Mapanganib ang ‘Gitna’

Pacesetter Newsroom
Pacesetter
Published in
3 min readJun 10, 2024

Amiel Antonio | Perthro

Pag-aanyo ni Mylene Lovelyn Tumamak

Walang kinikilingan.
Sa ganitong nosyon natin nakilala ang papel ng mga mamamahayag sa Pilipinas. Kinukulong ng lipunan at ng nakagisnang imahe na dapat ay palaging ‘neutral’ o walang pinapanigan ang midya. Ngunit nagbabago ang panahon—at kasabay nito, gumugulong ang progresibong pag-igpaw ng tunay na malaya at mapagpalayang peryodismo.
Bilang bahagi ng mga haliging nagsusulong ng katotohanan, nagsisilbi sa sambayanan, at nagtutulak sa tunay na demokrasya sa bansa, ang mga peryodista ay may sagradong obligasyon sa masang Pilipino. At hindi nito bahagi ang pagpili sa gitna bilang lugar ng pamamahayag. Sapagkat tunay na delikado ang tumayo sa gitna sa mga oras ng inhustisya.
Sa ika-89 anibersaryo ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP) noong 2020, tinalakay ng GMA anchor at dokumentarista na si Atom Araullo ang mito hinggil sa neutrality ng peryodismo at binigyang-diin ang kahalagahan ng pagiging kritikal sa pagbabalita.
“Being impartial or neutral is not a core principle of journalism. The final result is never impartial nor neutral because there is only one objective truth, and the truth is never neutral,” ani Araullo.
Totoo ito sa gana na ang unang obligasyon ng pamamahayag ay ang katotohanan—at ang katotohanan ay hindi kailanman titindig sa gitna. Nilinaw ni Araullo sa kaniyang diskusyon na tanging ang pamamaraan ng peryodismo lamang ang objective at hindi ang mga peryodista. Mayroon at mayroon silang bias at ito ay sa masa. Dahil higit kailanman, ang katapatan ng mga mamamahayag ay palagi at palaging sa tao at katotohanan.
Kaya sa sandaling piliin ng isang manunulat na itayo ang prinsipyo ng kaniyang isinusulat sa gitna, awtomatiko itong nagdaragdag ng madilim na kontribusyon sa panig ng inhustisya. Ang pagiging apolitikal at walang pakialam sa mga salik na nakaaapekto at nagpapalala sa sitwasyon ng mga ordinaryong Pilipino at tao sa pangkalahatan ay malinaw na pagtalikod sa kapuwa at kawalang malasakit.
Kung kaya’t malaking pagkadismaya rin para sa hanay ng midya ang kawalan ng tindig ng Rappler CEO at Nobel Peace Prize Winner na si Maria Ressa hinggil sa genocide na dinaranas ng mga Palestino mula sa bansang Israel.
Buhat nang magdeklara ng giyera ang Israel, bukod sa mga inosenteng paslit at pamilya, mga mamamahayag at manggagawang midya ang isa sa mga pinakamalubhang nakatamo ng epekto ng karahasan. Sa tungkuling makapagbigay ng impormasyon sa lagay ng mga tao, sariling buhay ang nasa bingit ng kamatayan sa araw-araw na pagsisilbi.
Sa tala ng Committee to Protect Journalists (CPJ) nitong ika-14 ng Disyembre 2023, sa paunang imbestigasyon ay may 63 mamamahayag at manggagawang midya na kabilang sa mahigit 19,000 na nakitil mula Oktubre 7.
Habang libo-libo ang namamatay sa digmaang ito kabilang na ang hanay ng midya, nananatiling walang solidong tindig laban sa terorismo ng Israel si Ressa. Bagama’t itinutulak niya ang kapayapaan sa parehong panig, ang pagtayo niya sa gitna bitbit ang Nobel Peace Prize ay manipestasyon ng pagtalikod niya sa sinumpaang pangako ng mga mamamahayag na pumanig sa katotohanan.
Kaya ang pagtindig sa gitna gayong nakikita mo ang inhustisya sa iyong harapan ay walang pinag-iba sa pagpanig mo sa tunay na mitsa ng pang-aapi. Ganito kadelikado ang lumugar sa gitna kapag batid mong may kakayahan ka bilang peryodista na gamitin ang kapangyarihan ng peryosdismo para palakasin ang panawagan ng masang api.
Hindi kailanman matatanggap ng mga biktima na pinagmasdan mo lang sila kahit alam mong may magagawa ka habang inaabuso, dinarahas, at sinasamantala ang kanilang mga karapatan.
Kaya hindi totoo na dapat ‘walang kinikilingan’, ang midya ay dapat may pinapanigan.
Sa katotohanan. Sa sambayanan.

Amiel Antonio is the Editor-in-Chief of Pacesetter for A.Y. 2023–2024. He is a fourth-year journalism student from the College of Arts and Letters.

--

--