Guhit ni Jan Ivan Razonable

Pamamahayag sa Gitna ng Pandemya

nina Eloisa Deloverges at Veyron Abengoza

Naguenian
Naguenian
Published in
4 min readAug 30, 2021

--

Pandemya. Ito ang dahilan kung bakit nahinto ang normal na pamumuhay sa kasalukuyan. Bagamat mayroong balakid na dala ang pandaigdigang krisis na ito, patuloy pa rin ang pagbabahagi ng napapanahong balita ng mga dyorno. May mga mamamahayag mula sa mga pahayagan ng iba’t ibang mga paaralan at unibersidad ang hindi tumigil sa pagbibigay ng makatotohanan at importanteng impormasyon sa mga kaganapan sa lipunan. Hindi ito naging madali, may mga pagsubok silang hinarap ngunit mayroon ding solusyong nahanap.

Malaki ang epekto ng pandemya sa mga estudyante, lalo na sa mga estudyanteng dyorno. Bukod sa hindi sila pisikal na makakapasok sa kanilang mga paaralan, naging balakid din ito sa kanilang mga tungkulin na kinakailangan sa panahon ngayon — ang maghatid ng impormasyon. Hindi rin madali ang pagbabalanse ng oras upang magawa ang kanilang mga responsibilidad. Bawat oras na nasasayang ay maaaring maging rason para hindi maipasa sa takdang oras ang gawain sa paaralan o tungkulin bilang manunulat ng katotohanan.

Guhit ni Jan Ivan Razonable

Maraming kinaharap na pagbabago ang mga mag-aaral na dyorno dulot ng krisis na ito. Isang halimabawa ay ang karanasan ni Julliane Gayle Tan, ang dating editor-in-chief ng Naguenian. Ayon sa panayam, siya ay nahirapan sa pagbabalanse ng oras dahil sa pagpapaliban ng mga gawain. Sa ganitong panahon umano ay nagkaroon siya ng mga suliranin. Ilan na rito ang kawalan ng oras at kakulangan ng pagkamalikhain para makapagsulat. Ang mga problemang ito ay kanyang nalagpasan sa pamamagitan ng pakikipagsalamuha at pakikipagtulungan sa kapwa niyang mamamahayag. Sa tuwing siya naman ay nawawalan ng pagkakamalikhain, nagbabasa siya ng libro upang makahanap ng inspirasyon galing sa mga akda. Nagbigay din si Tan ng mga payo para sa mga mamamahayag ng Naguenian. Una, hanapin at palawigin ang istilo sa pagsulat. Sunod ay dapat matutunan ng isang mamamahayag ang pagbalanse ng oras bilang isang estudyante at manunulat. Ang panghuli naman ay ang pagsasaalang-alang sa dahilan ng pagsali sa pahayagan at ang adhikain sa tuwing nahihirapan nang magpatuloy.

Ngayon nasa kalagitnaan ng pandemya, naging limitado ang paglabas at pagpunta sa mga silid-aklatan upang makakalap ng sapat na impormasyon. Kung kaya’t nagsilbi ang internet bilang sandigan ng mga manunulat sa mga detalyeng kinakailangan nilang isulat. Samu’t saring mga impormasyon ang maaaring makuha dito, subalit hindi lahat ng impormasyong ito ay maaaring gamitin nang walang basehan o kaya naman hindi mismo nagmula sa mga awtoridad. Ang paglalahad ng maling datos ay maaaring magsanhi ng kalituhan sa mga mambabasa. Ito ay maaaring maiwasan sa pamamagitan ng paghahanap ng ilang mapagkakatiwalaang mga pook-sapot (websites) o mga libro tulad ng mga diksyunaryo at mga ensiklopedya.

Malawak ang sakop ng internet. Parte nito ang social media na malaki ang naitulong sa mga mamamahayag. Nagamit ito upang mas mapadali at maging malikhain sa paghahatid ng balita’t impormasyon na kinakailangang maipaabot sa masa lalo na ngayong panahon ng pandemya. Naitala sa pag-aaral ng Amity University noong taong 2018 na ang Facebook at Twitter ang pangunahing social media platform na ginagamit ng mga mamamahayag upang makapaglathala. Ang Online Publication naman ang naging alternatibo ng mga pahayagan na hindi magawang makapaglimbag sa panahong ito. Isang halimbawa nito ay ang Naguenian (Vol. 2, Issue №2), opisyal na pahayagan ng Naga City Science High School na nailathala noong Hunyo 2020. May ibang mga pahayagan din na mayroong sariling website kung saan maari nilang mailagay ang mga artikulo na kanilang sinulat, ilan na rito ay ang Manila Bulletin at Rappler. Sa kasalukuyan, naglunsad ang Naguenian ng sariling pook-sapot upang mas malaki ang maging sakop ng mapapaabutan ng mga impormasyon at balitang nais nilang ihayag sa hinaharap.

Salamat din sa social media, nagkaroon ng oportunidad ang ilang mga organisasyon na makapaglunsad ng mga online seminar at mga kompetisyon sa pagsusulat na makatutulong upang mas mapalawak ang kaalaman at mas mahasa ang kakayahan sa Campus Journalism. Sinimulan ng Kagawaran ng Edukasyon ang National School Press Conference kung saan nagsasagawa sila ng mga workshop sa iba’t ibang mga larangan na may kaugnayan sa pampaaralang pahayagan. Ito ay mapapanood sa Facebook page ng DepEd Philippines. Samantala, nang nakaraang taon naman ay nag-organisa ang Best Designed Campus Papers of the Philippines ng patimpalak sa Facebook na tampok ang mga pampaaralang pahayagan ng mga paaralan sa iba’t ibang panig ng bansa.

Pandemya. Isang malaking suliranin ang dala nito sa bawat tao, lalong lalo na sa mga instrumento ng katotohanan at impormasyon. Sa kabila ng mga hamon na kinakaharap ng mga estudyanteng dyorno dulot ng kasalukuyang panahon, hindi ito naging hadlang upang patuloy na maghatid ng balitang magmumulat sa mga tao. Sa katunayan, mas naging malikhain sila sa paggawa ng paraan upang ipagpatuloy ang kanilang layunin at ihasa ang kanilang kakayahan. Kaya naman, nararapat lamang na ipaabot ang katotohanan para sa bayan! #

--

--