Pasada, Pasakit at Pasahero: Ang Pagkompronta sa Mukha ng Pagka-aba

NCPAG-Umalohokan
NCPAG-Umalohokan
Published in
6 min readJul 25, 2022

ni Marvin de Grano

Nagkaroon man ng malalaking pagbabago sa pampublikong transportasyon buhat ng pandemya, hindi ito nabigyan ng panibago’t kaaya-ayang mukha. Tunay na buhay pa rin ang dati nang bulok nitong porma; tila ba’y mas lalo pang lumala.

Bilang isang komyuter, ang pagbagtas sa kahabaan ng kalakhang Maynila ay tila isang madugong digmaan. Mistulang mga ibong nakaalpas sa hawla ang libo-libong komyuter na nag-uunahan sa kani-kaniyang masasakyan. Paparoon man o papauwi, bahagya nang makita ang mga puwang sa daan. Siya na itong pinunan ng nagtatagaktakang pawis, labis na pagpupumilit, at pagmamadali sa pagkayod sa naturang araw. Bitbit din nila ang pag-asang mayroon pang maiuuwi sa kakarampot na salapi — ang katiting na pambili ng iilang pirasong pagkain na maihahain sa hapag.

Kasabay ng nakasusulasok na amoy ng lungsod at ng maalinsangang paligid nito ang pagdurusa ng mga ordinaryong Pilipino — mga Pilipinong kapos sa kakayahan upang magkaroon ng mga pribadong sasakyan. Bagaman unti-unti nang nanunumbalik ang karamihan sa kanilang mga nakagawian, hindi pa rin maikukubli ang pag-alingasaw nang dati nang baho sa “new normal” — ang katotohanang masasalamin sa bawat mukha ng pagkaaba.

Ang Kalbaryo ng Pasahero

Hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat na ang kalakhang Maynila ay lunan ng buhol-buhol na lagay ng trapiko. Sa katunayan, tila butas ng karayom din ang mga espasyong malalakaran. Kaya naman bilang isang komyuter, marapat ang kasanayan at kahandaan sa pakikipagpatintero sa mga motorista sa daan.

Pinaglalaanan na ng ekstrang oras ni Lucy, isang ulirang ina’t manggagawa, ang pagbyahe upang matunton ang kaniyang paroroonan. Araw-araw, kasabay ng matinding sikat ng araw o ‘di kaya’y ng malakas na pagbuhos ng ulan ang pagdagsa ng mga motorista sa daan. Kung tutuusin, halos ilang kilometrong layo lamang ang pabrikang kaniyang pinagtatrabahuhan mula sa kanilang tahanan. Ngunit buhat ng salot na kakambal ng EDSA, ang normal na oras ng byahe ay inaabot ng isa, hanggang tatlong oras. Sa katunayan, mahirap nang pag-ibahin ang naturingang “rush hour” sa hindi. Umaga man o gabi, dagsa ang mga tao sa lansangan, bitbit ang pag-asang unti-unti nang pinagkakait pa. Tunay na maunahan mo man sa pagbangon ang araw, aabutan at aabutan ka pa rin ng nakapanguubos na dilim.

Tila paligsahan ang eksena sa bawat kalsada na masisilayan ng mga mata. Pasan ng mga pasahero ang kalbaryo ng pakikipag-unahan sa pagsakay sa mga jeep, bus, at ultimo tren, na gustuhin mang bitbitin ang lahat ng nagpupumilit, ay sadyang may limitasyon din. Kita sa mata ng bawat pasahero na tila ba hindi na alintana ang kaligtasan mula sa nakahahawa at nakamamatay na sakit. Sa halip, ang kagustuhang mairaos ang buhay nang may ipangtustos sa araw ang siyang patuloy na nananaig. Ika nga ng iba, mahirap man, marapat na ipagpatuloy ang buhay.

Tila wala nang nagawa pa si Lucy nang siya ay mapagnakawan na ng oras ng bulok na sistemang pang-transportasyon. Sa katunayan, naging parte na ito ng kaniyang nakagawian, sa pag-aakalang ganoon naman talaga ang reyalidad. Wala siyang ibang magagawa pagkat siya ay kapos, na napipilitan na lamang makipagsapalaran at pasanin ang dusang kailanman hindi niya naging kasalanan.

Sa kabilang banda, hindi rin lingid sa kaniyang kaalaman na hindi na lamang katawan niya ang nanakit dahil sa pagod at mga aberya sa pagbyahe; maging ang kaniyang bulsa ay umaalma na rin. Patuloy ang pagtaaas ng mga bilihin, kabilang na ang presyo ng petrolyo, at ng iba pang gastusin. Buhat din ng pagragasa ng implasyon, kabilang na ang pagsipa ng pasahe, matatagpuan ang pangamba sa mga Pilipinong naka-asa sa mga pampublikong transportasyon. Tila ba ang dating itinuturing na aksesible ay unti-unti nang nagiging pribilehiyo para sa iilan; taliwas sa kung ano ang dapat natatamasa ng lahat.

Ang Kwento ng Tsuper

Tunay na kritikal ang papel ng tsuper sa pagpapatuloy ng byahe. Ngunit, bagaman hawak nila ang susi at ang manibela, sadyang hindi lahat ng bagay ay kaya nilang i-maniobra. Wala sa kanila ang kapangyarihan upang magtakda.

Ipikit man ni Ruben, isang senior citizen at tsuper, ang kaniyang mga mata, hindi niya maiiwasang mapansin ang sunod-sunod na pagsipa ng presyo ng petrolyo sa bansa. Pumapatak sa halos pitong pisong pagtaas sa presyo ang diesel at halos apat na piso naman sa gasolina. Pangita sa katotohanan na iilang litrong diesel na lamang ang mararating ng kaniyang kakarampot na salapi. Sa katunayan, ang kinita niya sa maghapon ay bahagya nang maiuuwi sa kaniyang pamilya; kung minsa’y kulang pa sa boundary.

Mundo ma’y baliktarin, ang patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo ay hindi lamang sakit ng ulo para sa mga pasahero, kundi pati na rin sa mga drayber tulad ni Ruben at ng mga operator. Bagaman nasa gitna ng kagipitan, kaisa si Ruben sa mga tsuper, operator, lalo na yaong maliliit, at mga transport groups upang lumabas sa mga lansangan at punan ito ng mga hinaing at panawagang nais nilang palakasin, gaya na lamang ng pagsuspinde sa pagkolekta ng excise tax at ng value-added tax sa mga produktong petrolyo.

Kakambal ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis ang pangamba ni Ruben at ng kaniyang mga kasamahan na hindi na kamulatan pa ang mga jeep, bus, at mga taxi buhat ng tumitinding hirap at pagkalugi. Minsan nang sumagi sa kaniyang isipan ang pagpasok sa ibang pagkakakitaan at iwan ang kaniyang kabuhayan sa mahigit tatlong dekada.

Kapus-palad kung tutuusin ang mga Pilipinong kabilang sa hanay ni Ruben sapagkat wala sa kanilang mga kamay ang kapangyarihan upang magtakda. Buhat ng pagsasapribado ng mga kumpanya ng langis at ng patuloy na deregularisasyon, nananatili ang panggigipit at panlalamang sa kanila sa merkado.

Totoo man sa ilang punto ang kasabihan na “kung may tiyaga, may nilaga,” pinatutunayan hindi lamang ng danas ng mga magsasaka, kundi pati na rin nila Ruben, na hindi ito ang katotohanang nangyayari; pawang isang pantasya sa lagim ng lumalalang krisis sa kaniyang bayang sinilangan.

Simulan man ang pagkayod sa bukang-liwayway, abutin man ng hatinggabi, at ilaan man ang dugo, pawis, at maging ang kalusugan sa paghahanap-buhay, kung ganitong sitwasyon ang patuloy na maghahari, tanging luha at pawis ang kanilang tiyak na maiuuwi.

Ang Kabilaang Pasakit

Marahil hindi na pagtatalunan pa ang katotohanan na sa ganitong pagsasalarawan, kabilaan ang pasakit, maging sa pasahero man o kay mamang tsuper. Bigyan man si Lucy ng libreng sakay sa tren, o maging sa EDSA Carousel, hindi ito mananatiling sapat at karapat-dapat sa kaniyang marapat na matamasa. Mananatili itong puyos ng pansamantalang aksyon, isang “band-aid solution” sa malalalim na sugat at pasang mayroon si Lucy at ang iba pang mga pasahero.

Kapansin-pansin na isa si Lucy sa napakaraming Pilipinong nagbabanat ng buto at nakikipagsapalaran sa nakapang-uubos na eksena sa EDSA. Hindi tulad ng iilang nagpapakasasa sa malamig na simoy ng kanilang Toyota at ng sasakyang humahagibis sa pagbagtas sa Skyway, ang mga maralita’t ordinaryong Pilipino tulad niya at ni Ruben ay walang ibang mahahagkan kundi ang pampublikong transportasyon.

Kung susumahin, hindi naman nag-iisa si Lucy, maging si Ruben sa mga kondisyong kanilang kinalalagyan. Sa katunayan, malaking bahagdan ng kanilang lupang sinilangan ang pumapasan sa ganitong sitwasyon. Napakarami ng gaya nila Lucy at Ruben. Subalit, lumobo man ang kanilang bilang, sadyang nasa kasawiang palad na kay liit ng kanilang mga espasyo upang magpatuloy. Nananatili pa ring pangarap ang mga pagbabagong nakasandig sa kanilang pag-unlad, buhat ng kakulangan ng mga istruktura’t programang tunay na susuporta’t aagapay sa kanilang kasaganahan.

Bunga nito, kapansin-pansin na ang buhay komyuter sa kalakhang Maynila ay tila pakikipagpatintero na rin kay kamatayan. Sadyang kulang ang mga espasyong ligtas upang makarating sa paroroonan, nang hindi kinakailangang manakit, manulak, at manigaw ng kapwa komyuter.

Sa mga businang tila nagpapalakasan, makikita ang kakambal na mga boses na nananawagan. Ika ng mga tsuper tulad ni Ruben, panahon na upang paglaanan ng sapat na atensyon ang kanilang sektor at tratuhin bilang mga taong may dignidad at pangarap. Tunay na unos ang kanilang sasapitin kung magpapatuloy ang pagbibingi-bingihan at panggigipit.

Katawa-tawang patuloy na namamayani ang naghaharing-uri. At katawa-tawang kung sino ang may kapangyarihang magtakda, sila iyong komportableng nakapaglalakbay, nasusuong ang bagsik ng buhol-buhol na trapiko ng kalakhang Maynila; iyong walang iniindang init at sikip; iyong mga nakaiwas at nakahiwalay sa reyalidad.

Sa ganitong kalbaryo ng pasahero at ng tsuper, ang purong kapayapaan at kaginhawaan sa pagbyahe at pagsuong sa magulong kalagayan ng mga kalsada ay tila isang ilusyon; marahil isang panaginip o pangarap, isang karapatang ipinagkait, ‘di matagpuan kung saan man.

*Hango ang mga karakter nila Lucy at Ruben sa kolektibong karanasan ng mga Pilipino sa araw-araw na pagbyahe — sa kabila ng mga hamon na dulot ng pandemya, at sa kakulangan ng mga inisyatiba para paunlarin ang sektor ng pampublikong transportasyon.

--

--

NCPAG-Umalohokan
NCPAG-Umalohokan

The official student journal-publication of the UP National College of Public Administration and Governance.