Isang Malaking Kahipokritohan ang ‘Bagong Pilipinas’

Pacesetter Newsroom
Pacesetter
Published in
5 min readJun 13, 2024

Harvey Sabado | Pasyag

Pag-aanyo ni Mylene Lovelyn Tumamak

Hipokrito!

Hindi na nga maasahan sa mga suliraning panlipunan, nakuha pang gumawa ng bagong pakulo.

Nito lamang Linggo, ibinaba ng Presidential Communications Office (PCO) ang Memorandum Circular (MC) No. 52 ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na nag-aatas sa lahat ng mga ahensiya ng gobyerno, mga korporasyon na pagmamay-ari o kontrolado ng pamahalaan, at State Universities and Colleges (SUCs) na i-integrate o gawing bahagi ng kanilang lingguhang flag ceremony ang pag-awit at pagbigkas ng Bagong Pilipinas Hymn and Pledge.

Birada ng Pangulo, ito ay para itanim daw sa lahat ng Pilipino ang mga prinsipyong dala-dala ng branding ng kaniyang panunungkulan—ang “Bagong Pilipinas”.

Ayon kay Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada, layon ng MC 52 na magtaguyod ng mabuting pamamahala at progresibong pamumuno, ipaalala ang pagiging makabayan at pagkakaisa ng mga Pilipino.

Giit naman ng grupong Teachers Dignity Coalition (TDC), ang direktiba ng Pangulo ay impraktikal, hindi kailangan, at walang kaugnayan sa pagtuturo ng nasyonalismo at patriotismo sa mga estudyante

Sa kabila ng sandamakmak na problema na kailangan ng malalim na pagtalakay at komprehensibong pagtugon, naisingit pa talaga ni Marcos Jr. ang magbaba ng walang saysay na kautusan?

Unang-una, mayroon na tayong Lupang Hinirang at Panatang Makabayan na sa loob ng mahabang panahon na paulit-ulit kinakanta at binibigkas, naisabuhay na nating mga Pilipino ang mga ugali at etikang taglay ng pambansang awit at panata.

Para saan pa ang ibinabang tagubilin ng Pangulo? Hindi na siguro tayo dapat magulat dahil hindi na rin naman bago ang ganitong klase ng tagpo.

Nangyari na ito dati sa panahon ng kaniyang diktador na ama na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., kung saan walang habas niyang inilabas sa radyo, telebisyon, at ipinarinig sa publiko ang kaniyang propaganda song na “Bagong Lipunan” sa kabila ng reyalidad na may nangyayaring pagmamasaker sa mga magsasaka, pagtortyur sa mga aktibista, at pang-aabuso sa karapatang pantao.

Malinaw sa atin na ang mga taktika ni Marcos Jr. ay walang pinagkaiba sa pamamaraan ng kaniyang diktador na ama.

Marahil tama nga ang turan ng TDC na ang “Bagong Pilipinas Hymn and Pledge” ay tunay na impraktikal at hindi makapagtuturo ng patriotismo at pagmamahal sa bayan, lalo sa mga estudyante.

Kahit ipagtanggol pa ni Estrada ang naturang direktiba ng Pangulo, hindi pa rin maikukubli ang katotohanan na isa lamang itong progpaganda ni Marcos Jr. upang pagandahin ang imahe ng kaniyang bulok na pamamahala at ilayo tayo sa reyalidad na wala talaga siyang malinaw na hakbang para solusyonan ang walang patid at nabubulok na mga problema.

Gaya na lamang halimbawa sa isyu ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa.

Sa nagdaang mga buwan at linggo, laman ng balita ang iba't ibang POGO Hub na sinalakay ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa bahagi ng Central Luzon, partikular ang Zun Yuan Technology Incorporated sa Bamban, Tarlac, at Lucky South 99 sa Porac, Pampanga.

Ayon sa mga awtoridad, parehong nasasangkot ang dalawang ito sa mga ilegal na gawain tulad ng human trafficking, serious illegal detention, hacking, scams, at surveillance activities.

Inihayag na nga ng National Security Council (NSC) na dapat nang ikonsidera ang mga ito bilang banta sa seguridad ng bansa, at makailang beses na rin siyang kinukumbinsi ng ilang mga mambabatas para ipatigil ang operasyon ng mga POGO, ngunit nakakapagduda kung bakit hanggang ngayon ay wala pa ring tugon ang ulo ng palasyo.

Maging sa isyu ng walang habas na panghihimasok ng China sa ating mga katubigan sa West Philippine Sea (WPS) ay nananatiling puro salita si Marcos Jr.

Nagpatupad na ng fishing ban ang China sa karagatan ng South China Sea (SCS) kung saan damay rito ang mga katubigan doon na sakop ng ating teritoryo at soberanya, ngunit ang tugon ni Marcos Jr. ay magbigay ng alternatibong kabuhayan sa ating mga mangingisda habang ipinatutupad ang ban.

Hindi na nagtanda ang Pangulo. Mas inuna pa niya ang magpalabas ng walang kwentang memorandum kaysa sugpuin ang ilegal na operasyon ng mga POGO at solusyonan ang nagpapatuloy na pagkamkam ng China sa ating karagatan.

Ang tila pagsasawalang-bahala ni Marcos Jr. sa mga usaping ito ay pagpapakita lamang ng kanyang kawalan ng prioritization at kakulangan ng pag-unawa sa tunay na pangangailangan at problema ng bansa.

Ano ang magagawa ng kanyang “Bagong Pilipinas Hymn and Pledge” sa pagresolba sa mga isyung may kinalaman sa soberanya at seguridad ng Pilipinas? Direktang wala.

Nais niyang magpunla ng patriotismo pero mismong siya ay hindi niya maipakita ang kanyang totoong pagmamahal sa bayan. Paano? Kitang-kita naman ito sa kung paano siya gumagalaw bilang presidente.

Kung totoo ang kanyang pagmamahal sa bayan, marapat lamang na tugunan niya ang tunay na pangangailangan ng mga Pilipino, gumawa ng hakbang para ipagtagumpay ang karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea, at magbaba ng direktiba na susugpo sa mapagsamantalang operasyon ng mga dayuhan sa ating bansa.

Hindi maipapakita sa pag-awit at pagbigkas ng huwad ng panata at kanta ang adhikain at prinsipyong tangan ng kanyang pamamahala.

Kung totoo ang mga prinsipyong dala-dala ng Bagong Pilipinas, marapat lamang na patunayan niya ito sa pamamagitan ng pagharap at pagtindig sa kontrobersiyal na mga dagok o hamon na kinakaharap ng masa at Pilipinas—hindi sa paglikha ng mga propaganda gamit ang musika at literatura upang tapalan ang kawalang pananagutan ng kaniyang pamahalaan.

Hindi maitatanggi na pangarap nating lahat na magkaroon ng isang bansa kung saan ang lahat ay naaabot ng pagbabago at bawat isa ay may patriotismo. Nais nating makalaya sa kasalukuyang lipunan na ang isinisiksik sa ating pagbabago ay isang huwad at kontrolado ng imperyalismo, pyudalismo, at burukrata-kapitalismo.

Ito rin ang dahilan kung bakit taon-taon nating ginugunita ang Araw ng Kalayaan. Isa itong paalala na kung nakamit natin sa ating kasaysayan ang kalayaan mula sa mga mananakop—posible rin nating makamtan ang hangad na kalayaan kung matututuhan nating kumilos upang humingi ng pananagutan sa pamahalaan at lagsakin ang sistemang pinaghaharian ng mga dayuhan at trapong opisyal.

Harvey Sabado is a staff broadcastter of Pacesetter. He is a first-year Journalism student from College of Arts and Letters who covers topics related to politics, mobilizations, governance, and human rights.

--

--