‘Huwag mo ‘tong basahin kasi…’: Mambabasa vs. Mambabasa

Pacesetter Newsroom
Pacesetter
Published in
4 min readJun 14, 2024

Melchi Pagdanganan | Endless

Pag-aanyo ni Mylene Lovelyn Tumamak

Bakit ba ang hilig mangumbinsi ng mga mahihilig magbasa na magbasa ang iba ng libro tapos saka kukunot ang noo sa mga binabasang libro ng isang mambabasa?

Ngingiwi sila kapag nabanggit mo si Lang Leav, Colleen Hoover; aasim ang mga mukha oras na marinig ang Wattpad; tapos tatawa kapag nagbasa ka ng self-help books. Sana hindi sila atakihin kapag nalaman nilang nagbabasa ka rin ng poorly written smut stories sa Facebook.

Pero saglit lang naman na panghuhusga ang ilalabas ng mga ekspresyon at body language nila (pero baka tawanan ka nila habambuhay), kasi ibibida na nila iyong mga librong dapat mong basahin: ’yong mga klasiko, award-winning, at ‘basta magandang’ libro na gawa ng mga premyadong manunulat kahit wala naman ito sa mga interes mong basahin kasi… ewan, maaaring nakaaantok para sa ’yo ang paraan ng pagkukuwento ng English classics at ayaw mong tinatanong si Merriam sa kada minutong may mababasa kang hindi pamilyar na salita, o marahil hindi ka lang talaga nakumbinsi ng libro na basahin siya, o dahil sa suliraning pinansiyal, hindi mo magawang basahin ang mga nais mong libro. Maraming dahilan. At madalas, hindi ka lang talaga interesado.

Pero saan ba kasi nagmumula ang interes sa pagbabasa?

Sa isang interview ng ABS-CBN kay Jessica Zafra, isang columnist at published author, sinabi niyang, “In order to read, you have to grow up in a house with books.”

Pero sa taas ng implasyon ngayon, hindi na iisipin ng mga magulang ng bata na bumili ng libro. Bakit mo nga naman kasi ipagpapalit sa P200 na libro para sa tatlong kilong bigas? Mangmang ka kapag hindi ka nagbabasa, pero mas nakamamangmang ang magutom. 72% lang din sa mga Pilipino ang handang bumili ng libro na hindi tataas sa P199 ayon sa National Book Development Board (NBDB).

Ni hindi nga rin alam ng karamihan ng mga Pilipino kung may mga silid-aklatan malapit sa kanila, manipestasyon ng kawalan ng presensya ng mga public library sa bansa. Sa katunayan, sa 42,046 na mga barangay sa Pilipinas, nasa mahigit 800 lang dito ang may libraries ayon sa National Library of the Philippines (NLP).

Sabi ni Public Libraries Division (PLD) Chief Blesila Velasco, “Libraries are not income-generating, thus not all local chief executives buy into such idea.”

Tapyasado rin ang budget para sa mga local library dahil mula P208 million, naging P162 million na lang ito base sa National Expenditure Program ngayong taon.

Kaya kung walang libraries, sa online humahanap ng mababasa ang karamihan. Sa Facebook pa lang, kalat na ang literary pages. Nandiyan ang Betsin Artparasites, Fall in Arts, Mga Tala af Tula, at Sobrang Short Stories. Kung mga nobela naman ang hanap, Wattpad ang naging takbuhan ng karamihan. Napakadali na ring piratahin at i-download ang best-selling books sa ibang bansa.

At dito na tataas ang kilay ng ilan. Sa rami kasi ng mga puwedeng mabasa online, natatabunan ng mga sumikat na istorya at manunulat ang mga istoryang ‘dapat’ binabasa ng karamihan dahil sa mataas na lebel ng kabuluhan nito, partikular na sa lipunan. Ilan ba sa mga high school at college student ang nakakikilala pa kay Lualhati Bautista? Kay F. Sionil Jose? Kay Rio Alma? Kay Ricky Lee?

Napakarami na ring opinyon tungkol sa ‘bumababang taste’ ng mga mambabasa sa mga babasahin dahil sa pag-usbong ng mga librong ‘sikat lang’ at hindi ‘substantial’. Karamihan sa mga opinyong ito ay ipinalalabas na kasalanan ang magbasa sa Wattpad, o makabasa ng gawa ni Colleen Hoover, ni John Green, o ng insta poetries.

Pero imbes na bumawas sa mga rason ng pagkawala ng interes sa pagbabasa ng mga Pinoy, mga mambabasa rin ang pumapatay ng namumulaklak na interes sa pagbabasa ng iba. Huwag sa ganitong app magbasa kasi soft porn. Huwag basahin ang ganiyan kasi ang babaw. Huwag sa librong ’yan kasi pangit.

Nakabibingi.

Kailangang alalahanin ng mga mambabasa na hindi lahat ng mga mambabasa ay lumaking napaliligiran ng mga akdang nanalo sa Palanca. Oo nga’t mas mainam naman talagang basahin ang mga akdang umaakma sa depinisyon ng ‘makabuluhan’, pero kung hindi ito maaabot ng masa, hindi at hindi pa rin mahahanap ng mambabasa ang kabuluhan nito.

Mambabasa tayong lahat, hindi pa nga lang nahahanap ng iba ’yong librong gigising sa pagiging mambabasa nila.

At kung ‘hindi makabuluhan’ na libro ang gigising niyon sa kanila, sino tayo para pigilan ang isang mambabasa para magbasa?

Sabi nga, life is too short to read bad books.

Sabi ko naman, isn’t it better than not reading one in your entire lifetime?

Nag-e-evolve ang mga interes at panlasa sa literatura kaya basa lang nang basa. Hayaan mo sila.

Melchi Pagdanganan is the Literary Editor of Pacesetter for A.Y. 2023–2024. She is a fourth-year journalism student from the College of Arts and Letters.

--

--