Inangking Espasyo: Ang Pakikibaka ng Kadamay Para sa Pabahay

Pacesetter Newsroom
Pacesetter
Published in
7 min readJun 15, 2024

nina Sheila Natividad, Celine Sacdalan, at Kristel Anne Vadal

Larawang kuha nina Sheila Natividad at Celine Sacdalan

Tahanan nga marahil ang nagbubuklod sa isang tipikal na pamilya.

Bagama’t normalisado na sa lipunan ang paghiraya sa komportableng buhay para sa lahat, hindi ito ang realidad.

Isa si Ka Grace, miyembro ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) mula sa Pandi, Bulacan sa mga taong nangangarap magkaroon ng disenteng tahanan. Taong 2016 pa lamang ay nagmamartsa na ang kaniyang mga paa sa ngalan ng pangarap at pakikibaka.

Sa katabing bayan lamang nakatira noon ang pamilya ni Ka Grace. Ngunit dahil sa kakapusan at kawalan ng espasyong nakalaan para sa kanila, napilitan silang lisanin ang lugar at hayaang kapalaran ang magmani-obra sa kanilang tatahakin.

“Nag-start kami [pumunta sa Pandi] nu’ng 2016, tapos March 2017, nandito na kami. Amin na ‘to. May bahay na kami,” saad niya.

Ang magkaroon ng tahanang yari sa pagpapagal ng ilang taon sa trabaho ay isa na marahil na tagumpay para sa ordinaryong tao. Ngunit gaano nga kaya katamis ang pagkapanalo mula sa kinamkam na titulo?

Larawang kuha nina Sheila Natividad at Celine Sacdalan

Krisis ng libreng pabahay

Isang makasaysayang ganap ang ginawang iligal na pag-okupa ng Kadamay noong 2017 sa halos 6,000 social housing units sa Bulacan. Ang mga bahay na ito ay itinayo ng National Housing Authority (NHA) na may layon sanang tugunan ang pangangailangan ng informal settlers at paglaanan ng espasyo ang unipormadong kawani ng gobyerno.

“Alam naman namin na illegal ‘yung ginawa naming pag-okupa ng mga bahay, pero tinapangan na lang din namin sa tindi ng pangangailangan. Siyempre, nagrerenta ako monthly, pangrenta ay P2,500 hanggang P3,000. Biruin mo, sayang din ‘yun pambaon at pagkain na sana ng mga bata,” aniya.

Ganito ang palaging depensa ni Ka Grace sa tuwing napag-uusapan ang kanilang sitwasyon.

“Ang hirap talaga para sa aming [mangupahan]. Kakabayad mo lang ngayon, bukas, may utang ka na naman,” dagdag niya.

Sa mas malalim na pagtanaw, mapagtatantong iisa ang hangarin ng hanay ng Kadamay — ito ay ang pagkakaroon ng disenteng bahay at pamumuhay.

“Nu’ng nagkaroon kami ng ganito [ng bahay] dahil sumali kami sa Kadamay, nanatili na lang kami rito,” paliwanag ni Ka Grace.

Mahigit pitong taon nang nakikiisa sa panawagan ng mahihirap si Ka Grace bilang miyembro ng Kadamay. At sa isang eksklusibong panayam, inamin niyang hindi naging madali ang plano at pag-okupa ng hanay sa ilang pabahay.

“Meron kasing mga bahay na nakatiwangwang tapos hindi naman ipinamimigay, kaya naglakas-loob kami na okupahin ito. Hindi rin naman gano’n kataas ang inabot ko [sa pag-aaral], kaya ang tanong ko rin no’n sa sarili ko, sino bang Poncio Pilato ang magbibigay sa akin ng bahay?” pabirong sabi pa niya.

Larawang kuha nina Sheila Natividad at Celine Sacdalan

Marhinalisasyon

Sa kabila ng pagkakaroon ng sariling bahay, isa pa rin ang hanay ng Kadamay sa minamarkahan bilang subersibo sa lipunan. Sa katunayan, sa mga unang buwan at taon ng kanilang pamamalagi sa mga pabahay na ito, matinding panghuhusga’t sumpa ng lipunan ang pilit nilang tinatakasan.

Dahil iligal ang naging daan ng pag-abot nila sa pangarap na tahanan, maging mga bata mula sa sektor ay naapektuha nang lubos.

“Nu’ng bago pa kami rito [sa Pandi], binu-bully ‘yung mga anak namin na Kadamay,” pagbabalik-tanaw ni Ka Grace.

“‘Pag sinabing Kadamay, magnanakaw daw ng bahay. Kaya nga ‘yan ang tanong ko minsan sa kanila [sa ibang tao], sa labas po ba ay puro matitino? Kasi kapag sinabing nakaw, binubuhat mo, e. Pero nandiyan lang naman ‘yung bahay — tinitirahan lang po namin,” depensa niya.

Tinatayang nasa kalahating populasyon o 13.2 milyong pamilyang Pilipino ang mahihirap base sa ulat ng OCTA Research sa taong 2023. Samantala, 2.21 milyong Pilipino naman ang nananatiling walang trabaho na tumutumbas sa halos 4.4% ng unemployment rate sa bansa.

Hindi ito basta numero at bahagdan lamang kundi matibay na indikasyon ng mas lumalawak na reyalidad ng kahirapan sa bansa.

Aminado si Ka Grace na isa ring pasanin para sa kanila ang kawalan ng trabaho. Hirap humanap ng anumang pagkakakitaan ang kanilang pamilya, bagay na isinisisi naman ng ilan sa kanilang ugnayan sa Kadamay.

“May bahay ka nga, wala ka namang trabaho, paano mo matutugunan ‘yung iyong mga pangangailangan? ‘Yun naman ang kailangan ng isang pamilya — trabaho,” aniya.

Bagama’t may programang inilaan ang Local Government Unit (LGU) ng Pandi para sa gaya nilang maralita, hindi pa rin maiwasan ni Ka Grace at ng kaniyang mga kasama na mag-isip kung ano pa nga ba ang saysay nito.

“E ‘yung livelihood program, parang mga trainings pa lang ‘yon e [gaya ng] paggawa ng sabon. ‘Yun ang mga ibinibigay pa lang nila, pero sa actual, more on trainings pero walang application ng trabaho,” pag-amin niya.

Dahil sa progresibong grupo rin ang Kadamay na lantarang nakikibaka para sa karapatan ng maralita, hindi maiiwasang maiugnay sila sa New People’s Army o NPA.

“Nandiyan ‘yung mga pulis, nandiyan ‘yung mga militar. Ang sabi nila do’n ay ie-evict daw kami. E ‘di nagbarikada kami riyan. Lahat ng member [ng Kadamay], nandiyan ‘yan. Bahay ang kailangan namin, e,” saad ni Ka Grace.

“Bakit, ano ba’ng hawak namin, may baril ba kami? Boses lang naman namin ang inilalabas namin at panawagan. Nakakaranas kami na pinupuntahan ng militar ‘yung bahay namin noon,” pag-angil niya.

Larawang kuha nina Sheila Natividad at Celine Sacdalan

Tahasang pananggol

Sa kabilang banda, hangad man ng NHA na makapagtayo ng pabahay para sa mga nangangailangan, may mga pagkakataon pa ring inuulan sila ng batikos dahil sa kanilang koneksiyon sa gobyerno.

Ang nangyaring pag-okupa ng Kadamay ay naging sanhi ng pagkawalan ng tirahan ng ibang informal settlers at unipormadong kawani ng gobyerno na pangunahin sanang benepisyaryo ng proyekto. Sa kabila nito, nilinaw naman ng NHA na naiintindihan nila ang pangangailangan ng mga maralitang ang gusto lamang ay magkaroon ng tirahan at makapamuhay ng maginhawa.

Sa panayam ng Pacesetter, nilinaw rin ng NHA na walang katotohanan ang mga batikos na ipinupukol sa kanila.

“Hindi p’wedeng ibigay basta-basta ‘yan kasi mako-COA (Commision on Audit) ka. Sa government kasi mahigpit ang COA, hindi mo pwedeng ilabas ‘yan nang hindi sila ‘yung [kumukuha] kaya natagalan,” paliwanag nila.

Isa pa sa mga dahilan kung bakit matagal naiwang nakatengga ang mga pabahay ay dahil kinailangan din umano ng basbas ng Kongreso upang maaprubahan ang Joint Resolution №2.

Nilalaman ng resolusyong ito na binibigyang kapangyarihan ang NHA upang ipamigay ang mga hindi pa naibibigay na kabahayan sa mga kwalipikadong benepisyaryo, pati na ang mga naibigay na pero hindi pa okupado.

Depensa pa ng NHA, naiwanang walang tao ang mga kabahayan dahil mayroong prosesong tinatawag na ‘allocation’, na nangangahulugang nakalaan na ang ilang mga bahay para sa iba’t ibang tao ngunit hindi ibig sabihin ay kanila na ito — depende sa desisyon ng benepisyaryo kung kanila itong tatanggapin o tatanggihan.

“Akala lang kasi ng iba, ‘yun ‘yung mentality din kasi ng Kadamay na nakatengga, ang tagal nang hindi naanuhan [natitirhan]. Kasi sa government, kapag nagpatayo ka ng isang resettlement [site], hindi naman kaagad mababayaran ni NHA ‘yan, e. Mababayaran ni NHA ‘yan sa mga developer kapag may nailipat na,” paglilinaw ng Community Service Center Unit ng NHA.

“Hindi dahil matagal ‘yung proseso, hindi. ‘Yung desisyon ng tao na ililipat mo ang [kailangan]. Tapos ang process pa no’n, kailangan mong mag-produce ng birth certificate, e ‘yung iba walang birth certificate, paano nila ipa-process?” dagdag pa nila.

Pagdating sa bayaran, ipinaliwanag din ng NHA na parehas lamang ang ibinabayad ng mga benepisyaryo at Kadamay.

“Pareho silang nagbabayad. Pareho silang beneficiary ni NHA, kung ano ‘yung pinrocess nu’ng sa legal na awarded ni NHA at kay Kadamay, pareho lang,” wika nila.

Dumadaan sin sa proseso ng ‘loan agreement’ ang lahat ng nakaokupa sa mga pabahay. Ito ay nangangahulugang magbabayad ang isang benepisyaryo sa loob ng 30 taon at tumataas ito ng P200 sa loob ng limang taon, at pagtungtong ng ika-anim ay magiging P490 naman.

Sakaling hindi agad makapagbayad, may kapangyarihan ang NHA na patalsikin ang isang nakaokupa sa bahay, pero paglilinaw nila, hindi nila ito magagawa dahil sa huli ay pag-aari pa rin ito ng gobyerno at hindi pribado.

“‘Yun ‘yung kinagaan at kinaginhawa, kaya nga pabahay ng mga maralita. Totally, bago ka paalisin, bibigyan ka ng pre-notices. First bill ng notice, second bill ng notice, third bill ng notice, kung hindi mo s’ya papansinin at i-ignore mo lang s’ya, walang mangyayari kung hindi, aalis ka na. Hindi ka na makakatanggap ng mga billing mga ganon-ganon, wala ka ng matatanggap,” pagpapaliwanag ng Community Service Center Unit ng NHA.

Kasama rin sa kanilang nabanggit na maliit lang ang penalty at interes nito pero kagaya ng kahit anong utang, kapag nagpatong-patong ay tiyak na bibigat ito.

“‘Yung laban naman ng kadamay ay para sa disente at abot-kayang pabahay.”

Batid ni Ka Grace at ng buong Kadamay na nakamtan man nila ang pangarap na bahay, bitbit pa rin nila ang pangambang nakakabit sa kani-kanilang pakikibaka.

At sa kabila ng pag-iral ng karapatang pantao, isang manipestasyon pa rin ang danas ng kanilang sektor na hindi lahat ay napagkakalooban ng pantay na pangangailangan.

At gaya nga ng gasgas na kasabihan, mahirap talagang maging mahirap.

Sheila Natividad is a junior staff writer of Pacesetter. She is a third-year journalism student from the College of Arts and Letters.

Celine Sacdalan is a junior staff writer of Pacesetter. She is a third-year journalism student from the College of Arts and Letters.

Kristel Anne Vadal is the Features Editor of Pacesetter for A.Y. 2023–2024. She is a fourth-year journalism student from the College of Arts and Letters.

--

--