May Pera sa mga Upos ng Kandila: Ang Paghahanap ng Pag-asa sa Madilim na Sistema

Pacesetter Newsroom
Pacesetter
Published in
7 min readJun 18, 2024

ni Regina Shane Lopez

Larawang kuha ni Regina Shane Lopez

Nabubuhay sa kumikislap na apoy, pinagtitibay ng bawat patak — mga kuwentong mariing nakaukit sa makukulay na tulos ng kandilang saksi sa mga hamon na sikmura ang sanhi.

Ang pagtatapos ng Oktubre ay siya namang hudyat ng paggunita sa araw ng mga kaluluwa. Isa na marahil sa kabalintunaan sa pagsalubong nito ay ang tahimik na sementryo at maingay na kalamnan ng ilang tagapagmasid dito.

Sa ilalim ng naglalakihang puno, makikita ang samot-saring mga bata at matanda na nagkakayod ng tuyong kandila upang kumita. Balewala ang init, baha, maski pa ang panganib na maaaring sapitin sa ginagawa. Ang mahalaga ay masagot ang tawag ng sikmura.

Larawang kuha ni Hennessy Chua

Hanapbuhay, hanap-patay

Bukod sa kababalaghang naging tradisyunal nang kakambal ng pagsalubong sa buwan ng Nobyembre, hindi rin mawawala ang mga kakatwang bagay pati na trabaho na sa panahong ito lang namamayagpag.

Sa pambihirang pagkakataon, mga patay at tuyong kandila ang nagsisilbing kadluan ng salapi ng ilang mga Pilipino upang matustusan ang patong-patong na gastusin sa araw-araw.

Bagama’t talamak ang gumagawa ng pagkakayod ng kandila sa iba pang araw ng taon, hindi hamak na mas mabenta at patok ito sa tuwing papalapit at sa araw mismo ng Undas.

Isa si Roda*, 32, mula sa Caingin sa Lungsod ng Malolos, Bulacan, sa mga patunay kung paanong ang kandila at bulaklak ay nagbubunga ng buhay.

Sa tuwing araw ng undas, alas-huwebe pa lamang ng umaga ay naghahanda ns si Roda upang maglatag ng kaniyang panindang bulaklak at kandila sa labas ng Legacy Memorial Park.

“Ako lang gumagawa [ng bulaklak], pero [iyong] kandila hinahango lang,” paliwanag niya.

Sa isang panayam sa Pacesetter, ibinahagi ni Roda na ang mga kandilang binebenta ay hinango niya mula pa sa Malabon City, habang ang mga bulaklak ay mano-mano niyang ginagawa. Sa unang araw pa lang ng Nobyembre ay kumikita na siya ng halos sampung libong piso, bagay na ikinatutuwa hindi lang ng kaniyang sarili kundi maging ng mga kapuwa tindera.

“Malaking bagay para sa ‘kin ang [pagbebenta], kasi lalong-lalo para sa mga anak ko, araw-araw na panggastos,” aniya habang kaliwa’t kanan ang tingin sa pag-asang patuloy ang pagdagsa ng mga tao.

Sa kapareho ring sementeryo nakatatagpo ng pag-asa at ikabubuhay ang mahigit isang dekada nang nangongolketa ng tuyong kandila na si Tatay Maximo San Juan.

Mano-manong binabasag ni Tatay Maximo ang mga tirang kandila na nasa loob pa ng baso saka iipunin at ibebenta sa halagang P15 kada kilo. Bukod sa mailap na pagkakataon, hamon ding maituturing para sa kaniya ang limitadong araw ng pagbisita ng kaniyang mga pinagbebentahan.

Kadalasan ay isang beses sa isang linggo lang kung ito ay magpakita pero kung may kamalasan ang araw ay inaabot pa ng ilang linggo bago niya tuluyang maibenta ang naipong tuyong kandila; bagay na nakaaapekto sa kaniyang pantustos sa ilang araw. “Minsan nangungutang lang ako, tapos kapag kumita ako ng singkwenta o sisenta, binabayad ko.”

Itinataguyod ni Tatay Maximo ang buhay katuwang ang kaniyang misis na ngayo’y malayo sa kaniyang piling at minsanan lang kung umuwi dahil sa hiwalay na trabaho. Ang kanila namang mga anak ay mayroon nang sariling pamilyang binubuhay kung kaya’t samakatuwid, ay mag-isa lamang siya halos sa kanilang tahanan.

Kasabay ng pagkutkot ng tuyong kandila ay siya namang pagpawi ng kaniyang pag-iisa. Bukod sa libangan ay ito na rin kasi ang inaasahan niya upang mairaos ang araw-araw na pangangailangan. Kaya naman gano’n na lang kalaki ang tinatanaw niyang utang na loob sa mga taong hinahayaan lamang siya sa kaniyang ginagawa.

“Nagpapasalamat din naman ako sa may-ari [ng lapida], dahil ‘pag nakikita nila ako [sa Legacy] pinababayaan lang nila ako. E, wala naman ako ginagawang masama rito sa loob ng Legacy, tutuusin nga minsan kahit papaano nakakatulong-tulong ako sakanila. Sa tagal na ‘yon, walang nagalit sa ‘kin diyan kahit isang tao,” paliwanag niya.

Sa loob ng isang dekada, isang daang piso lamang ang pinakamataas niyang kinita mula sa pagkutkot at pagbebenta ng mga tuyong kandila. Kapos na kapos upang tugunan ang kaniyang pangangailangan lalo pa sa kasalukuyang 6.1% na inflation rate sa bansa nitong Setyembre batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA).

“Kulang, kumbaga sa kuwan, e, ang pinagbibilhan ko lang minsan P75, minsan nakakaisang daan din. Naaagad kong ibenta kasi kapag wala akong pera, binebenta ko na,” ani Tatay Maximo.

Sa kabila ng kagustuhang makahanap ng mas maayos na trabaho, naiwang walang pagpipilian si Tatay Maximo dala na rin ng kaniyang kondisyon. “Hindi na kasi ako makapagtrabaho, e hindi na ako p’wede magtrabaho ng mabibigat. Eh dahil nagkaro’n na ako ng kapansanan sa katawan noong nangandila na ako.”

Hindi man kapani-paniwala ay tanging pangungutkot ng kandila ang naging kaagapay ni Tatay Maximo upang madugtungan ang buhay hindi lang ng kaniyang sarili, kundi maging ng kaniyang pamilya. Ang bawat gusot at bahid ng pagpupursigi sa mga sulok ay naglalarawan ng laban ni Tatay Maximo na naghihintay ng pag-asa, isang pagsusumikap na maiangat ang sarili mula sa hagupit ng kahirapan.

Larawang kuha nina Hennessy Chua

Banat-buto

Kung uugating mabuti, ang ganitong trabaho ay nagiging dahilan lamang ng ilan upang paniwalain ang sariling bunsod ito ng kagustuhang makapaglibang. Sa reyalidad, pangkain at pantustos ang nagkukubling katotohanang bunga ng krisis panlipunan.

Isa si Michael* sa mga menor de edad na nakahahanap ng pagkakakitaan sa sementeryo tuwing sasapit ang undas.

Gaya ni Tatay Maximo, pangungutkot ng tuyong kandila rin ang nagsisilbi niyang kadluan ng salapi. Bagama’t hindi niya gaano sineseryoso ang gawaing ito, inamin niya kalaunan na ang pagkakaroon ng sapat na pangkain ang kaniyang pangunahing motibo.

Si Michael at ang tatlo pa niyang kasama ay kadalasang nagsisimula pagsikat pa lang ng araw, habang ang dalawa pa sa kanilang hanay ay sa gabi naman naghahanapbuhay.

Dahil sa murang edad, hindi hinihikayat ng mga awtoridad na gawin ito ng grupo ni Michael. Sa katunayan, nagmimistula ring sumpa ang kasiyahan nilang ito. Nakatutulong man upang malamanan ang kanilang mga bulsa ay nagiging daan at dahilan naman ito ng matinding pang-aalipusta.

Kung hindi imahe ng mga batang patapon ang kinabukasan, kadalasan ay nakatatanggap sila ng hindi makatuwirang salita sa mga taong may kinatatayuan sa lipunan.

“Minsan po minumura kami, gano’n”, banggit ng kasamaham ni Micahel na si Kenneth*.

Bukod pa rito ay madalas ding makumpiska ng mga tanod ang kanilang naiipong kandila. At kung minsan naman ay natitiyempuhan din silang hulihin, depende sa bigat ng reklamo ng mga tao sa sementeryo.

“Isang sako na po nakuha namin, e, tapos kinuha nila,” banggit ni Michael habang sinasalaysay niya kung paano minsang kinumpiska ng mga opisyal sa kanilang lugar ang mga naipon nilang kandila.

Sa isa pang pampublikong sementeryo sa Barasoain, dagsa ang mga batang edad otso hanggang 12. Gaya sa mga nauna, silang lahat ay nagkukutkot din ng mga upos ng kandila.

Ilan sa mga batang ito ay sina Kyle*, walong taong gulang, at Jenny*, siyam na taong gulang, na nakahanap ng diskarte sa libingan upang makatulong sa kani-kanilang pamilya.

“Para lang po [makatulong] sa magulang po namin,” kuwento ni Kyle, na pareho rin ng naratibo ng kay Jenny.

Sa mata ng ilan, isang krimen ang ginagawa ng mga paslit na kagaya nila lalo pa’t kung batas ang pagbabatayan ay protektado dapat sila mula sa anumang uri ng maagang pagtatrabaho.

Ngunit sa huli, ano pa nga bang batas ang mamamayani kung mas matindi ang tawag ng sikmura, buhay, at karapatan.

Salat na trabaho

Iniulat ng PSA na ang antas ng mga Pilipinong walang trabaho noong Agosto 2023 ay nasa 4.4%, isang makabuluhang pagbaba mula sa 5.3% na naitala sa ka-parehong buwan noong nakaraang taon, at mula sa 4.8% noong Hulyo 2023. Katumbas ito ng humigit-kumulang 468,000 na mga indibidwal na walang hanapbuhay.

Sa patuloy na paglipas ng panahon, lumalala ang suliranin ng kawalan ng oportunidad para sa mga Pilipino na makahanap ng disenteng trabaho. Dahilan kung bakit maski mga hindi pangkaraniwang hanapbuhay sa mata ng marami ay kanilang pinapasok.

Sa pagnanais na maitawid ang sarili at ang pamilya sa araw-araw na hamon ng buhay sa ilalim ng lipunang ang mas pinapaboran ay ang mayayaman, hindi na rin kataka-taka kung bakit maraming Pilipino — bata man o matanda — ang pinipiling bitawan ang pangarap kung hindi man para makaahon, ngunit para makaramdam man lang kahit saglit na paghinga mula sa kahirapan.

Sa kabila ng nakaambang panganib at panghuhusga, nagpapatuloy sa pagkayod ang mga gaya ni Tatay Maximo, Roda, at ng mga paslit na sina Michael upang may maipambuhay sa sarili at pamilya.

Kakapusan, kahirapan — mga sakit ng lipunang taglay ng karamihan na nagiging sanhi ng pagtangkilik sa mga trabahong talo man sa pagod at kita ay kinakapitan pa rin.

Sa huli, gaano man kaliwanag ang apoy ng mga kandilang hinihintay maupos, mananatili’t mananatiling madilim ang buhay sa ilalim ng sistemang sinasamantala at iwinawaglit ang mga nasa laylayan.

*Hindi nila tunay na pangalan

Regina Shane Lopez is a freshman staff writer of Pacesetter. She is a first-year legal management student from the College of Criminal Justice Education.

--

--