Pamamalakaya Nang Walang Laya:
Mga Mangingisdang Bulakenyo sa Laot ng Pagdurusa

Pacesetter Newsroom
Pacesetter
Published in
8 min readJun 12, 2024

ni Amiel Antonio

Pag-aanyo ni Mylene Lovelyn Tumamak

“Nu’ng ‘di pa ginagawa ‘yang airport na ‘yan, malaki at marami ‘yung nahuhuli namin. Halos libo. Tumataas pa minsan, nakakapag-ipon kami ng panggastos namin talaga sa loob ng isang taon.”

Ganito ikinuwento ng 45 anyos na mangingisdang si Mang Joven* ang kaniyang danas sa pamamalakaya sa kailugan ng Baranggay Binuangan sa Obando, Bulacan nang sumulpot ang itinatayong New Manila International Airport (NMIA).

Pangingisda na ang naging kabuhayan ni Mang Joven na ipinasa sa kaniya ng amang mangingisda rin. May dalawang anak siya na pinag-aaral sa elementarya at sanggol na apo sa panganay na anak na nakatira din sa ilalim ng kanilang bubong. Aminado si Mang Joven na mahirap na noon pa ang buhay bilang mangingisda, ngunit nang dumating ang paliparan, lumubha lamang nararanasan nilang pagdarahop.

Kagaya ni Mang Joven, ang 46 taong gulang at mangingisda rin na si Oscar Crisostomo mula sa parehong baranggay, aminadong naapektuhan din ang kabuhayan at buhay dahil sa itinatayong paliparan.

“Paano kasi, iyong ilog naaapektuhan. Nakakaawa naman ‘yung mga tao na naghahanapbuhay. Tulad niyan, pakonti-konti ‘yung huli. Mayroon din silang mga pinag-aaral at pamilya,” ani Crisostomo.

Ang NMIA o mas kilala rin bilang Aerotropolis ay proyekto sa ilalim ng infrastructure unit ng San Miguel Corporation (SMC) na San Miguel Holdings Corporation (SMHC). Taong 2016 nang ihain ito sa Department of Transportation at 2019 nang maaprubahan at bigyan ng award of notice para simulan ang konstruksiyon.

Itinatayo sa bayan ng Bulakan ang P740 bilyon na paliparan na inaasahang magpapalakas sa turismo ng bansa. Ngunit habang oportunidad ito para sa pagpapaganda ng imahe ng Pilipinas sa larangan ng turismo, gaya ng mga mangingisda sa Obando, manipestasyon ito ng isang huwad na progreso.

Epekto sa kabuhayan

Kuwento ng mga mangingisda sa Baranggay Binuangan, malaki ang naging paglubog ng kanilang kita buhat nang dumating ang paliparan sa ilog kung saan sila namamalakaya. Kung noon ay mas malawak ang bahagi ng kailugan kung saan sila humuhuli at pumapandaw, dahil sa ekta-ektaryang saklaw ng Aerotropolis ay ninakawan sila ng karapatan sa sariling laot.

Bahagi ng pagtatayo ng naturang paliparan ang paghuhukay at pagtatambak sa malaking bahagi ng ilog kung saan marami ang nahuhuli ng mga mangingisda. Nariyang nagkaroon din ng restriksiyon sa mga parte ng kailugan kung saan binabawal ang pamamalakaya. Dahil dito, bumababa ang bilang ng nahuhuling isda na nagreresulta naman sa mas mababang kita.

Kung noon, kaya ni Mang Joven na kumita ng P500 hanggang P1,000 sa ilang beses na paglaot, ngayon ay tila sumalungat na ang agos ng tadhana sa kaniyang pangingisda.

“Ngayon, huhuli kami ng gan’to lang [kakaunti], makakaipon ba kami ngayon? Tapos marami pa kami [sa pamilya], nagpapagatas pa kami ng bata, paano na lang mangyayari sa ‘min?” kuwento niya sa isang panayam ng Pacesetter.

Bukod sa mga gastusin sa bahay at pagpapaaral sa mga anak, dagdag kalbaryo pa sa pamilya ni Mang Joven ang mataas na presyo ng mga bilihin na direkta ring nakaaapekto sa mga pangunahing pinagkakagastusan niya gaya ng lambat at krudo sa bangka.

“Kulang ‘yung kinikita ko, kasi kapag ano, bibili pa kaming lambat. E dahil sa kulang ang kita, inuutang pa namin ‘yung panggawa ng lambat, dahil ‘di namin kaya tustusan na mag-asawa,” dagdag ni Mang Joven.

Ayon sa kaniya, pumapatak sa P420 ang halaga ng lambat, depende pa sa laki at materyales na ginamit. Sa kasalukuyan, kaiba ng kinikita bago ang pagdating ng paliparan, nasa P300 na lang ang kaniyang kinikita—madalas, wala pa.

“Ano matitira sa ‘min? Pambigas, sa gatas ng apo ko. Wala na [matitira] pagdating ng hapon, wala na. Walang [natitira] kasi bigas lang, magkano na ngayon kilo. ‘Di naman ho kakasya sa ‘min isang kilo isang araw,” he said. “Ta’s gan’yan pa ginagawa sa pinangingisdaan namin— tinatambakan. Namiminsala pa sila,” dagdag ni Mang Joven.

Matatandaang sumipa sa 8.7% ang inflation rate ng bansa noong Enero 2023 batay sa tala ng Philippine Statistics Authority (PSA), isa sa pinakamataas ng paglobo ng mga presyo ng mga pangunahing bilihin at paglala ng krisis pang-ekonomiya sa kasaysayan ng Pilipinas. Direkta nitong pinadapa ang kabuhayan ng maraming Pilipino at malubha ang naging pagtagos nito sa danas ng mga ordinaryong mamamayan na bahagi ng mga marhinalisadong sektor sa lipunan—kabilang na ang sektor ng mga mangingisda.

Kagaya ni Mang Joven, malaki rin ang naging dagok ng paliparan sa buhay ni Crisostomo bilang mangingisda. Kuwento niya, nasa P500 na ang pinakamataas na kaya niyang kitain ngayon kung susuwertehin; at kung mamalasin, nasa P200 lang ang kaya niyang mabingwit. Bagay na mabigat para sa gaya niyang may dalawang anak na pinapaaral.

“Sa ngayon, mahirap talaga, dalawa ‘yung pinag-aaral ko. Ang abot ng anak ko papunta sa Obando, P100 na e dalawa [sila]. Kung kikita ako ng P300, sapat na 'yan. Meron na kaming pangkain kahit P100,” saad ni Crisostomo.

Epekto sa kalikasan

Ang kailugan ng Obando na nagsisilbing kadluan ng kabuhayan ng maraming mangingisda ay tahanan din sa mga yamang-dagat. Hitik ito sa iba’t ibang uri ng isda dahil sa likas nitong tubig-alat. Ngunit gaya ng mga taga-Binuangan, dumaranas din ang kalikasan ng malalang pagkasira dahil sa kabi-kabilang reklamasyon—na mayroon at mayroon muling epekto sa buhay ng mga mangingisda.

Sang-ayon si Crisostomo na malaking pinsala ang dinulot ng konstruksiyon ng Aerotropolis sa mga buhay-ilang at yamang-dagat na nananahan sa kailugan.

“’Yung pagtatayo nu’ng ano [paliparan], ang laking sira po sa kalikasan lalo na sa mga isda, ng mga tinayong ganiyan [mga pagbabakod sa isla],” kuwento niya. “Naapektuhan ‘yung mga isda kasi ‘yung katas ng mga [basura], tumatapon sa tubig. Kaya sa susunod wala nang [isda], lulutang na ulit.”

Ikinuwento rin niya na hindi kagaya ngayon, mas malinis ang tubig sa ilog noon. Binanggit pa niya kung paano nakaaapekto sa mga karaniwang hinuhuli nila ang pagdumi ng tubig.

“Mas maganda nu’ng wala 'yang airport. Ang ilog [dati] hindi gan’yang kadumi. Talagang malinis siya kahit na maliit ‘yung tubig, hindi naaapektuhan ‘yung mga isda. Gawa ng malinis ‘yung nilalanguyan nila, hindi tulad ngayon, buhat nang tinayo iyan, lagi nang masama ‘yung tubig,” ani Crisostomo.

“Pati na ‘yang mga tahong ‘pag naaapektuhan ng sama ng tubig, namamatay rin sila, bumubuka. Wala silang nalalanghap na malinis na tubig,” dagdag niya.

Ang pagbagsak ng kalikasan dulot ng pagtatayo ng paliparan sa malawak na bahagi ng tubig kung saan hitik sa mga bakawan na natural na tahanan ng mga isda at iba pang buhay, mayroon ding dalang kapahamakan sa kaligtasan ng mga tao—hindi lamang sa Obando kundi maging sa mga karatig bayan nito.

Batay sa iba’t ibang pag-aaral, nakararanas ang lalawigan ng Bulacan, lalong higit ang mga lugar na nakatirik malapit sa baybaying dagat ng “land subsidence” o ang pag-impis ng lupa. At ang pag-impis na ito kasabay ng patuloy na pagtaas ng lebel ng tubig dahil sa climate change ay iniiwang bulnerable ang lalawigan sa malalang pagbaha.

Binanggit ni University of the Philippines (UP) Marine Science Institute Director Dr. Laura David sa isang ulat ng Rappler na nakapagrekord sila sunod-sunod na datos hinggil sa pagtaas ng tubig na pumapalo mula 7 hanggang 10 sentimetro bawat dekada.

Ipinunto rin ni David na malaking banta ang pagtaas ng lebel ng tubig sa karagatan lalong higit para sa mga baybaying rehiyon kagaya ng Manila Bay.
Sa isang forum naman noong June 2020 sa Marine Science Institute ng UP, nagbabala ang geoscientist at mananaliksik na si Narod Eco na ang mga reklamasyon sa Manila Bay gaya ng konstruksiyon ng Aerotropolis sa Bulacan ay lalo lamang magpapalala sa nakaambang panganib ng krisis sa kalikasan at ilalagay lang sa kapahamakan ang mga tao.

Idinagdag din ni Eco na mas malapit sa panganib gaya ng mga daluyong ang mga lugar malapit sa mga reclamation site dahil sa hugis ng seafloor. Batay sa pag-aaral ng Project Operational Assessment of Hazards (NOAH), ang lokasyon ng Aerotropolis sa hilagang bahagi ng Manila Bay ay may potensiyal na magkaroon ng 3 hanggang 4 na metrong taas ng storm surges o daluyong.

Kahulugan ng ‘kaunlaran’

Dahil sa pangambang tuluyang mawalan ng kabuhayan ang mga mangingisda sa Baranggay Binuangan, ibinahagi ni Kris*, 45, ang kaniyang sa saloobin sa pagtatayo ng paliparan sa kanilang pinaglalautan.

“Sa ngayon talaga, ang mga tagarito nangangamba talaga sa [pagpapatayo] ng airport na ‘yan kasi nga, ang ikinatatakot ng mga tao rito ay mawala nga ‘yung kabuhayan,” aniya. “‘Yun ang kinatatakot ng mga tagarito. Halos pakiramdam namin, uunti-untiin na kami.”

Si Kris ay may tatlong anak na babae at mahigit isang dekada nang nangingisda sa Obando. Gaya nina Mang Joven at Crisostomo, pamamalakaya na rin ang naging primaryang pinagkukunan ng panustos sa mga araw-araw na gastusin sa kanilang tahanan.

Naikuwento rin ni Kris na isa siya sa mga mangingisdang dumulog sa opisina ng Alkalde ng kanilang bayan noong 2022 upang ihain ang kanilang daing tungkol sa epekto ng konstruksiyon sa kanilang hanapbuhay. Ngunit hindi umayon ang agos sa kanilang inaasahan.

Binanggit din niya na wala naman diumanong kasunduan sa pagitan ng korporasyong namamahala sa Aerotropolis at mga apektadong residente. Aminado si Kris na kahit pa ilaban at pilit nilang itulak ang kanilang pagtutol sa paliparan, wala itong magagawa at magpapatuloy lang ang konstruksiyon.

“Kahit man sabihing tumutol kami, wala kaming magagawa, e. Kasi nandyan na ‘yan. Naaprubahan na ‘yan pati ng presidente,” kuwento niya.

“Nakakalungkot nga lang, ang gobyerno ‘di sa pag-aano, halos nararamdaman ng mahihirap na mas pinapaboran ang mga mayayaman,” dagdag pa ni Kris.

Malungkot ding ibinahagi ni Kris ang posbilidad na hindi na mapagtapos ang kaniyang mga anak dahil sa nakaabang na pagkawala ng kanilang kabuhayan.

“E syempre malungkot, kasi nga iniisip namin kung mapapagtapos pa ba namin ng pag-aaral mga anak namin,” aniya.

Sa kabilang banda naman, nagbigay rin ng kaniyang sentimyento ang mangingisda at dating kagawad ng Baranggay. Binuangan na si Walter Rivera. Binanggit niya na hindi naman siya tutol sa kaunlaran, ngunit kailangan aniya na isaalang-alang din ang mga matatamaan sa laylayan.

“Hindi tayo against sa development, ‘di tayo against sa progreso. Kaya lang sino ba ang naaapektuhan? Ang mga taong barrio,”aniya sa isang panayam.

“Kung wala namang naaapektuhan, wala namang problema d’yan. Kaya lang syempre, ‘di man kami totally ang nasasakupan ng airport na ‘yan, pero ‘yung kailugan [na pinangingisdaan namin] na nand’yan, bahagi kami n’yan, d’yan kami kumukuha ng kabuhayan namin,” banggit pa ni Rivera.

Noong Setyembre 13, 2018, naglabas ng pahayag ang Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA-Pilipinas) hinggil sa kung paano kikitilin ng Aerotropolis ang marine ecosystem at kabuhayan ng laksang mangingisda na nakadepende sa katubigan ng Manila Bay.
“Contrary to the promulgation of the SMC and the NEDA that the project would foster development, there is no such thing if hundreds of fishing families will be forcibly ejected from their homes while the rich marine ecosystem and biodiversity will be destroyed,” ani Fernando Hicap, ang national chairperson ng PAMALAKAYA.
Noong Setyembre 19, 2019 din ay naglabas ng pahayag ang AKAP KA Manila Bay-Bulacan, kung saan sinabi nila na ang proyektong ito ang magiging katapusan ng Bulacan dahil palalalain lang nito ang pagbaha sa lalawigan at kalaunan ay mabubura na sa mapa dahil sa paglubog.
“This is not a project that will bring economic prosperity but major and permanent damages to life for many residents in coastal and low-lying areas around Manila Bay,” anang alyansa.
*Hindi nila tunay na pangalan

Amiel Antonio is the Editor-in-Chief of Pacesetter for A.Y. 2023–2024. He is a fourth-year journalism student from the College of Arts and Letters.

--

--