side naman ng admin, kaya naman pala matagal ang mga konstruksyon sa CAS ay dahil iba pala ang may hawak nitong CAS Library at ibang renovations doon! [Kaya naman pala! Alam niyo naman ‘yang gobyerno makupad palagi.] Ayon sa nasagap ng inyong Lola P mula sa very own Office of the Vice-Chancellor for Planning and Development (OVCPD), Department of Public Works and Highways (DPWH) naman pala ang may hawak dito! Chinika rin ni Mareng Menchie noong townhall na kinulang daw ang pondo sa mga constructions sa CAS! Hayst, what if i-ambag ko na lang ‘yung pension ko at nang magamit na ‘yan ng aking mga apo?

Regarding naman daw sa ibang kolehiyo, currently ay tinutugunan naman nila ang demands ng mga estudyante sa pagpapatayo ng mga student lounges. Pero sad to say na matindi talaga ang domino effect ng bureaucratic problems kasi madalas hantagaaaaal daw i-release ang badyet para sa ibang projects. Evident din ang epekto talaga ng budget cuts sa UP rito [Hayz, dapat ang i-cut ay ‘yang budget ng NTF-ELCAC at singilin yang si Sara Duterte… aba’y napakalaki ng budget pero palpak sa DEPed]

It’s time to LIBERATE

Simple lang naman iyan, mga apo, student spaces and student engagement are directly proportional to each other. Huuuy! May pa-Math ang lola niyo, kala niyo hindi ko na tanda ang Math 11, ‘no?! Ilang beses ko kayang kinuha yan, hindi kasi nadaan sa ganda ng Lola niyo ang Math. Kimmyyyy!

Pero, totoo naman, ‘di ba? Mas nakaka-enganyo na mag-aral at pumasok kapag maganda at malawak ang campus, aminin! Kayong mga kabataan eh, mahilig sa estetik ba ang tawag doon? Pero katulad ng sinabi ni lola kanina, ‘yang mga espasyo eh hindi lang naman arte yan, kailangan yan! Kailangan para makapag-build tayo ng community dito sa UPM. Kaya nga ‘di ba, noong nag-oonline class pa kayo, eh kay hirap humanap ng motivation para mag-aral. Kasi naman, parang wala ka namang kasama, puro screen lang, ano? Walang pisikal na lugar para makipagkaibigan, kulang sa bonding ang mga chikiting! No man is an island nga raw, sabi ng lola niyo.

Kapag mayroon ding sapat na study spaces, mas masayang gumawa ng mga assignment lalo na’t kasama ang mga kaklase at kaibigan. Kahit nahihirapan kayo, kapag may kasama, parang mas nakakagaan sa loob, ano? Tip ni Lola P: kapag may problema ka, mandamay ka, charot!

Knock knock tayo, mga apo! Ano raw ang wala sa UPM na wala rin sa Pilipinas kaya hindi makapag-concert si Taylor Swift? E ‘di, space! Winnerrrr, updated ang lola niyo, oh. #WeNeedSpace!

Pero on a more serious note, espasyo, espasyo, espasyo — isa sa mga pinakauna at napakahalagang konsiderasyon sa pag-oorganisa. Same goes sa pagbuo ng mga mobilisasyon na essential sa pagkamulat ng mga estudyante. Kilalang-kilala ang UP sa pagiging espasyo ng aktibismo at critical thinking. Kaya naman, Lola P says, karapat-dapat lamang na mabigyan ng lugar ang aktibismo upang maging makapangyarihang pwersa sa pagmulat ng bawat estudyante na papasok dito.

Walang imposible sa kampanyang #WeNeedSpace kung patuloy nating kakalampagin ang bawat pader, bintana, at pintuan ng ating campus. Ingat na lang sa mga lamok, mga apo! Isigaw ang inyong karapatan para sa isang disente, maka-estudyante, at sapat na espasyo. Hanapin at panagutin ang ugat ng problema — ang pag-cut at matagal na pag-release ng budget para sa ating mga espasyo.

Anyway, sabi ko sa inyo eh, masakit talaga sa ulo ‘tong isyu na ’to. Mamaya nga ay iinom na ko ng maintenance ko, ‘coz I need to replenish the energy of this fragile body of mine. Syempre, kailangan din nating gamutin itong matagal nang problema ng UPM. So, nugagawen? How do we stop the continuous shrinking of our democratic spaces?

Well, mga apo, it’s time for your generation to go back to UPM, liberate the minds of your co-iskolar ng bayan, and reclaim your rightful spaces on the campus.

We may reclaim our rightful spaces… through music! Oh pak, mayroong in-organize ang Sigma Kappa Pi Fraternity na event, ang REV Presents: Liberate 2023! Sa darating na June 28, 2023 ay magtitipon ang aking mga apo, ang UPM student body, upang ikalampag ang kanilang sigaw: #WeNeedSpace! Magaganap ito sa Patio De Manila simula 8:00 PM.

[Oh mga apo, attend na kayo, ah! Malay nyo makita nyo ko r’on… fansign yarn?! FYI, that’s a once-in-a-lifetime opportunity from your Lola P. Hmp! Mwa!]

--

--

The Manila Collegian
The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.