Susugal muli sa panahong kung pwede na, sana pwede pa

The Manila Collegian
The Manila Collegian
3 min readDec 18, 2022

By Barbara Donato

Photo by Andrew Alub (thewalkinglightwriter).

Patok na patok sa mga Pilipino ang sugal. Madalas kasi itong kanlungan ng mumunti’t malamlam na pag-asa. Isama mo pa ang kabog at dagundong sa dibdib buhat nang paghabol hininga sa tila ba abot kamay na gantimpala. Higit sa lahat, nakakaadik sumugal. Sa kanto ‘pag may lamay, mas marami pa ang nag-to-tongits kaysa sa mga pumupunta talaga para sa patay. Syempre nga naman, panalo ka na sa sugal, may libreng sopas pa. Kung talo ka, ang mahalaga hindi mo na problema ang hapunan.

Tuwing piyesta naman, may mga kariton na nagpapasugal. Nakakaadik kasi kahit na piso lang ang taya noon, may alagang sisiw ka na, iba-iba pa ang kulay. Sa basketbol, uso rin ang ending. Mas bigatin ang papremyo — bisikleta, rice cooker, motorsiklo, kabuhayan showcase, at iba pa. Iligal nga lang. Eh kung nangangarap ka ng mas mataas na premyo, diretso na sa lotto. Minsan pa nga may nangangarap manalo sa lotto pero hindi naman tumataya. Bagaman iba-iba ang porma ng sugal, iisa lang ang pangunahing nagtatahi sa mga ito — ang hilaw na pag-asa at pansamantalang ligaya.

Ang daming pasakalye pero iisa lang naman ang punto ng sugal, hindi ka sigurado kung mananalo o matatalo. Ngunit sa ilang saglit bibigyan ka nito ng hindi maipaliwanag na saya. Iyong taas-kamay ang pag hagikgik habang umiikot sa bigkis ng mainit niyang yakap — tipong hindi na kailangang sumugal pa. Bagaman sa kabilang banda, yuyugyugin ka ng katotohanan, kaya nga sugal, hiram at tiyak na pansamantala lang ang kaligayahan. Mahirap, masakit, nakakatakot, pero nakakaadik. Kaya mas malalim ang pinaghuhugutan ng sugal, mas matalim din ang tarak sa dibdib.

Naalala ko ang usapan namin ng kaibigan kong si A, sabi nya kailangan mong sumugal kahit sa pag-ibig. Ang sugal at pag-ibig ay magkadugtong, hindi maihihiwalay. Gaya ng paulit-ulit na paglapag ng baraha habang hinahabol ang bugso ng tagumpay, ganun rin ang pag-ibig, paulit-ulit na kailangang tumaya hanggang sa makuha ang ukol. Pero sabi ni Aling Ising kung may balat sa puwet, malas daw, kaya marami-raming pagbalasa pa ng kapalaran ang susuungin. Ang pagsugal ay para lang sa matibay ang loob na handa sa tiyak na mas maraming sablay kaysa sa ukol.

Tumaya na habang may oras pa.

Hindi ako nagsusugal pero sa pagkakataong ‘yun sinubukan ko. Tama nga si A, masaya magmahal. Sa gitna ng silakbo ng buhay, may karamay ka. Iyong ang bigat-bigat ng dinadala mo at tila ba hindi pa handa ang mundo sa mga hinanakit na nais mong ibato rito pero nariyan siya, handang makinig hanggang sa mapagod ka at iidlip na. Iyong dis-oras na ng gabi pero gusto ka pa rin niyang makausap para lang sabihin sayo na sana makatulog ka nang mahimbing, mistulang hele na nagpapakalma sa buong mundo, at ipapaalala na itutuloy pa ang lahat bukas. Hindi nga lang garantisado hanggang kailan tatagal ‘yung bukas.

Bagaman alam mong abot alapaap ang hiram na ligaya kasi sa walong buwan na itinigil mo ang pananampalataya sa itaas, nagbalik-loob ka. Tila ba hindi pa sapat ‘yung paboritong hapunan at hagikgikang pinagsaluhan ninyo dahil bago mo pa ipikit ang iyong mata, napadasal ka. Nanalangin ka at nagpasalamat dahil natutunan mong huminga sa kanlungan na tila ba panigurado at hiniling mo pa na sana tumagal kung anong meron kayong dalawa. Ngunit habang binubuksan mo ang sarili mo sa kanya, hindi pala nya kaya na mag-aruga pa ng iba bukod sa sarili nya. Hindi naman mali pero mahirap punasan ang matang wala nang mailuha pa. Masakit kasi inilabas mo na ang lahat nung nagdasal ka na sana siya na.

Masakit pero dapat tanggapin na magsisilbi na lamang guhit ng nakaraan ang mga lugar na pareho ninyong nilakbay na may ngisi pa sa mga mata. Sa pagkakataong ito, alaala na lang nya ang kasama mo sa bawat paghakbang mula sa nakaraan hanggang sa pagbaybay ng kasalukuyan. Sabi nga nila, para lang ito sa matibay ang loob, pero kung mahina ka, ayos lang — kasama naman sa pagsugal ang pagluluksa dahil ito ‘yong pagkatalong hindi mo kalkulado.

Ngayon, kailangan mo na ulit masanay na ikaw na naman mag-isa laban sa silakbo ng mundong mapaglaro. Kailangan mo ulit sumugal pero sa ngayon, pahinga na muna.

Pahinga hanggang sa panahong kung pwede na, sana pwede pa.

--

--

The Manila Collegian
The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.