Laban Kasama ang mga Nagbabalatkayong Linta

Pacesetter Newsroom
Pacesetter
Published in
3 min readJun 15, 2024

Leonard Andrei Cabalona | Magnifying Glass

Pag-aanyo ni Mylene Lovelyn Tumamak

Sa lipunang pinaghaharian ng mga tiwali, maituturing nang maliit na tagumpay ng minorya kung sa dungis ng tiwali ring iyon nagmula ang paghina ng isang linta sa sistema.

Kung titingnan ang kasalukuyang galaw ng pulitika sa Pilipinas — personal na interes ang pinaiiral ng mga nasa administrasyon–normal na sa bawat panig na magbatuhan ng putik sa isa’t isa, na humahantong sa kaganapang interesante sa lahat ng paniniwalang politikal.

Mainit na usapin ang Sonshine Media Network Incorporated (SMNI) matapos nitong ibunyag ang kuwestiyonableng paggamit ni House Speaker Martin Romualdez sa P1.8 bilyon umanong travel fund nito.

Dahil sa pagtangging makipagtulungan sa pagdinig ng Kamara, ikinulong matapos ma-contempt ang dalawa sa mga host ng SMNI na sina Lorraine Badoy at Jeffrey Celiz.

Nagsagawa naman ng serye ng panggabing hunger strike ang dalawa upang makaani ng simpatiya mula sa publiko.

Kung tutuusin, pakitang-tao lang ang ipinakitang drama ng dalawang red-tagger, na bukod sa kabilang sa estasyong may mapanlinlang na prinsipyo ay sumisira din ng kredibilidad sa pamamagitan ng palabas nilang “Laban Kasama ang Bayan”.

Bukod sa pagtatampok sa programang kontra-insurhensiya ng pamahalaan — kung saan palaging bida ang National Task Force to End Local Armed Conflict (NTF-ELCAC) — hindi mabubuo ang nasabing programa kung hindi magbabanggit ang mga host nito ng akusasyong komunista ang mga indibidwal at organisasyong lihis sa gobyerno.

Hindi rin nakaligtas sa komentaryo nina Badoy at Celiz ang isang kasalukuyang senador mula sa Bulacan State University (BulSU) Student Government noong Setyembre 20. Halos lumuwa na raw ang mata ng indoktrinadong senador sa pangunguna sa kilos-protesta kasabay ng press conference ng paglitaw sa mga aktibistang sina Jonila Castro at Jhed Tamano sa Plaridel, Bulacan.

Kaya’t nakatatawa na nanawagan ang mga tagasuporta nina Badoy at Celiz ng kilos-protesta para sa mga SMNI host sa mga araw na nakadetine ang mga ito, dahil mismong playbook ng mga taong dinudusta nila sa telebisyon ang ginagamit nila, na nagmumula sa desperasyong maliitin ang mga anumang pagkilos mula sa mamamayan.

Pero sa kabila nito, manipestasyon ang pag-aksyon ng Kamara sa ulat ng SMNI ukol sa travel fund ni Romualdez sa hidwaang nabubuo sa kampo ng pangulo at bise presidente. Ang Uniteam na nangako ng pagkakaisa sa 31 milyong botante ay unti-unting gumuguho mula sa loob bunsod ng ambisyong pulitikal ng mga Marcos at Duterte, kung saan SMNI ay nagiging pamato sa politikal nilang galaw.

Matatandaang malapit ang dating pangulong Rodrigo Duterte sa may-ari ng estasyon na si Apollo Quiboloy, na nagsilbi pa nitong spiritual adviser at minsanang nagiging bisita sa mga programa ng SMNI. Samantala, pinsan ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. si Romualdez, na mula sa angkan ng ina ni Marcos.

Mas pinakomplika pa ang sitwasyon ng SMNI ng pagkakasangkot ni Quiboloy sa kasong sex trafficking, bulk cash smuggling, at money laundering sa Amerika, dahilan para mabahiran ang reputasyon ng network.

Hamon ngayon sa SMNI ang sunod-sunod na pag-alingasaw ng iregularidad sa pagsapraktika nila ng pamamahayag, gayundin ang mga interes sa likod nito, sa kasalukuyang dinirinig na prangkisa ng network. Inirekomenda na kamakailan ang pagpapahinto sa operasyon nito habang sinusuri ang mga paglabag ng mapagbalatkayong estasyon.

Sa lipunang pinaghaharian ng mga tiwali, maituturing nang maliit na tagumpay ng minorya kung sa dungis ng tiwali ring iyon nagmula ang paghina ng isang linta sa sistema.

Pero ang pagsuri sa likod ng mga intensiyon sa pagpapabagsak sa mga nakikinabang sa sistema ang makakapagpalinaw sa kung nasaan ang lipunan ngayon–at saan ito patungo.

Leonard Andrei Cabalona is the Development Communication Editor of Pacesetter for A.Y. 2023–2024. He is a fourth-year journalism student from the College of Arts and Letters who covers issues related to health and current affairs.

--

--