Kung Paano Tratuhin ang Hustisya para sa mga Mamamahayag

Bagamat kinikikilala ng mga kaanak ang hustisyang ibinigay at nararapat sa mga pinatay, huli na ito. Mula sa desisyon ng korte, repleksyon ito kung anong klaseng sistema ng hustisya mayroon ang ating bansa — mabagal at hindi kumpleto.

NCPAG-Umalohokan
NCPAG-Umalohokan
3 min readNov 23, 2021

--

Larawan mula sa The Global Filipino | Basahin: https://www.theglobalfilipino.com/sixth-year-anniversary-why-still-no-justice-for-the-victims-of-the-maguindanao-massacre/

Higit isang dekada na ang nakalipas mula ng maganap ang isa sa mga pinakamadugong pag-atake sa mga mamahayag sa kasaysayan: Ang Ampatuan Massacre. Bagamat hinatulan na ang 43 katao na kaugnay sa pamamaslang, patuloy pa rin ang kampanya para sa hustisya.

Disyembre 19, 2019 — Hinatulan ang magkakapatid na Datu Andal Jr., Zaldy, at Anwar Sr. ng guilty sa kasong pagpatay sa 57 na katao noong 2009. Iba pang mga miyembro ng pamilya Ampatuan, gaya nila Anwar Jr. at Anwar Sajid ang hinatulan din, kasama ang iba pa nilang tauhan.

Si Judge Jocelyn Solis Reyes ang nanguna sa paghatol. 28 sa mga principal ng krimen ang sinampahan ng reclusion perpetua o pagkakulong mula 20 hanggang 40 taon. 15 naman sa mga kasabwat nila, karamihan ay miyembro ng pulisya, ang sinampahan ng anim hanggang 10 taon at walong buwang pagkakakulong.

Makasaysayan ang naging desisyon at matagal itong hinintay ng mga pamilya ng yumao. Kung tutuusin, tagumpay rin ito laban sa kultura ng karahasan na hanggang ngayon ay pilit pa ring pinupuksa sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Subalit, umaalingawngaw pa rin ang panawagan para sa hustisya sa 58 na pinatay labindalawang taon na ang nakalipas dahil sa kakulangan ng hustisyang ibinigay sa kaanak ng mga biktima. Hindi sasapat ang kahit anong danyos sa madugo at malupit na dinanas ng mga biktima. Bagamat kinikikilala ng mga kaanak ang hustisyang ibinigay at nararapat sa mga pinatay, huli na ito. Mula sa desisyon ng korte, repleksyon ito kung anong klaseng sistema ng hustisya mayroon ang ating bansa — mabagal at hindi kumpleto.

Hanggang sa kasalukuyan ay nananatili pa rin sa kapangyarihan ang pamilya Ampatuan. Pinawalang-sala si Datu Sajid Islam Ampatuan, nakababatang kapatid nila Datu Andal Jr., Zaldy, at Anwar Sr., dahil sa kakulangan ng ebidensya laban sa kaniya. Alkalde siya ngayon ng bayan ng Shariff Saydona Mustapha sa Maguindanao at kasalukuyang iniimbestigahan sa kasong graft, malversation, at falsification. Dahil dito, sinuspinde siya noong nakaraang taon sa panunungkulan. Bukod sa kaniya ay mayroon pang higit 80 na kasabwat na kasalukuyang hinahanap pa.

Ipinag-utos din ng korte na bigyang danyos ang mga pamilya ng mga yumao. Sa desisyon, makatatanggap ng P300,000 ang bawat naiwang pamilya. Sapat na ba ang halagang ito para tumbasan ang buhay na ninakaw?

Bukod dito, 57 na biktima lamang ang kinilala ng korte dahil hindi na nahanap ang katawan ni Reynaldo Momay, isang masigasig na photojournalist. Si Momay ang ika-58 na biktima ng Ampatuan Massacre, at patuloy pa rin ang kaniyang pamilya sa paghahanap ng hustisya para sa kanilang padre de pamilya. 57 na pamilya lamang ang makatatanggap ng bayad-pinsala mula.

Kabi-kabila pa rin ang pag-atake na nagaganap sa mga pahayagan sa mga nagdaang taon. Patuloy pa rin ang pamamaslang sa mga peryodista. Ang mga pangyayari gaya ng pagpapasara sa ABS-CBN, ang pagsasampa ng kaso kay Maria Ressa, at ang panliligalig ng estado sa mga grupo ng alternatibong midya ay patunay na matatagalan pa ang pagkamit ng tunay na hustisya at malayang pamamahayag.

Gayunpaman, nananatili itong hamon para sa lahat ng mga mamamahayag. Bagamat naipasilip sa publiko ang posibilidad na makamit ang hustisya, nananatili pa rin ang pangangailangan na paigtingin ang kolektibong pagkilos at pangangampanya para ito ay masigurado. Mahalagang alalahanin ng bawat alagad ng midya na ang pagsulong para sa malayang pamamahayag ay katumbas ng pagtatanggol sa batayang karapatan ng bawat mamamayan.

Hustisya para sa 58!

--

--

NCPAG-Umalohokan
NCPAG-Umalohokan

The official student journal-publication of the UP National College of Public Administration and Governance.