Kung nasa lupa ngayon si Hesus

Sabihin nating nabubuhay si Hesus sa panahon natin. Paano kaya siya tutugon sa mga pangyayari sa kaniyang paligid?

NCPAG-Umalohokan
NCPAG-Umalohokan
3 min readApr 17, 2022

--

image: Freepik.com

Ang Pasko ng Pagkabuhay

Dalawang pasko ang ipinagdiriwang ng mga Kristiyanong Pilipino: ang Pasko ng Pagkasilang at ang Pasko ng Muling Pagkabuhay. Ang una ay gumugunita sa kapanganakan ni Hesukristo samantalang ang huli ay pag-alala sa muling pagkabuhay nito matapos ang tatlong araw na pagkahimlay. Halos pareho rin ang paraan ng pagdiriwang nito; may salu-salo at kaunting handaan.

Sa probinsya ng Lucban, Quezon ay may espesyal na paraan para ipagdiwang ito: ang Buhusan Festival. Tuwing Pasko ng Pagkabuhay ay nagbubuhusan ng tubig ang mga tao doon bilang paalala na magbunyi sa muling pagkabuhay ni Hesus.

Pilipinisasyon ng Semana Santa

Tuwing Semana Santa makikita ang kakanyahan ng kultura at paniniwalang Pilipino. Hindi lang mababakas dito ang ‘pamanang’ kolonyal na kultura ng ating mga mananakop, bagkus ay inangkin at binasag natin ito; ginawan ng panibagong hubog at anyo. Bumuo tayo ng sariling identidad, malayo sa pagkakakilanlang ipinagpilitan sa atin ng mga dayuhan.

Nariyan ang Kalbaryo ng Maralita na naglalarawan sa pasyon, kamatayan, at muling pagkabuhay ni Hesus. Masasabi na ito ay sumasalamin sa paulit-ulit na pagdurusa ng mga mahihirap at ang kanilang patuloy na pakikibaka upang palayain ang kanilang sarili mula sa salot ng kahirapan.

Nandiyan din ang Translacion na pilit isinasagawa sa kabila ng pandemya, mga pabasa, pasyon, at maging ang mga Istasyon ng Krus. Hindi rin malilimutan ang mga nagpepenitensya sa pamamagitan ng pagpapako sa krus at pagpapalo sa likod. Bukod sa mga ito, marami pang ibang kaganapan sa iba’t ibang probinsya ng ating bansa.

Sa panahong ito, inaalala ng mga Pilipino ang sakripisyo ni Hesukristo para sa mundo. Kaya naman, nagkakaroon tayo ng iba’t ibang interpretasyon ng kung ano ang ibig sabihin ng sakripsyong ito sa ating buhay. Ang bawat dasal at panata ay nakaugat sa dayalektikal na pangangailangan ng tao tungo sa lipunang malaya. Ngunit, paano kung nanatiling dasal at panata na lamang ang mga ito? Ano ang sasapat upang matupad ang pangarap at hangarin ng bawat Pilipino?

Kasama si Hesus

Malinaw ang kwento ni Hesus — mula sa kanyang pagsilang, sa kaniyang pagkamatay, at sa kaniyang muling pagkabuhay. Nakiisa siya sa mga masang api at pinili na makipamuhay kasama ang mga mahihirap, may sakit, at kababaihan. Matibay niyang ipinanawagan na dapat ipamahagi ang mayroon ka sa mga nangangailangan. (Mga Gawa 2:41–46)

Sa Ebanghelyo, si Hesus at ang kanyang mga alagad ay inilarawan na buhay-kamay mula sa mga limos na kanilang tinitipon sa buong araw. Pagpapalaganap ng salita ng kaniyang Ama ang palaging nangingibabaw sa kaniyang pagkilos kasama ang kaniyang mga disipulo. Isinusulong ni Hesus na nararapat lamang labanan ang mga taong mapagsamantala, at na ang mga mayayaman na makasarili ay walang lugar sa kaharian ng kaniyang ama. (Mateo 19:21) Nakita niya rin na karapat-dapat na ipamahagi ang kayamanan sa mga maralitang naghihirap. (Mateo 19:23,24)

Dahil sa kaniyang pakikibaka at pakikiisa, ipinako siya sa krus. Pinarusahan siya dahil sa radikal na pagiisip at sa pakikipamuhay sa masang api — dahil sa paglaban sa katiwalian at sa kaniyang pagiging matulungin sa kapwa. Kung mamasdang mabuti, kay Hesus makikita na mababago lamang ang lipunan sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa ating kapwa.

Ngunit, kung nasa lupa ngayon si Hesus, alam na natin ang maaaring mangyari sa kagaya niya.

Ang mga ehemplong kagaya niya ay kailanman hindi na mabubuhay muli; biktima ng walang habas na pang-aabuso ng estado. Hindi na ito bago. Marami nang indibidwal at grupong namuhay ng gaya niya na pinaslang.

Kung nasa lupa ngayon si Hesus, maaaring biktima siya ng red-tagging dahil sa paniniwala niyang dapat mayroon ang lahat, at na dapat ay walang maiiwan. Maaring ipapatay rin siya nang dahil lamang sa kaniyang sobrang pakikipag-kapwa tao.

Marami ang tulad ni Hesus na nagturo, nanggamot, at nakipamuhay. Nakalulungkot na isipin na hanggang ngayon, marami na tulad niya ang pinagkaitan din ng hustisya.

Kung titingnan ang mga kwentong nakapaloob sa Bibliya sa literal na perspektiba, masasabing rebolusyonaryo si Hesus. Minartir siya ng estadong galit sa pumapanig sa mga nasa laylayan. Itinuring siyang malaking tinik sa leeg ng mga sakim ng lipunan. Kung nasa lupa ngayon si Hesus, malamang ay hindi mangyayari ang ikatlong araw na pagkabuhay. Gayunpaman, Kristiyano man o hindi, responsibilidad nating ipagpatuloy ang biling na iniwan niya: ang mahalin at paglingkuran ang kapwa, lalo na ang mga nangangailangan.

--

--

NCPAG-Umalohokan
NCPAG-Umalohokan

The official student journal-publication of the UP National College of Public Administration and Governance.