Ang Pamilya at Panlipunang Marka Tungo Sa Diborsyo*

Mga dahilan kung bakit wala pa ring Diborsyo sa Pilipinas

Kim Axalan
NCPAG-Umalohokan
Published in
9 min readApr 14, 2022

--

Mahalaga pa rin naman ang ating pamilya. Ngunit dapat kinikilala natin ang iba’t ibang posibleng mangyari dito at tangkilikin na maaring sa pamilya natin mismo manggaling ang magiging problema sa ating buhay. Sadyang tungkulin ng estado kasama ng mga pormal na institusyon nito na protektahan ang ating pamilya bilang pundasyon ng lipunan. Subalit nararapat na isama sa tungkuling ito ang pagkilala na maaari ring maging lunan ng inseguridad ang saligang yunit ng lipunan kung kaya’t hindi nararapat na humimpil sa linyadong pagpepreserba nito. Nararapat na kilalanin ang mga problemang pampamilyang hindi na maayos sa usapan kundi sa hiwalayang may legal na batayan at mga alituntunin.

Sipat sa Pamilyang Pilipino

Sa lipunang Pilipino, ang ating pamilya ang pinagkukunan natin ng lakas, ligaya, at tatag. Saligang yunit ang pamilya tumutukoy sa hanay ng mga personal na responsibilidad at obligasyon ng isang Pilipino at ang kanyang nuklear na panlipunang relasyon (Fox, 1991). Ang pamilya bilang isang pangunahing institusyong panlipunan, ang primaryang mapagkukunan ng seguridad, emosyon at paglago ng sarili ng mga miyembro nito. Mayroon itong mahalagang papel sa pagkamit ng pambansang pagkakaisa, pag-unlad, katatagan at paglago (DSWD, 2003).

Lalo’t nagbibigay ito ng puwang para sa pagbuo ng ugnayang tumutugon sa mga batayang panlipunang pangangailangan ng bawat indibidwal. Masasabi, kung gayon, na maituturing ring espasyo ng pagtataguyod ng tradisyon at halagahan ang pamilya (Miralao, 1997). Ito ang naghahanda sa indibidwal na maging kapaki-pakinabang na mamamayan ng bansa sa pag-aatas ng tradisyunal na mga gampanin sa pamilya: ang ama bilang haligi at ang ina bilang ilaw ng tahanan (NCCA, 2021).

Ayon sa Konstitusyon ng Pilipinas, kinikilala ng estado ang pamilyang Pilipino bilang pundasyon ng bansa. Alinsunod dito, dapat nitong palakasin ang pagkakaisa at aktibong isulong ang kabuuan nitong pag-unlad. Gayundin ang kasal, tinitingnan ito ng estado na bilang isang matibay na institusyong panlipunan. Mula rito, ginagampanan ng iba’t ibang sangay ng estado ang pagpoprotekta at pagpapaunlad sa panimulang istruktura ng lipunan, kaya’t gayon na lang din ang pagtutol ng mga pormal na institusyon sa kahit anong batas na sa pagtanaw nila ay makakasira sa pamilyang Pilipino.

Ngunit paano kung pamilyang Pilipino na mismo ang sumisira sa sarili nito at hindi na mapagkunan ng seguridad, emosyon at paglago ng sarili ang ating pamilya? Isa sa mga pangunahing dahilan ng hiwalayan ng dalawang mag-asawa ang domestikong karahasan. Ayon sa datos ng Pambansang Pulisya, tinatayang umaabot ng 1,100 hanggang 7,200 ang mga kaso ng pambubugbog sa kababaihan at kabataan noong 1996 hanggang 2004 (United Nations CEDAW, 2006). Ilan sa mga sumunod pang salik ay ang pagkakaroon ng ibang malaswang relasyon sa labas ng kasal, mga problema sa pananalapi, kawalan ng komunikasyon, hindi paggampan sa obligasyong pampamilya, at pagkalulong sa bisyo tulad ng droga at alak (Sullivan, 2018).

Ngunit paanong tiyak na makakalaya sa ganitong uri ng sitwasyon ang mga miyembro ng pamilya kung hindi sapat ang kasalukuyang atas ng mga batas; upang pormal na tapusin ang relasyon ng dalawang mag-asawa at siguraduhing may pinansyal at emosyonal na suporta pa din ang anak. Dito papasok ang kahalagahan ng diborsyo. Bagamat tungkulin ng estadong protektahan ang pamilyang Pilipino, nasasagka ng konserbatismo at ekonomikong konsiderasyon ng mga Pilipino ang konsepto ng Diborsyo sa bansa.

Ginamit ng manunulat ang lente ng sosyolohikal na institusyonalismo upang unawain ang isyu at problema upang makapaglatag ng katwiran at panindigan ukol sa pangangailangan ng diborsyo sa Pilipinas. Sa ilalim ng sosyolohikal na institusyonalismo, sinusuri ang estado bilang panlipunang istrukturang binubuo at binabalangkas ng kultura, na mayroong pampulitikang entidad na kumikilos ayon sa ‘lohika ng kaangkupan’ na nagmula sa partikular na kultural na mga halagahan at kumbensyon (Schmidt, 2006, p.99).

Pagpopook sa Kontekstong Pilipino

Taong 2005 unang ipinakilala ang diborsyo sa kongreso at nihain sa ika-14 hanggang ika-16 na Kongreso noong mga sumunod na panahon. Para naman sa ika-15 Kongreso, nagpanukala ng House Bill 4368 na naglalayong pagkasunduin ito sa batas pampamilya tulad ng Family Code. Samantala, taong 2011, inilapit ng dating Gabriela Women’s Party Rep. Luzviminda Ilagan ang panukalang batas para amyendahan dati nang pagsasaalang-alang ukol sa diborsyo gaya na lamang ng seguridad ng mga batang apektado. Taong 2012, inaprubahan ng plenaryo ng kamara ang nasabing panukalang batas at natanggap ng Senado noong araw ring iyon. Bagaman pumasa sa kongreso noong 2018 ang HB7303, o ang panukalang batas na naglalayong ng diborsyo, muli itong natengga dahil sa kawalan ng aktibong suporta mula sa mga mambabatas. Kaya naman nitong 2019, naghain si Sen. Risa Hontiveros ng panibagong panukala sa senado upang makausad at maging legal na sa wakas ang diborsyo sa Pilipinas (Patag, 2018; Salaverria, 2019). Dito, nakapailalim na maski ang Family Code; isang pangunahing batas na sumasaklaw sa mga tao at relasyong pampamilya na namamahala sa legal na paghihiwalay, hatian sa ari-arian sa pagitan ng mag-asawa, kustodiya sa mga bata, at iba pa (Family Code of the Philippines). Sa kasamaang palad, hindi ito nakalagpas sa senado.

Sa ngayon, Pilipinas ang tanging bansa sa mundo, maliban sa Vatican City, kung saan hindi legal ang diborsyo (Santos, 2015). Sa ilalim ng batas ng Pilipinas, limitado lang ang mga pagpipilian ng mag-aswang nagnanais na wakasan ang kanilang kasal. Una, maaari silang magsampa para sa legal separation o legal na paghihiwalay na magbibigay-daan upang mapag-usapan ang hatian sa ari-arian. Gayunpaman, hindi ito nangangahulugan na legal nang nagwawakas ang kasal kaya’t hindi pinahihintulutan ang muling pag-aasawa. Sa kaso naman ng annulment o pagpapa-walang bisa ng kasal, dapat mapatunayan ng magkabilang panig na ang kanilang pagsasama ay may karampatang rason upang tuluyan nang wakasan. Maaaring kabilang sa mga dahilan na ang isa o ang parehong mag-asawa ay mas bata pa sa edad na 18 taong gulang noong sila ay nagpakasal; may sakit na nakukuha sa pakikipagtalik; mga kaso ng maling pagkakakilanlan; at ang pinakahuli at isa sa pinakamahirap patunayan, ang kawalan ng sapat na mental na kapasidad (Family Code of the Philippines).

Maraming dahilan kung bakit hindi sapat ang mga kasalukuyang batas sa paghihiwalay at kinakailangan ng mas tiyak na batas. Mula pa lamang sa kakulangan ng mga kasalukuyang remedyo ng annulment at legal separation, nariyan din ang paglahok ng estado sa paghadlang sa pagsasakatuparan ng nais ng mag-asawa na humiwalay isa’t isa. Dagdag pa rito, makikita din ang malaking agwat ng ating uring panlipunan dahil sa mahaba at mahal na proseso ng annulment at legal separation, hindi naman lahat ay kayang magbayad nito. Pagpapatnay lamang na ang batas at hustisya ay para sa may kaya lamang. (Jacob, 2013).

Mga panlipunang marka tungo sa Diborsyo

Nanatiling hindi magandang pakinggan ang sirang pamilya sa panlipunang Pilipino. Madalas, iba ang pagtingin ng ating lipunan tuwing nagkakaroon ng kanya-kanyang pamilya ang ating mga magulang at napagiiwanan ang mga anak. Kaya naman nakikita ang diborsyo bilang kontra-kasal at kontra-pamilya dahil pinaniniwalaang ito ang magiging daan sa mas lalong pagkasira ng isang pamilya bunsod ng pagpapadali ng proseso nito. Naka-ugat ang mga pananaw na ito sa pagtingin ng mga Pilipino sa pamilya bilang pundasyon ng ating lipunan at pinagmumulan ng ating pagkakakilanlan. Sa huli, nagreresulta ito sa pagpiling huwag na lamang humiwalay at tiisin ang problemang pampamilya dahil sa mga ilang konserbatismong kaugaliang nakaugat sa kasalukuyan at matagal ng sitwasyon ng ating bansa.

Ang kultural na paninindigan ng pagpepreserba sa istruktura ng pamilya ay hindi naman problematiko sa panimulang malas sa layon nitong pagpapanatili sa tradisyunal na mga ugnayang Pilipino. (Umali, 2020) Gayunpaman, marapat idiin na primaryang tulak ng konserbatismo ang pagkukulong sa dalawang indibidwal sa relasyong higit na nakakapinsala sa kanilang kabuuang pag-iral. Kalakip din nito ang mataas na pagtingin sa kalalakihan bilang kinikilalang tagasustento ng pamilya habang ang babae ay pawang may-bahay lamang (Anonuevo, 2000). At para sa mga babaeng single mom o muling ikinasal sa ibang lalaki, nagbabanta ang panlipunang stigma upang bansagan sila ng mga mapanakit na katawagan.

Nagsasanga ito sa usapin ng pang-ekonomikong konsiderasyong primaryang rason ng maraming esposa sa pananatili sa poder ng bana; pipiliin na lamang na tiisin ang pagsasama dahil sa praktikal at pinansiyal na implikasyon ng gayong akto. Ani nga Clarissa Castro, isang abogadong pampamilya, ang kalakhang kababaihan ang natatakot na makipaghiwalay sa kanilang asawa, lalo na kung may mga anak silang nangangailangan pa rin ng iba’t ibang antas ng suporta (Billing, 2018).

Magpasahanggang ngayon, hindi nalalayo ang halagahan at kaugalian ng mga Pilipino noong panahon ng kastila. Nakaugat sa ating kasaysayan ang pagiging relihiyoso at paniniwalang lahat ng pangyayari sa buhay ay ipinagkaloob ng Panginoon, kaya nararapat itong pahalagahan, o ‘di kaya ay tiisin. Mula rito ay hindi rin malabong pati ang mga mambabatas ay mayroong ganitong pananaw, bagkus sakop pa rin naman ang mga ito ng lipunang Pilipino. Dahil sa mga pagtingin na ito ng ating lipunan, mas nagiging atrasado ang isipan ng bawat mamamayan sa pagtingin sa Diborsyo at sa mga nagnanais na makapasa ito bilang batas. Nagiging mapinsala ang ganitong pananaw bagkus hindi naiisama ang karanasan at hinaing ng mga mamayang nangangailangan ng ganitong klaseng batas at nanatiling nakatingin lamang ang estado sa mayroong magandang sitwasyong pampamilya. Mula rito ay naapektuhan ang desisyon ng mga pormal na institusyon kagaya ng Senado, ang institusyong nagsasapinal ng batas patungo sa pangulo — sa mga batas na mayroong negatibong panlipunang marka kagaya ng diborsyo.

Pagkamit ng Diborsyo

Mahalaga pa rin naman ang ating pamilya. Ngunit dapat kinikilala natin ang iba’t ibang posibleng mangyari dito at tangkilikin na maaring sa pamilya natin mismo manggaling ang magiging problema sa ating buhay. Sadyang tungkulin ng estado kasama ng mga pormal na institusyon nito na protektahan ang ating pamilya bilang pundasyon ng lipunan. Subalit nararapat na isama sa tungkuling ito ang pagkilala na maaari ring maging lunan ng inseguridad ang saligang yunit ng lipunan kung kaya’t hindi nararapat na humimpil sa linyadong pagpepreserba nito. Nararapat na kilalanin ang mga problemang pampamilyang hindi na maayos sa usapan kundi sa hiwalayang may legal na batayan at mga alituntunin.

Ang isyung pampamilya ay hindi nareresolba ng pawang pagpreserba kundi ng pagkilala sa seguridad ng bawat miyembro nito. Kinakailangang normalisahin ang usaping problemang pampamilya sa ating lipunan upang maiwasan ang iba’t ibang panlipunang markang nakapaloob dito, kagaya ng negatibong pagtingin sa hindi buong pamilya na kung tutuusin ay isang solusyon tungo sa masaganang pamumuhay. Maari itong magsimula sa pagtangkilik at pagusapan ang pagkakaroon ng iba’t ibang problema lalo na ang malalimang usapin kagaya ng pang-aabuso, pangangaliwa, at iba pa. Mula rito ay unti-unting matatanggap ng ating lipunan, sunod ang mga pormal na institusyon ng estado — na kailangan natin ang Diborsyo higit kailanman.

*This is a cross-posted article from Kim Axalan’s Medium website and NCPAG-Umalohokan.

Mga Sanggunian

‌Billing, L. (2018, February 22). In Philippines, Where Divorce Is Illegal, Women Pay the Price. Women’s Advancement; News Deeply. https://deeply.thenewhumanitarian.org/womensadvancement/articles/2018/02/22/in-philippines-where-divorce-is-illegal-women-pay-the-price

Department of Social Welfare and Development. (2003). Republic of the Philippines Department of Social Welfare and Development Batasan Pambansa Complex, Constitution Hills Quezon City: GUIDELINES IN THE FORMULATION AND IMPLEMENTATION OF THE REGIONAL PLAN OF ACTION FOR THE FILIPINO FAMILY (RPAFF) FOR CY 2 0 0 3 -2 0 0 5. https://www.dswd.gov.ph/issuances/MCs/MC_2003-019.pdf

‌Fox, Robert (cited in Manila 1991)1961 “The Filipino Family and Kinship”, in the Philippines Quarterly 2(l):6–9 (October-December)

‌Jacob, J. A. (2013). Reintroduction of Divorce into Philippine Law. https://tspace.library.utoronto.ca/bitstream/1807/42968/1/Jacob_Jihan_A_201311_LLM_thesis.pdf

Miralao, V. A. (1997). The Family, Traditional Values and the Sodocultural Transformation of Philippine Society. Philippine Sociological Review, 45(1/4), 189–215. https://www.jstor.org/stable/pdf/41853694.pdf?refreqid=excelsior%3A24cf91fa61e81401372dae77e42e2357&ab_segments=&origin=

Official Gazette of the Republic of the Philippines. (1987, July 6). Executive Order №209, s.1987 | GOVPH. Official Gazette of the Republic of the Philippines. https://www.officialgazette.gov.ph/1987/07/06/executive-order-no-209-s-1987/

‌Patag, K. J. (2018, March 20). Legalizing divorce in the Philippines: What you need to know. Philstar.com; Philstar.com. https://www.philstar.com/headlines/2018/03/20/1798661/legalizing-divorce-philippines-what-you-need-know

‌Salaverria, L. B. (2019, July). Hontiveros renews struggle for divorce law. INQUIRER.net.https://newsinfo.inquirer.net/1140313/hontiveros-renews-struggle-for-divorce-law

Schmidt, V. 2006. Institutionalism. In The State: Theories and Issues edited by Colin Hay, Michael Lister, and David Marsh. New York: Palgrave, 98–117

Santos, A. P. (2015, June 25). The Atlantic. The Atlantic; theatlantic.https://www.theatlantic.com/international/archive/2015/06/divorce-philippines-annulment/396449/

Sullivan, M. (2018, May 23). Divorce Is Prohibited In The Philippines, But Moves Are Underway To Legalize It. NPR.org.https://www.npr.org/sections/parallels/2018/05/23/613335232/divorce-is-prohibited-in-the-philippines-but-moves-are-underway-to-legalize-it

Umali, J. (2020, September 28). The social basis of Filipino conservatism — Bulatlat. Bulatlat.https://www.bulatlat.com/2020/09/28/the-social-basis-of-filipino-conservatism/

‌United Nations CEDAW. (2006, May 17). ODS HOME PAGE. Documents-Dds-Ny.un.org.https://documents-dds-ny.un.org/doc/UNDOC/GEN/N06/353/01/PDF/N0635301.pdf?OpenElement

--

--