Nakabibinging Katahimikan: Tinig para sa Aksesibol na Lusog-Isip

Pacesetter Newsroom
Pacesetter
Published in
13 min readMay 2, 2024

nina Dustin James Bayog at Nathaniel Valles

Dibuho ni Francheska Sayo

Sa gitna ng katahimikan, isinisinag ng mga tinig ng pag-aalala at pangangailangan ang landas tungo sa isang mas maliwanag na kamalayan hinggil sa kalusugang pangkaisipan.

Tulad ng pag-usbong ng araw mula sa kadiliman ng gabi, ito ang panahon kung kailan natin dapat buksan ang pinto ng kaalaman at pang-unawa ukol sa usaping mental health sa ating bansa.

“Kung sa lalawigan ng Bulacan, wala pa akong nabalitaang kahit anong programa tungkol sa [mental health], walang libreng konsulta o kahit mga eksperto na nakadestino o umiikot sa mga barangay centers o RHU [Rural Health Unit], kahit sa mga pampublikong ospital,” pagbabahagi ni Merck Justin Dela Rosa, isang fourth-year education major sa Bulacan State University (BulSU), na nakararanas ng matinding stress.

Kaya’t sa kabila ng kalunos-lunos na pagtaas ng mga isyu kaugnay ng mental health, hindi tayo nararapat manatili sa katahimikan.

Estado ng mental health

Ayon sa asosasyon ng mga propesyunal at mga tagapagtaguyod ng Philippine Mental Health Association Inc. (PMHA), nakaaalarma ang paglala ng krisis sa kalusugang pangkaisipan sa bansa.

Hindi na lang ito basta isang usapin na lang, dahil kailangan na rin ng isang pangmalawakang diskusyong magpapakilos sa lahat upang umaksiyon.

“We have noticed a sharp increase in mental health concerns during and after the COVID-19 pandemic lockdowns,” ani Dr. Cornelio Banaag Jr., ang pangulo ng PMHA, sa pagdiriwang ng World Mental Health Day sa Cagayan de Oro City noong Oktubre 9.

“Mental health-related issues affect Filipinos of all ages and backgrounds — young or old, rich or poor. It is a silent epidemic that we need to confront head-on,” dagdag niya.

Isang patunay rito ang danas ng mag-aaral na si Dela Rosa. Hinaing niya ang kawalan ng oras sa sarili dahil nagsabay ang kanilang research at internship. Sa buong linggo, madaling araw lagi ang gising at gabing uuwi dahil sa mga responsibilidad sa internship, isisiksik pa ang mga dapat tapusin sa kanilang research.

Bukod pa rito, kasabay ng kaniyang nararamdaman ay ang bigat na bitbit ng pandemya.

“Dahil sa biglaang shift ng mga bagay patungo sa new normal, hindi na lang isip ang napapagod kun’di ang katawan din,” ani Dela Rosa.

Dahil sa limitadong espasyong kaniyang ginagalawan, lalo siyang hindi kumakalma sa pag-aalala, stress, academic pressure, at iba pa.

Katulad din ng mga sakit na mahirap lunasan, tila hirap pa rin ang bawat isa sa atin na gamayin kung paano nga ba masososlusyunan ang ating problema hinggil sa mental health. Wala itong sinasanto at edad na pinipili.

Sa katunayan, ayon sa United Nations International Children’s Emergency Fund (UNICEF), ang Pilipinas ay may 39 milyong kabataan na nasasakop ang edad mula 0–18 na nagrerepresenta sa 36% ng kabuuang populasyon. Mahigit kumulang 13% dito ang humaharap sa seryosong mental health issue na pasok sa edad 10–19. Kabilang dito ang suicide na isa sa pinakamaraming namamatay na umaabot sa 15–19 taong gulang.

Sa isang panayam ng Pacesetter kay Patricia Ann V. Alvaro, Health Education and Promotion Officer III ng Bulacan Provincial Health Office (PHO), nakararanas ng pagtaas ng kaso ng mga mental health condition ang bansa at marami rito ay depression bunsod ng nagdaang pandemya.

“In our society nakita natin as to economical, madaming nawalan ng trabaho, na-lockdown ‘yung mga kababayan natin and aside from that marami ‘yung traumatic experience ng COVID dahil may mga namatayan,” pagpapaliwanag niya.

Sa tala ng Central Luzon Center for Health Development, mula 2017 hanggang Marso 2023, may 1,635 kaso ng mental illnesses at 3,801 kaso ng psychosocial disorders sa lalawigan ng Bulacan. Hindi pa kasama rito ang maraming residenteng mas pinipiling hindi magpatingin sa espesyalista.

Ayon sa datos ng PHO noong 2022, psychosis ang may pinakamataas na naitala na may 333 cases; pumangalawa ang substance abuse na may 133 kaso; at pumangatlo naman ang depression na may 37 pasyente.

Paliwanag ni Alvaro na bagama’t bahagyang mataas ang mga kaso ay isa pa rin itong senyales na may kaalaman ang mga tao kung saan sila pwedeng pumunta, at maka-akses sa mga libreng serbisyo ng PHO.

“Mataas ‘yung kaso, yes, but on the other side, doon natin makikita, mayroon na silang napupuntahan, alam na nilang mayroong p’wedeng puntahan,” aniya.

Limitadong espasyo

Noong kasagsagan ng pandemya, nagtala ang Department of Health (DOH) ng 3.6 milyong Pilipino na nakararanas ng mental, substance, at neurological disorders. Malaking sanhi nito ang pahirap na kalagayang pang-ekonomiya ng bansa kung saan marami ang nawalan ng trabaho at pagpapatupad ng mga lockdown.

Ayon kay Alvaro, nakasentro sa COVID response ang plano noon ng pamahalaan kabilang ang mga vaccination programs. Kaya ngayong nakababangon na sa epekto nito, nabigyan ng tugon ang mga suliranin sa mental health sa lalawigan sa pagpapaigting diumano ng mga Rural Health Units (RHU) na makapagbigay-tulong sa mga pasyente tulad ng libreng gamot.

Kung tutuusin, malala na ang estado ng sektor ng kalusugang pangkaisipan bago pa magkapandemya. Patunay rito ang mga hindi sapat na inilalaang pondo sa kabila ng pagpasa ng Republic Act №11036, o mas kilala sa tawag na Philippine Mental Health Law. Sa taong 2022 at 2023, wala pa sa isang bilyon ang budget ng naturang sektor sa ilalim ng DOH.

Sa pagpaplantsa ng 2024 budget, halos 10 billion ang tinapyas sa DOH na magdudulot ng kaliwa’t kanang bawas na pondo sa ilang mga ospital sa bansa. Sa dalawang taong nakulong tayo sa pandemya, na dapat ay natuto ang pamahalaan kung gaano kahalaga ang mental health, ay siyang hindi pa rin nakikita ng mga taong lumalaban para dito.

Sa kabilang banda, ayon kay Dr. Evelyn Gravador-Eugenio, administrator and resident psychologist sa isang pribadong psychological clinic, may kakulangan din sa mga propesyunal at mental health workers kung titingnan ang sitwasyon sa National Center for Mental Health (NCMH) sa Mandaluyong at Mariveles Mental Wellness and General Hospital sa Bataan.

Patunay rito ang naging tala ng DOH na sa kada isandaang libong Pilipino ay mayroon lamang tatlong mental health professionals. Kaya’t nauwi sila sa solusyong pagsasanay sa mga local health worker upang pansamantalang masagot ang kakulangan.

Bilang pagtugon naman at pagsabay ng lahat ng sektor sa lipunan sa pag-unlad ng teknolohiya, sumasabay rin naman ang larangan ng medisina tulad ng paglulunsad ng mga teleconsultation sa ilang ospital.

”In case of an emergency, it is very efficient. Ano ‘yung mga emergency? Like, walang access na makapunta sa hospital kasi mahaba ‘yung pila, so online consultation is efficient, kasi mas accessible siya,” banggit ni Dr. Eugenio.

Ngunit nilinaw din ni Dr. Eugenio na may limitasyon ang mga ganitong moda ng serbisyo sa mental health.

“Halimbawa sa psychotherapy, may limitations din siya. Sa internet access. ‘Yung provider mayroong stable internet, pero itong family or ‘yung individual who is availing the services, hindi stable ang internet — naka-mobile data lang,” dagdag niya.

Isa pang balakid ang pinansiyal na kakayahan ng mga gustong magpatingin at iakses ang serbisyong ito.

Ayon kay Dela Rosa, maski ang unang pagpapakonsulta ay mabigat sa bulsa.

“Hindi ako makaka-keep up financially lalo na sa mga susunod pang sessions, at kung kailangan bumili ng mga gamot,” aniya.

Ayon sa Prescription Psychiatrist, isang pribadong mental health corporation, ang konsultasyon sa isang psychiatrist ay posibleng umabot sa halagang P2,000 hanggang P7,000 kada sesyon. Ngunit, may iilang mga institusyon namang nag-aalok ng mas mababang presyo.

Sa pampublikong institusyon kagaya ng NCMH sa Mandaluyong, ang presyo ay papatak ng P400 kada session at libre na ang konsultasyon.

Tugon ng PHO sa panayam ng Pacesetter, plano nila na kung kakayanin ay gawin ang follow-up check-ups ng mga taong nagpakonsulta sa Mandaluyong o Bataan sa mga RHU upang hindi na mainda ang problema sa transportasyon.

“Ang gusto natin, kunwari natingnan sila doon ang follow-up noon pwede na sa RHU, pwede na sa mga health offices natin ng bawat LGU that’s why ang ginagawa talaga is to capacitate,” ani Alvaro.

Tamang aksiyon, ngunit hindi pa sapat

Kasabay na pagpapalawak ng accessibility ng mental health services ang pagpapalawak sa kaalaman ng bawat sektor na kasangkot sa problemang ito.

Inilahad ni Dr. Michael Jose Arcilla, Medical Officer III, ang Mental Health Global Action Program (mhGAP) ng Bulacan PHO sa mga RHU sa Bulacan. Layon nitong itaas ang kamalayan ukol sa mental health at gawing mas madali ang pag-akses sa mga serbisyo at gamot sa pamamagitan ng mga training sa mga manggagawa na magbigay ng treatment at gamot sa mga magpapakonsulta.

Ayon kay Dr. Arcilla, nagsilbing patunay at tagumpay rito ang mhGAP training sa Plaridel, Bulacan, kung saan isa sa mga naging ‘access site’ na nagsilbing tahanan para sa mga taong nangangailangan ng tulong sa mental health. Dagdag niya, maraming pasyente ang nakakuha ng tulong at libreng nakakaakses ng gamot.

“We make sure na merong supply ng gamot coming from DOH or procured by the LGU,” ayon naman kay Alvaro.

Ngunit kahit tila panay usad ang mga nabanggit na aksiyon, marami pa rin ang kailangang ayusin at gawin. Sa kabuuang 24 na local government unit (LGU), siyam lamang ang access sites sa buong Bulacan, at anim sa mga ito ay wala pang mhGAP training.

Samantala, sa Bulacan State University (BulSU), hindi nararamdaman ng mga estudyante ang mga programa ng gobyerno, partikular na ang administrasyon ng pamantasan.

Ayon kay Carlo*, isang fourth-year education student sa BulSU, ”I think the university has a shallow concern to the mental health of its students. Sure, motivational quotes and write-ups are posted now and then but their actions do not practice what they preach. The policies are counterproductive to taking genuine care to the students.”

Sa kabilang banda, ayon naman kay Dr. Julie Ann Faustino, pinuno ng Center for Psychological Wellness ng BulSU, sila ay nagsasagawa sa tulong ng University Guidance Center ng mga programang tutugon sa mga pangangailangan hinggil sa mental health at iba pa.

Ngunit hindi pa rin sasapat kung mismong mga propesyunal din sa BulSU ang may kakulangan.

Paglilinaw ni Dr. Faustino, “Nationwide ay may kakulangan sa mental health professionals at hindi lamang ang BulSU ang nakararanas nito.” Dagdag pa niya, maraming beses nang ipinakilalala ang Center for Psychological Wellness sa pamamagitan ng mga seminar, program, at orientation.

Tugon naman ni Dr. Eugenio sa kakulangan sa mga professional, “Sa psychiatrist and psychologist, particularly sa psychologist, iilan lang ‘yung practicing dito sa atin. Also, at a community level, in our experience, since Santa Maria [Bulacan] kami, there are other municipalities or constituents ng municipalities na dumadayo pa dito sa amin for therapy, assessment, consultation with a psychiatrist.”

Hinaing ni Dr. Eugenio na mayroon din umanong kaso sa komunidad na mas nangangailangan ng agarang solusyon, kagaya ng aggressive at agitated na mga pasyente.

“Walang makahawak sa kanila, kaya’t kailangan ay may special team kung paano mag-rescue,” tugon niya. “Kapag kinuha naman ‘yon, saan dadalhin? Dadalhin sa NCMH, kasi ‘yun ‘yung libre. Pero pipila sila ng ilang oras, dadating sila ng umaga at uuwi ng gabi.”

Tinig na hindi marinig

Sa panayam ng Pacesetter sa ilang mag-aaral ng BulSU, umangat ang sentimyento na wala silang naririnig na programang may kinalaman sa mental health mula sa administrasyon at kung mayroon man, umiikot ito lagi sa seminars.

“None from the university itself but I’m hearing some initiatives from local student councils,” sagot ni Ron* mula sa College of Architecture and Fine Arts (CAFA).

“Right now, I have no idea on these programs. I haven’t heard of it nor am I familiar if they have some,” banggit naman ni Carlo* ng College of Education (COED).

Bagama’t kinikilala ng mga ito ang tulong ng pagpapatupad ng mental health break sa pamantasan, bumabakas pa rin ang mga puna rito na tila balat-kayong araw ng pahinga dahil napupunta lang ito sa paggawa ng mga akademikong gawain.

Ayon kay Dela Rosa, hindi lubos na nakatutulong ang mental health break kung marami pa rin ang iiwang gawain sa mga estudyante, lalo kung ang layunin talaga nito ay pagpahingain ang kalusugang pangkaisipan.

“Ang mental health break, kahit papaano, ay [dapat] nakatutulog din. Subalit, mas mainam kung wala talagang iiwang gawain ang mga propesor sa oras ng mental health break. Hindi sapat ang iilang araw para makatulong sa pag-recover ng mental health,” sambit niya.

Matatandaan noong ipinagpatuloy ang klase sa ilalim ng online learning dahil sa pandemya, nagsimula ang pagpapatupad ng mga mental health break sa unibersidad. Tumatagal ito ng tatlo hanggang limang araw na madalas natatapat sa pagtatapos ng midterm examinations.

Hindi ito sapat lalo kung tinatapat lang din ito sa mga regular holiday o long weekend.

“It is quite helpful in essence but the admin usually merges it with regular school breaks so it’s quite unfair. If it is separate from long weekends, it is really helpful and enough,” dagdag ni Tin* mula sa COED.

Maganda ang hangarin ng administrasyon at mga student organization upang maimplementa ito, ngunit nanatili itong malabnaw na aksyon kung nagugugol lang ito ng mga estudyante sa hinahabol na requirement.

“Marami pa ring gawain ang pinagagawa kahit na ito ay health break,” saad ni Sophia Pizaña, mag-aaral mula sa College of Engineering (COE).

Mahalagang suporta

Nang tanungin din ang mga estudyante kung kanino sila mas nakahahanap ng suporta, mas nangingibabaw ang suporta ng kaibigan kaysa sa pamilya.

Para kay Dela Rosa, sa mga kaibigan siya mas nakahahanap ng pag-intindi at suporta. Aniya, “mga kaibigan talaga ang mas nakare-recognize at nakauunawa ng mga bagay tungkol sa mental health.”

Habang para kay Carlo, bukod sa kaibigan, tinutulungan din siya ng kaniyang mga kapatid. “My friends are supportive whenever I slip and reveal how I’m feeling. They let me feel my emotions and not be [toxically] positive about it, which is really helpful since I feel their respect and genuine concern for me. My siblings are also supportive and nurturing of me at all times.”

Sa kabilang banda, salaysay ni Hannah Alanes mula sa COED na may dumarating na oras na mallit ang tingin ng kanyang pamilya o kaibigan sa kanyang mga nararamdaman.

“Minsan oo may mga times lang talaga na feeling ko di nila ako naiintindihan like ang tingin lang nila sa mga problema ko is petty problems,” aniya.

Samantala, para kay Thea Keithley Molod, isang fourth-year engineering student sa BulSU, totoong mas nakabubuti ang may makausap pero minsan mas nakadaragdag ng problema ang mga ito sa halip na matulungan siyang makapagpahinga.

“Minsan dila din kasi ‘yung nagbibigay ng stress sa ‘kin at sa ‘kin din sila nagbibigay ng mas malaking problema nila, gano’n din sa pamilya. Kaya mas prefer ko ang isolation kasi minsan sila pa ‘yung gumugulo sa ’kin kaysa na makapahinga ako nang maayos,” paliwanag niya.

Sa mga ganitong tagpo, binibigyang-diin ni Dr. Arcilla ng PHO na mahalaga ang support system lalo na ng pamilya partikular sa mga taong nakararanas ng mental health disorders tulad ng anxiety at depression.

Sa panayam ng Pacesetter, binigyang-importansiya ni Dr. Arcilla ang pamilya na siyang nangunguna dapat na maging tulay upang maka-akses ng gamot ang isang miyembro na may mental health disorder. Dagdag niya na dapat bukas ang pamilya sa diyalogo sa mga ganitong usapin upang maiwasan ang stigma sa mga ganitong karamdaman.

“Family ‘yung magdadala sa kanila sa treatment, first is recognition na this is a mental condition na hindi ito permanent most of the time, na treatable siya sometimes preventable. So as family members, the role is to support socially, economically, to provide a caring environment na open sa dialogue,” aniya.

Ayon pa sa psychologist na si Dr. Eugenio, mas hindi bumubuti ang kondisyon kung sa pamilya mismo ay hindi nakatatanggap ng sapat na suporta at pagtanggap ang taong nakararanas ng karamdaman sa mental health.

“Malaki ‘yung role ng family. Sila ‘yung part ng support system. When it comes to detection, treatment and sa rehabilitation or recovery, malaki ang part ng family. Kapag hindi supported ng family or neglected ang symptoms, mas nakakalala doon sa condition ng patient, lalo kung invalidated ang feeling,” paliwanag niya.

Napapanahon din na maintindihan ng mga nasa komunidad na hindi sukatan ng pananampalataya ang mga ganitong karamdaman na isa sa mga nagiging sanhi kung bakit nananatili nakakubli ang taong mayroong mental health issues.

“Psychological kasi ‘yon, mayroong emotional disturbances tapos nahihirapan silang i-process ‘yung kanilang experiences. Iba naman ‘yung sa spiritual. Iba ang function ng spirituality sa emotionality,” banggit ni Dr. Eugenio.

Mananatiling sigaw

Sa lahat ng parte ng awtoridad, iisa lang ang panawagan — ang pagpapataas ng kamalayan sa usapin ng mental health. Ang pagiging bukas sa diyalogo ng lipunan sa paksang ito ay isang hakbang na tuluyang maging bukas ang bawat isa na sumangguni sa mga propesyunal sa kalusugang pangkaisipan na hindi ito nakikita bilang kabaliwan.

Panawagan ng mga mag-aaral ng BulSU ang aktibong kampanya ng mental health hindi lang sa administrasyon, kundi pati na rin ang pamahalaang lokal ng Bulacan na magtatag ng mga napapanahon at inklusibong inisyatibo na bukod sa health breaks at seminars, isama ang mga aksesibol na konsultasyon at serbisyo.

“Kung may pagkakataon at sapat na pondo, makapaglunsad nawa ang pamahalaan ng libreng mental health consultation sa mga propesyunal dahil ang mga katulad naming mag-aaral at mamamayan ay walang kapasidad (pinansyal) na makapagpa-check-up,” ani Dela Rosa.

Para sa PHO at parte ng pribadong sektor sa mental health, isang espasyong malapit sa mga tao ang kanilang hinahangad na hindi na kinakailangan lumayo pa sa Bulacan tulad ng pagtatayo ng mental health ward, mga pasilidad at programa na nakasentro sa mental health.

“Kung ipo-point out, sa national level na NCHM at Bataan, kulang. Mag-create tayo ng local community, ‘yung mga provincial or LGUs ng sarili nila pero standard pa rin according to government. Mag-create ng sariling program and facilities for each province. Sa kanila kasi talaga ‘yon eh,” wika ni Dr. Eugenio.

Ngayon, ang ating layunin ay tapusin ang katahimikang ito, gamitin ang boses na mayroon tayo, at magtulungan upang maipaglaban ang kalusugang pangkaisipan sa mas aksesibol at mas makataong hantungan.

Sa paglipas ng mga sandali, ang katahimikan ay tila nagiging isang makapangyarihang alon na humihila sa atin tungo sa kawalan.

Ngunit sa kabila nito ay dumadagundong ang mga tinig ng pag-aalala at pangangailangan na nag-aanyaya sa atin na magbukas ng mga puso at isipan sa isang mahalagang usapin. Ito ay ang kalusugang pangkaisipan — isang kamalayan na patuloy na nagsisilbing daan patungo sa liwanag.

Sa ating paglalakbay patungo sa pag-unlad at pag-usbong, ating tandaan na ang pagtalima sa kahalagahan ng mental health ay isang hamon at pagkakataon.

Tiyak na sa bawat pagkilos, bawat hakbang, at bawat salita — tayo ay nagbibigay-buhay sa isang mas makatao at mas aksesibol na kalusugang pangkaisipan.

*Hindi nila tunay na pangalan

Dustin James Bayog is the Associate Editor of Pacesetter for A.Y. 2023–2024. He is a fourth-year journalism student from the College of Arts and Letters.

Nathaniel Valles is the Circulations Manager of Pacesetter for A.Y. 2023–2024. He is a fourth-year psychology student from the College of Social Sciences and Philosophy.

--

--