Laban ng Badyet sa Edukasyon

Pacesetter Newsroom
Pacesetter
Published in
3 min readJun 17, 2024

Nathaniel Valles | Sakdal

Pag-aanyo ni Mylene Lovelyn Tumamak

Huwag magpapalamon sa hatid na galak ng salapi nang dahil lang sa hatid nitong ilusyon.

Sa kaliwa’t kanang pagputok ng balita patungkol sa sunod-sunod na paggasta ng anak ng dating diktador na siya ring kasalukuyang presidente, na sinasabayan ng kaniyang bise, binibigyang-diin nito ang kanilang kalabisan sa paggastos na tila taliwas sa kanilang tunay na responsibilidad — ang solusyunan ang mga kasalukuyang krisis na ating kinakaharap. Nilalantad nito ang nakaaalarmang kalagayan at pangkalahatang sitwasyon ng bansa.

Sa pagtaas ng kanilang gastusin sa paglipad sa loob man o labas ng bansa, ganoon naman ang pagbaba ng badyet sa alokasyon para sa mga State Universities and State Colleges (SUC) — isang suliranin na magdudulot ng mas pahirap na edukasyon para sa masang estudyante.

Nakapanlulumo ang halos anim na bilyong piso ang ibinawas sa badyet ng SUCs ngayong taon na may halagang P105.6 bilyon mula sa Department of Budget and Management (DBM). Hindi hamak na maliit lang na bahagdan ito sa halos na P5.768 trilyon proposed budget na National Expenditure Program (NEP) para sa 2024.

Kung tutuusin, hindi magiging sapat ang badyet na ito sa lokalisadong kinahaharap na mga suliranin ng mga unibersidad. Isa na rito ang hadlang sa akses at dekalidad na edukasyon, kulang na kagamitan, klasrums, at mga imprastruktura, limitadong oportunidad sa pananaliksik, mga pagsubok ng mga guro at kawani, at ang pinalalalang hindi pantay-pantay na oportunidad sa edukasyon.

Maaalalang sa 117 na SUCs sa Pilipinas, mahigit 30 dito ang natapyasan ng badyet sa NEP, kahit na sa kabila nito ay patuloy ang paglobo ng populasyon ng mga estudyanteng nagnanais tumuntong sa kolehiyo. Kaya’t hindi na nakapagtatakang ang lupon ng mga presidente ng SUCs ay idinidiin ang pangangailangan ng mga unibersidad sa mas malaking badyet — pinaglalaban na ang sistema ng edukasyon ay matagal ng may krisis.

Ayon sa Presidente ng Philippine Association of State Universities and Colleges (PASUC) na si Dr. Tirso Ronquillo, binawasan ng DBM ang inaantabayanag badyet kahit na nakasalalay dito ang kinabukasan ng 1,803,359 na student-beneficiaries na umaasa sa free higher education na programa ng pamahalaan.

Sa kabilang banda, halos 1.61 bilyon ang ilalaang badyet sa Bulacan State University (BulSU) sa 2024, na pumapantay o higit pa kung ihahambing sa mga unibersidad at kolehiyo sa buong Gitnang Luzon. Kabilang sa paglalaanan nito ang isang state-of-the-art na sports at recreation zone sa malawakang 20-hektaryang Campus 2. Karagdagang 15 milyong piso naman ay inilaan sa pagtayo ng dormitoryo sa San Rafael Campus.

Maaari bang ito ang dahilan sa pag-iba ng presidente ng BulSU mula sa nagkakaisang pananaw ng 36 iba pang mga unibersidad, na lahat ay nagtataguyod ng mas mataas na suporta sa NEP para sa 2024?

Natural lamang na magtanong kung ang hindi pagpirma ng pangulong Teody San Andres ay nagmumula sa kahanga-hangang posisyon ng BulSU sa pananalapi. Ang mga tanong na ito ay nagbibigay-diin sa ating konsensiya na nag-udyok ng isang tapat na pagsusuri ng mga prayoridad at obligasyon.

Sa panibagong pamamahala, marapat lamang matugunan ng ibibigay na pondo ang mga nananatiling hamon sa unibersidad tulad ng mga pasilidad ng banyo, silid-aralan, at mas maayos pa na mga pasilidad para sa mga BulSUan. Ngunit, hindi lamang ito tungkol sa mga pisikal na pagpapabuti; ang pagsolusyon sa kakulangan ng mga guro ay isang mahalagang prayoridad upang matiyak ang komprehensibong pag-unlad at mataas na kalidad na edukasyon. Ang malaking badyet na ito ay simbolo ng simula para sa malawakang pag-unlad ng unibersidad.

At isang paalala sa mga nakaupo, huwag hayaang ang ilusyon ng pribilehiyo at repleksiyon ng makinang na salapi ang magturo sa inyo na manahimik at manatiling tahimik. Kahit sa hukay, hindi niyo ‘yan madadala.

Nathaniel Valles is the Circulations Manager of Pacesetter for A.Y. 2023–2024. He is a fourth-year psychology student from the College of Social Sciences and Philosophy.

--

--