Numerong Hindi Mapakali

Rianna Gallardo
Of The People
Published in
2 min readMay 31, 2020
Photo from Unknown

Nakakaba. Nakakabagabag. Nakakatakot.

Tuwing tutuntong sa parisukat na salamin

Tila mga numero’y hindi mapakali

Nobenta? Isang daan? Pataas nang pataas

Nangangambang makita ang numerong lalabas

Isang daan at limampu’t isa?

Saka’y sasabihin “baka bukas bumaba na”

Paulit-ulit na lamang, parang walang nagbabago

Kailan kaya matatapos ang pagdurusang itinatago.

“Uy alam mo parang tumataba ka,”

Kadalasang naririnig na mga salita

Mga salita na dapat wala namang halaga

Pero binubugbog ang damdamin, bakit sakit ang nadarama?

Isang daan at dalawampu’t isa

Bubulong sa sarili “kailangang bumaba pa”

Almusal, tanghalian, merienda at hapunan

Alin lamang sa apat ang aking dapat kainan?

Nagaalala sa kung ano ang baka sabihin

Sapat na ba ang numerong nakasaad sa salamin?

Di mapalagay ang mga naiisip,

Paghinga’y bigla-bigla na lamang sumisikip

Tumuntong muli at ibang numero ang nakita

Nakasulat dito’y walumpu’t lima

Pasok na ba ito sa sinasabi nilang pamantayan,

Tanging numero lang ba ang nagsisilbing batayan?

Pero bakit? Bakit tila may kulang?

Di man lang nakaramdam ng onting saya

Di man lang nagiba ang sakit na nadarama

Hindi pa ba sapat? Hindi pa ba ito sapat sakanila?

Nang humarap sa salamin, kalansay ang nakita

Ngumiti sandali’t biglang bumuhos ang luha

Kahit anong gawin, hindi magbabago

Kahit anong gawin, mga mata’y nakasarado.

Tama na.

Rianna Gallardo is a 17-year old Senior High School student from the Philippines and contributor to the Of The People publication. If you’d like to have your work featured in our platform (whether visual or text), you may send in a submission to our email here.

--

--