Deka-dekadang Pinadarapa: Ang Pakikipagsapalaran ng mga Sakadang Bulakenyo Para sa Tunay na Katarungan

Pacesetter Newsroom
Pacesetter
Published in
8 min readMay 1, 2024

Nina Clarence May De Guzman at Mark Gabriel Musni

Larawang kuha ni Mariah Angelica Tolibas

“Bilang magsasaka, hindi naman namin hangad ang makipagbabag. Ang gusto namin ay makapagtanim.”

Ganito inilarawan ni Marcelo Libonang, 57 anyos mula San Miguel, Bulacan, ang buhay bilang isang sakada.

Aniya, sa edad pa lamang na dose ay katuwang na siyang magsaka ng kaniyang ama. Bukod sa palay, karaniwan din silang nagtatanim ng mga gulay gaya ng sitaw, okra, at patola, kung kaya’t ganoon na lang niya ituring ang propesyon bilang bahagi ng kaniyang buhay.

Ngunit sa limang dekada niyang pagsasaka, pinoproblema ngayon ni Libonang ang nakaambang pagkamkam sa kaniyang lupang sakahan, dahilan para siya at maging ang kaniyang mga kababayang magsasaka ay matakot at mangamba sakaling tuluyan nang mapasakamay ng mga naghaharing-uri ang kanilang mga lupain.

Sa tala ng Philippine Statistics Authority (PSA), lumalabas na 13.32 milyong ektarya na lamang ng lupang agrikultural sa Pilipinas ang nakapagpoprodyus ng pagkain mula noong 2019, mula sa kabuuang sukat na 30 milyong ektarya ng bansa.

Iniulat din ng PSA noong 2021 na pagsasaka ang isa sa pinakamahirap na sektor, kung saan pumalo sa 30% ang poverty incidence nito.

Sa kabila nito, ibinida naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Hunyo na lumago sa 2.2% ang sektor ng agrikultura sa bansa sa unang kuwarter ng 2023. Gayumpaman, sa pag-aaral na ginawa ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), siyam sa bawat 10 magsasaka ang pinagkakaitan pa rin ng lupa.

Bukod dito, kinahaharap din ang mataas na upa sa lupa bunga ng kawalan ng sariling lupa ng mga magsasaka at manggagawang bukid, at ang malaking gastos sa puhunan at kagamitan gaya ng pesticides, at pangongontrol at pambabarat sa merkado.

Hagupit ng sistema

Sa naging panayam ng Pacesetter kay Danilo Ramos, tagapangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), sinabi niyang “nagpapatuloy at tumitindi ang problema sa lupa, kawalan ng lupa ng mga magsasaka, seasonal farm workers, manggagawang agrikultural, at peasant women.”

Sa kabila ng mga pahayag ng administrasyong Marcos na pagtutuunan nito ang sektor sa agrikultura ng Pilipinas, patuloy pa rin ang paghihirap nito sa ating mga magsasaka.

Dagdag pa ni Ramos, nananatili ang pyudal at mala-pyudal na pagsasamantala sa kanayunan, habang export-oriented, import-dependent, at foreign-dominated ang naturang industriya sa bansa.

Bunga nito, dinadaing ng mga magsasaka ang barat na pagbili ng National Food Authority (NFA) ng palay sa kanila.

Sa ngayon, bumibili ng palay ang NFA sa halagang P23 kung ito ay tuyo, malinis at may 90% hanggang 100% purity. Ngunit mas mababa pa ang pagbili rito kung hindi ito papasa sa pamantayan ng NFA.

Samakatuwid, ang magsasakang si Rolly Toldanes, 39, at dalawang dekada nang magsasaka mula rin sa San Miguel, ay kabilang sa mga magsasakang napipilitan magbenta sa mga private buyer dahil wala silang sariling sasakyan upang dalhin sa NFA ang kanilang mga ibebenta sanang bigas.

Sa salaysay ni Toldanes, mahal bumili ang mga private buyer ng palay, na bukod sa walang hinihinging papeles ay mga buyer na mismo ang nagpupunta sa kanila upang maghakot.

“Sana po taasan ang presyo ng palay at agarang aksiyon po. Kasi nalulugi po talaga kaming mga magsasaka sa taas po ng puhunan namin at pagbili po ng mga abono, mga pestisidyo napakalaki po talaga,” aniya.

Hinaing din ng mga magsasaka ng San Miguel ang kakulangan sa patubig. Anila, dapat pagtuunan ng pansin ng National Irrigation Administration ang mga problemang ito sapagkat marami pa ring bukirin ang hindi naaabot ng mga proyektong irigasyon.

Remedyo sa latay

Sa kasalukuyan, may mga programa ang Department of Agriculture (DA) na naglalayong suportahan ang mga magsasaka sa pinansiyal na aspeto.

Sa pamamagitan ng Financial Subsidy to Rice Farmers at Rice Farmers Financial Assistance ng gobyerno ay patuloy ang pagbibigay ng tulong pinansiyal sa mga magsasaka.

Isa rin sa mga naging inisyatiba ng DA ang Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF), kung saan layon ng programang ito na mamahagi ng mga binhi, palawakin ang sakop ng pautang, gumamit ng makinarya, at magkaroon ng mga pagsasanay para sa mga magsasaka ng palay.

Ang Provincial Agriculture Office ng Bulacan, sinabing marami silang mga proyekto at inisyatiba para sa mga magsasaka sa lalawigan.

Sa kabila ng mga ito, lantad pa rin na hindi binibigyang-solusyon kung ano ang pinag-ugatan ng mga problemang kinakaharap ng mga magsasaka. Maaaring ang mga proyektong inilatag at naibigay na serbisyo ay nakatulong, subalit hindi maikakaila na ang mga ito ay hindi pangmatagalan at sa kahuli-hulihan, maiiwan na naman silang naghihirap at umaasang maambunan nawa sila ng tulong na kanilang aanihin nang pangmatagalan.

Selektibong programa

Ayon naman kay Nenita Caguingin, Supervising Agriculturist of Program Management ng Bulacan Provincial Agricultural Office, prayoridad lamang nilang tulungan ang mga magsasakang Bulakenyo kung kabilang sila sa isang kooperatiba.

Sa madaling salita, kailangan munang bumuo ng samahan ang mga magsasaka upang makilala at magkaroon ng akses sa mga benepisyo at programa na inilunsad ng pamahalaang panlalawigan.

Para sa mga magsasaka ng San Miguel, Bulacan, lubhang kulang ang mga ayuda na ipinamahagi sa kanila mula sa pamahalaan. Kulang man ay ipinagpapasalamat na lamang sila kaysa sa wala.

“Kinakulangan din po kasi pagka maluwang sa ‘kin hindi rin sumasapat. Kahit po sa isang ektarya nagagahol po. Kulang po ang binigay nila pero ayos naman din po, kahit paano nakakatulong,” saad ni Toldanes.

Nagpahayag naman ng pagkadismaya si Marcelo dahil ang higit P13,000 sana niyang ayuda mula sa DA ay pinalitan na lang ng ahensya ng ilang sakong pataba.

“Hindi sumasapat dahil paanong sasapat, bibigyan ka halimbawa galing sa DA, ang nabigay lang sa’kin sa 13,200 ko ay anim na sakong pataba,” ani Libonang.

Agawan sa lupa

Mapakikinabangan nga ba ang mga ayuda na ito kung wala namang matamnan na siyang dapat na nagpapakain sa sambayanan?

Ito ang sentimyento ng mga magsasakang tulad ng pamilya Saguid, na inaagawan ng lupa sa lungsod ng San Jose Del Monte, Bulacan.

Halos anim na dekada nang sinasaka ng nasabing angkan ang lupain, kung saan maraming indibidwal ang nagkainteres dito.

Minsan na ring humarap sa asunto ang kanilang pamilya matapos sampahan ng patong-patong na kaso ng isang Evelyn Garcia-Castro mula sa Borough Realty Corporation.

Bahagi ang lupain ng mga Saguid ng 38.9 ektaryang nais kamkamin ng naturang korporasyon.

Kuwento ni Carmelita Saguid, 69 anyos na ina ng pamilya, sa Pacesetter, “apat na kaso iyon: qualified theft, illegal logging, forcible entry at trespassing. Bale apat na kaso iyon pero na-dismiss lahat. Wala silang matibay na ebidensiya.”

Hindi lamang sa kasuhan natapos ang problema ng mga Saguid, dahil umabot pa umano sa puntong kinakatok sila sa hating gabi ng nasa 40 mga armadong private security.

Nitong Oktubre 6, nagkaroon ng tensyon sa pagitan ng pamilya Saguid at mga private security. Binalya at binunutan pa umano ng baril ang anak ni Carmelita na si Tyrone hanggang sa mapaupo ito.

Matinding trauma ang iniwan ng pangyayaring ito sa kanilang buong pamilya lalo sa mga bata niyang apo.

“Kung iyon ay legal at totoo, gagamitin din po nila sa legal iyon, hindi po [sa] pangha-harass po na iyon. Kung legal ang kanilang mga dokumento, bakit sila gumagawa ng mga gano’ng ilegal? Tulad niyan magpapapasok ng mga guwardiya e bigla-bigla gabi,” saad ni Tyrone, 30 taon nang magsasaka sa lugar at tumayong tagapagsalita ng pamilya sa nasabing girian.

Sa kasalukuyan, takot ang bumabalot sa pamilya Saguid na baka maulit muli ang pandarahas na ito. Nangangamba rin silang sadyang sunugin ang kanilang tahanan upang pwersahin silang umalis sa kanilang lupain.

Hindi rin nalalayo ang ganitong pangyayari sa pinagdaanan ng mga magsasaka sa Barangay Sibul sa bayan ng San Miguel.

Nag-umpisa noong 2019 ang bangungot ng mga taga-Sitio Malapad na Parang matapos ang tangkang pangangamkam ng lupa roon ng mga Villafuerte.

Tinatayang 375 ektarya ang umano’y inaangkin ng naturang political dynasty mula sa Kabikulan.

Ayon kay Libonang, kahit sila ay hindi ligtas sa panghaharas ng umano’y land grabbers.

“Paminsan sila nambabalibag, naninirador at sa gabi namamakod sila. Tapos iyong tanim ng isa naming kasamahan doon, malapit raw sa foundation nila, inano [pinutol] nga nila ng grasscutter ang mga palay. Pagkatapos no’n kami pa ang binaliktad. Kami raw ang naninira ng pananim nila,” saad ni Libonang.

Tinatayang nasa higit 200 na pamilya ang maaaring mawalan ng tirahan at lupang sakahan kung sakaling magtagumpay ang pangangamkam na ito.

Depensa naman ng mga magsasaka, buo ang loob nilang ipaglaban ang lupang kumupkop sa kanila ng ilang dekada sapagkat may pinanghahawakan silang Certificate of Land Ownership Award (CLOA) mula sa Department of Agrarian Reform (DAR), taon-taong nagbabayad ng amilyar at kumpleto ang mga dokumentong hawak nila.

Ngunit tila naiba ang ihip ng hangin matapos kanselahin ng DAR ang CLOA na hawak nila, kaya naman patuloy ang pag-apela ng mga magsasaka ng San Miguel sa kagawaran upang mapakinggan ang kanilang mga hinaing at karapatan sa kabila ng nararanasang panre-red tag at panggigipit.

“Nakikipaggiitan kami pero wala namang nangyayaring gulo dahil bilang magsasaka, hindi naman namin hangad ang makipagbabag, ang gusto namin ay makapagtanim,” ani Libonang.

Panawagan para sa tunay na reporma sa lupa

Sa kabila ng patuloy na pagkamkam sa lupang sakahang minana pa ng mga sakada, tunay na reporma sa lupa ang siyang nais nilang maibigay sa kanila.

“Wala naman kaming mahihiling na mga magsasaka kundi ang tunay na reporma sa lupa. Ipamigay ng libre sa magsasaka iyong lupa. At ang lupang sakahin ay para sa magsasaka. Tapos ‘pag puro estruktura, makakain ba ng mga Pilipino ang mga estruktura? Masasabi bang maunlad kung estruktura ang nakatayo at ang mga Pilipino ay nagugutom,” giit ni Libonang.

Sa bawat pagkakataong ninanais ng gobyerno na magsagawa ng mga proyektong kanilang nakikita bilang pag-unlad ng bansa, silang mga kababayan nating magsasaka ang pinakaagrabyado dahil sa tuwing nangyayari ito, buhay at kabuhayan ang ipinagkakait sa kanila.

Pakikipaglaban para sa buhay

Gayon na lamang ang pagpapahalaga ng mga magsasaka sa lupang kanilang tinatamnan, dahil para sa kanila rito nagmumula ang ating buhay.

“Sa lupa nakatirik at nakatayo ang mga tahanan ng mga magsasaka na siyang lumilikha ng pagkain, sa lupa rin nagmumula ang ating pagkain,” ani Ramos.

Malalim ang pinaghuhugutan ng mga magsasaka. Sinlalim ng kanilang adhikain na patuloy na gampanan ang kanilang tungkulin para magkaroon ng pagkain sa mesa ang kanilang pamilya at kapuwa Pilipino.

Nananatiling malaking hamon sa kasalukuyang administrasyon ang kagutuman at patuloy na pagtaas ng bilihin sa bansa.

Ngunit kasabay nito ang kakulangan sa suportang natatanggap at pagtanggal sa karapatan sa lupang sakahan ng mga magsasaka.

Ang mga sakada ng San Miguel at San Jose Del Monte, Bulacan ay ilan lamang sa mga patuloy na humihingi ng tunay na reporma sa lupa at umaasam na sila ay dinggin at bigyang-pansin ng pamahalaan.

Patuloy ang panawagan ng mga aktibong nakikilahok sa usapin sa isyung kinakaharap ng mga sakada, kasama ang mga organisasyong nagtataguyod ng kanilang karapatan, dahil ang labang ito ng mga magsasaka ay laban din ng bawat Pilipino.

Kaya naman hamon sa mga nasa katungkulan na lumusong sa pitak ng sakahan upang madama ang hirap ng mga magsasaka, at tutukan ang suliraning agraryo nang masigurong wala nang Pilipino ang magugutom pa.

“Kung tutuusin, hindi naman tayo nahuhuli sa mga bansang inaangkatan ng bigas. Kaya lang walang pagkalinga ang mga nakaupo sa gobyerno sa mga magsasaka na naghihirap,” dagdag pa ni Libonang.

Clarence May De Guzman is a senior staff writer of Pacesetter. She is a fourth-year Journalism student from College of Arts and Letters.

Mark Gabriel Musni is a sophomore staff writer of Pacesetter. He is a second-year Journalism student from the College of Arts and Letters who covers topics related to politics, human rights, and local communities.

--

--