Milyon-milyong Pagkaltas, Milyon-milyong Apektadong Bukas: Nagkakaisang Panawagan Hinggil sa UP-PGH Budget Cuts

The Manila Collegian
The Manila Collegian
8 min readMar 14, 2023

Nina Jasnyl Inocentes at Pauline Magsino

Alas singko pa lang ng umaga pero marami na ang nakapila sa kalye ng Padre Faura. Malayo pa lang, maririnig na ang alingawngaw ng ambulansyang lulan ang isang pasyente na nanggaling sa probinsya. Halos lahat sa kanila ay sumadya pa sa Maynila para makapagpagamot sa University of the Philippines-Philippine General Hospital (UP-PGH). Kahit na malayo ay marami pa rin ang bumabalik pa kinabukasan, minsan mas maaga pa sa alas singko, nagbabakasakaling mapagbigyan sa isang konsultasyon.

Humigit-kumulang isang daan at dalawampung katao ang dumadagsa sa PGH kada araw pagsapit ng Hunyo 2022. Bagaman itinakdang National COVID-19 Referral Center mula noong 2020, hindi lang mga pasyenteng may COVID ang tinatanggap ng PGH. Lahat nang may malalang komplikasyon o nangangailangan ng emergency care, sinusubukang mabigyan ng kwarto o espasyo sa loob ng pagamutan.

Sa kabila ng labis-labis na kapasidad, sinisikap pa rin ng mga nars at iba pang healthcare workers sa PGH na makapagbigay ng dekalidad na serbisyong pangkalusugan. Marami pa nga sa kanila ang napipilitang mag-overtime o ‘di kaya’y mag-double shift, matugunan lamang ang problema ng pagdagsa ng mga pasyente. Pero kahit sanayin ang lakas-paggawa na magtiis sa ganitong sitwasyon, hindi pa rin nito mapupunan ang kakulangan ng pondo ng PGH.

Noon pa man ay humarap na sa ilang pagkakaltas ng pondo ang UP. Sa ilalim ng Roadmap for Public Higher Education Reforms (RPHER), ang badyet na nakalaan sa mga State Universities and Colleges (SUCs) ay binawasan upang bigyang prayoridad ang ibang proyekto tulad ng imprastraktura. Taong 2013 nang imungkahing kaltasan ng P1.9 bilyong halaga ang pondo ng higher education, kung saan P128 milyon ang ibinawas sa UP.

Ngayon, direkta nang kinaltasan ng pamahalaang Marcos ang pondo ng UP-PGH. Nitong ika-16 Disyembre 2022 lang, nilagdaan na ng pangulo ang taunang badyet, kung saan binawasan ng P128 milyon ang pondo ng UP system. Bukod pa rito, nabawasan ang PGH ng humigit-kumulang P893 milyong halaga ng pondo.

Bagaman may inilaan nang badyet sa pagpapatayo ng ilang mga pasilidad, kulang na kulang pa rin ang binibigay na suporta ng gobyerno sa ospital. Hanggang ngayon, nananatiling luma ang mga kagamitan, limitado ang akses sa edukasyon at abot-kayang serbisyo-medikal, at kontraktuwal ang maraming manggagawa.

Sa paglipas ng taon, palala lang nang palala ang kondisyon ng PGH.

Patuloy na panggigipit

Matagal nang naipasa ang 1991 Local Government Code (LGC) na nagpatupad ng debolusyon ng serbisyong medikal, pero hindi pa rin sapat ang kapasidad ng rural health units (RHUs). Kadalasan kasi, iba-iba ang prayoridad ng lokal na pamahalaan pagdating sa mga proyekto nito. Mayroon mang badyet para sa pagbibigay ng serbisyong medikal, nakaangkla ito sa pribadong relasyon ng gobyerno at mga korporasyon alang-alang sa kita.

Dahil dito, mas nabibigyan ng espasyo ang mga pribadong ospital. Mula 2009, umabot na sa 60% ng kabuuang bilang ng mga pagamutan ang pagmamay-ari ng pribadong sektor. Napakalaki nito kung ikukumpara sa natitirang 40%, na siyang binubuo ng mga pampublikong ospital.

Bukod sa matinding kakulangan sa abot-kayang serbisyo-medikal, wala ring sapat na pagsasanay ang mga kawani ng RHUs pagdating sa pagsusuri at rehabilitasyon ng kalusugan ng mga komunidad. Hindi nakakatanggap ng sapat na pondo para sa mga gamot at kagamitan maski mga pampublikong ospital. Ayon sa pag-aaral, 55% lang ng mga pampublikong ospital ang may kumpletong listahan ng mga gamot at mas mababa pa sa 33% ang may kumpletong kagamitan.

Matagal nang naipasa ang 1991 Local Government Code (LGC) na nagpatupad ng debolusyon ng serbisyong medikal, pero hindi pa rin sapat ang kapasidad ng rural health units (RHUs). Kadalasan kasi, iba-iba ang prayoridad ng lokal na pamahalaan pagdating sa mga proyekto nito. Mayroon mang badyet para sa pagbibigay ng serbisyong medikal, nakaangkla ito sa pribadong relasyon ng gobyerno at mga korporasyon alang-alang sa kita.

Dahil dito, mas nabibigyan ng espasyo ang mga pribadong ospital. Mula 2009, umabot na sa 60% ng kabuuang bilang ng mga pagamutan ang pagmamay-ari ng pribadong sektor. Napakalaki nito kung ikukumpara sa natitirang 40%, na siyang binubuo ng mga pampublikong ospital.

Bukod sa matinding kakulangan sa abot-kayang serbisyo-medikal, wala ring sapat na pagsasanay ang mga kawani ng RHUs pagdating sa pagsusuri at rehabilitasyon ng kalusugan ng mga komunidad. Hindi nakakatanggap ng sapat na pondo para sa mga gamot at kagamitan maski mga pampublikong ospital. Ayon sa pag-aaral, 55% lang ng mga pampublikong ospital ang may kumpletong listahan ng mga gamot at mas mababa pa sa 33% ang may kumpletong kagamitan.

Bunsod ng ganitong sitwasyon sa mga probinsya, pinipiling indahin ng mga pasyente ang mahabang pila sa UP-PGH. Ipinapakita lamang ng reyalidad na ito kung gaano kahina ang puwersa ng RHUs pagdating sa pagtataguyod ng epektibong serbisyong medikal. Mababanaag din ito sa kung paanong pinipili na lamang dumiretso ng mga maysakit sa PGH, bagaman ito ay isang tertiary hospital na nagbibigay ng espesyalisadong serbisyo para lamang sa mga pasiyenteng may malalang kundisyon. Ito ay taliwas sa orihinal na mithiin kung bakit ibinaba sa LGU ang kontrol sa sistemang pangkalusugan ito ay upang maging mas malapit ang serbisyong pang medikal sa mga tao.

Kaya naman nagsisiksikan ang mga Pilipino at pumipila sa lansangan ng Padre Faura para makapagpagamot sa PGH. Kapalit din ng ilang oras na paghihintay ang libo-libong salapi na hindi na nila kailangan pang ipanghingi o ipangutang, maipambili lang ng mamahaling gamot at maipambayad sa mga gastusin sa pribadong ospital.

Sa PGH umaasa ang milyon-milyong Pilipino. Dito, ‘di hamak na mas kumpleto at abot-kaya ang serbisyong medikal dahil sa dami ng mga manggagawang pangkalusugan at mga dalubhasa sa iba’t ibang espesyalidad. Mas malawak din ang mga pasilidad kung ikukumpara sa mga ospital sa probinsya.

Pero sa kabila ng papel na ginagampanan ng PGH, napakababa ng tinatanggap nitong pondo mula sa gobyerno. Sa huling taon ng kaniyang termino, ipinanukala ni Duterte na kaltasan ng P500 milyon ang badyet ng UP-PGH. Ngayong umupo na si Marcos, umabot na sa P893 milyon ang nakaambang mabawas sa pondo ng ospital.

Naniniwala si Karen Faurillo, pangulo ng All UP Workers Union-Manila, na hindi katanggap-tanggap ang pagkaltas sa badyet ng PGH, lalo na’t patungo ang bansa sa new normal.

“We saw the need for PGH to be upgraded in terms of facilities, and in human resource,” aniya. (Nakita namin ang pangangailangang pataasin ang kalidad ng PGH pagdating sa pasilidad at lakas-paggawa).

Edukasyong handog ng PGH

Pagdating sa UP Manila, maigting ding ipinapanawagan ng mga konseho ang sapat na pondo para sa PGH. Para kina Rhadrian Resuello, UP Nursing Student Council (UP NSC) Chairperson, at Trevor Lomotos, 2024 Batch Representative, ang pagkaltas sa badyet ng UP-PGH ay pagkakait ng isang komprehensibong edukasyon sa susunod na healthcare workers ng bayan.

Pangatlong taon na nina Resuello at Lomotos sa unibersidad. Sa isang panayam ng Manila Collegian, ibinahagi ni Resuello ang kaniyang mga karanasan habang nag-du-duty sa PGH. Isa kasi sa mga rekisito ng kaniyang kurso ang aktuwal na pagsasanay bilang nars sa ospital.

“Mabigat siya [dahil ng] papers pero very fulfilling ‘yung experience and masaya that you get to interact with patients, and more than their health conditions [or] their treatment, you also get to learn about their background, since we also recognize that healthcare is, of course, multifactorial,” aniya. “We also considered the economic conditions of these families, and we recognize that these are factors that contribute [to] why they acquire certain diseases.”

Dagdag pa ni Resuello, naging hamon din ang malaking agwat sa bilang ng mga propesor at estudyante. Kadalasan, isang propesor lang ang itinatalaga sa isang grupo ng mga estudyante tuwing duty. Para kay Lomotos, isang malaking limitasyon ang kakulangan ng faculty-in-charge (FIC) sa kanilang pagsasanay.

“Kapag nagkasakit ka sa duty, dahil nga [bilang] effect din ng budget cuts, less teachers, less time sa wards. Kapag nagkasakit ka talaga, parang ang hirap bumawi, kasi ‘yon, hindi ka nga ma-ha-handle ng mga professors dahil kakaunti rin sila,” sabi niya.

Nang tanungin kung maaapektuhan ng nakaambang PGH budget cut ang accessibility ng edukasyon sa UP, sumagot si Resuello, “Oo… kasi nagiging very limited ‘yung acceptance rates ng nursing students… considering na sobrang daming nag-a-apply sa UP College of Nursing, pero sobrang nagiging rigorous nung process of accepting these applicants kasi… the capacity for them to operate or to teach these students is very limited since one, limited nga ‘yung faculties natin, yung professors natin, but two, limited din ‘yung facilities natin.”

Para kina Resuello at Lomotos, mahalagang may sapat na alokasyon ng pondo sa mga kagamitan sa PGH upang maisagawa nang maaayos ang iba’t ibang medical procedures na bahagi ng kanilang pagsasanay. Kuwento ni Lomotos, dahil sa kakulangan sa rekurso sa PGH, napipilitan nang gumamit ang kanilang kolehiyo ng alternatibong materyales sa pagtuturo.

“[The] good thing is that, these healthcare workers, or ‘yung nurse na nag-assist kasi sa akin, parang they understood na it’s part of our duty or it’s part of our training na dapat bigyan kami ng materials or bigyan kami ng instruments para magawa namin ‘yung procedure and ma-train kami. Pero ‘yon, we cannot avoid [these] types of circumstances [kasi] talagang limited ‘yung resources na available sa PGH,” pahayag naman ni Resuello.

Bukod pa rito, anila, nananatiling salat ang accessible mental health services hindi lang sa kanilang kolehiyo, kung hindi pati na rin sa buong unibersidad. Kasama sana ito sa pinopondahang University Health Services (UHS) ng UP-PGH, pero maging UHS providers ay walang gaanong kapasidad na makapagbigay ng konsultasyon sa lahat ng estudyante.

Naniniwala si Resuello na kawalan ng pondo ang nagiging ugat ng mga problemang kinakaharap ngayon ng PGH.

“I think, ‘yung [effect] ng budget cuts [na] limited resources that [have] been happening since before is immeasurable,” aniya. “It’s not enough na mag-duty kami and then pumasa kami and then, mag-proceed kami sa higher courses without recognizing that there are actual limitations within the healthcare system of the country and patients are really affected [by] these limitations and limited budget and resources na in-a-allot ng government sa ‘tin.”

“[A]s students… we deserve the budget, we deserve the resources. Kasi, at the end of the day, the people we want to serve naman is the Filipino people,” dagdag ni Resuello.

Karapatan ang kalusugan

Sa pagtungo ng bansa sa isang new normal, bitbit pa rin ng sektor ng kalusugan ang mga dating sugat na hindi kayang hilumin ng panahon. Dehado pa rin ang mga nars at mga kontraktuwal na manggagawa ng UP-PGH dahil sunod-sunod ang pagkaltas sa pondo nito, sa kabila ng mga problemang hindi pa rin natutugunan hanggang ngayon.

Noong 2022, inasahan ng pamunuan ng PGH na patuloy na mababawasan ang bilang ng kanilang mga manggagawa dahil sa pagbubukas ng international borders. Paano pa kaya ngayon na ginigipit ang pondo ng ospital? Paano pa ngayong tumataas ang presyo ng mga bilihin habang nananatiling mababa ang pasahod?

Ang isyu sa paggawa ay nakatali sa kalusugan. Kung mananatiling mababa ang kinikita ng mga manggagawa, maaapektuhan ang kanilang kaligtasan maging ng kanilang pamilya. Kung hindi na nakabubuhay ang sahod na tinatanggap ng mga nars buhat ng kakulangan ng suporta mula sa gobyerno, lohikal lamang na maghanap ng trabaho sa ibang bansa kung saan kinikilala ang kanilang natatanging kontribusyon sa usapin ng kalusugan.

Iisa ang panawagan: dagdagan, sa halip na bawasan, ang pondo ng UP-PGH. Mula noon hanggang ngayon, walang espasyo ang pagsasamantala sa gitna ng sunod-sunod na krisis na kinaharap at kinakaharap ng bansa. Magbago man ang panahon, magbago man ang mukha at tindig ng mga nakaluklok sa pwesto, mananatiling karapatan ng bawat mamamayan ang kalusugan.

--

--

The Manila Collegian
The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.