Pikit-Matang Espasyo: Ang Paglalatag Ng Mga Panawagan Sa Pasilidad Ng BulSU

Pacesetter Newsroom
Pacesetter
Published in
9 min readMay 3, 2024

Ni Rachel Hannah Beltran

Larawang kuha ni Mariah Angelica Tolibas

Matatandaang isang taon na rin nang buksang muli ng Bulacan State University (BulSU) Main Campus ang pagkokondukta ng face-to-face classes.

Mula rito ay lumutang ang samot-saring balakid na patuloy na iniinda ng mga BulSUan dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo at mga bilihin, maging ng lumalalang krisis sa edukasyon.

Noong nakaraang eleksiyon ay matatandaang bitbit ng presidente at rehente ng mga mag-aaral ng BulSU na si Arianna de Jesus ang panawagan ukol sa kaniyang plataporma na budget campaign na siyang dapat magbibigay-kaluwagan sa mga iniinda ng mga BulSUan.

Nabanggit ni de Jesus sa panayam ng Pacesetter na ‘crafting’ na ang opisina ng rehente ng mag-aaral para sa ‘multiple proposals for different sectors’ upang mai-lobby ito sa kongreso ng Pilipinas.

“Ang budget campaign ay ‘di natatapos ng one year kasi infrastructure ‘to. It will take two to three terms to finish all infrastructural projects ng SG,” dagdag pa niya.

Malinaw na ang isang taon ay hindi sapat, ngunit sa kabila ng lahat, araw-araw ay mayroong mga BulSUan na pumapasok sa unibersidad na nakararanas mismo ng mga suliraning matagal nang nakalutang; unang-una na ang mga pasilidad na siyang lubos na iniinda ng mga mag-aaral ng BulSU.

“‘Yung ilang rooms po natin dito sa Mendoza ay luma na talaga. ‘Yung electric fans po ay hindi na working, hindi na siya gumagana. Kapag may afternoon class kami, sobrang tindi ng init. Isa rin po ‘yun sa dahilan para mas lalo pa po kaming ma-distract. Imbes na tutok po talaga [sa pag-aaral], kami ay nagpapaypay at nagpupunas ng pawis,” hinaing ni Cris Aron Durado mula sa College of Social Sciences and Philosophy (CSSP).

Larawang kuha ni Mariah Angelica Tolibas

Nilalamat na espasyo

Ang mga klasrum ay siyang espasyo kung saan ang pagkatuto ng mga estudyante ay patuloy na lumalawak at lumalalim. At dahil dito, marapat lamang na dapat ay binibigyang-pansin ng mga nasa itaas ang lagay ng mga silid-aralan sa loob ng pamantasan.

Ano nga ba ang tunay na lagay ng mga BulSUan sa kanilang mga klasrum?

Iniinda na ni Durado ang mga sirang electric fan sa kanilang klasrum ngunit hindi lamang dito natatapos ang kaniyang karanasan. Sa iilang mga klasrum sa Mendoza Hall, nakabukas ang mga bintana, dahilan upang marinig sa loob ng mga klasrum ang ingay mula sa pasilyo nito.

“Very distracting dahil minsan ay dadaan ‘yung estudyante, nai-interrupt po ‘yung klase. Imbes na tuloy-tuloy ‘yung pagkatuto naming magkakaklase ay may interruption po talaga,” saad pa niya.

Katulad ni Durado, si Henrik Santiago mula sa kaparehong kolehiyo ay nakararanas din ng distraction pagdating sa mga klasrum. “Mayroong mga times na nakaka-distract talaga, depende sa schedule. Mayroon pa rin talagang distraction na nararanasan.”

Dagdag pa ni Santiago na napipilitang buksan ang mga bintana sa mga klasrum na hindi air-conditioned upang guminhawa ang kanilang pakiramdam. Ngunit dahil sa init ng panahon ay nagiging distraction pa ito sa halip na makagaan sa kanila.

Ayon naman kay Elonah Jane Ogma mula sa College of Education (COED), maging siya ay nakararanas ng pagkagambala sa mga klasrum sa Roxas Hall.

Kuwento rin ni Ogma na kadalasan ay mainit sa kanilang klase. Mayroon mang anim hanggang walong electric fan kada klasrum sa Roxas Hall, isa hanggang apat lamang ang gumagana.

Katulad ni Santiago at Durado, si Ogma ay nahihirapan ding magpokus ng atensiyon dahil sa kaniyang paligid.

“Nakaka-distract pa rin po talaga ‘yung init kahit na nakabukas po ‘yung bintana. Halimbawa po doon sa bandang fourth floor, may mga room po kasi na walang aircon, electric fan lang po talaga which is hindi na po gumagana ‘yung iba,” saad ni Ogma sa panayam ng Pacesetter. “Marami pong inaantok, hindi po namin ma-absorb nang maigi ‘yung tinuturo dahil pati po ‘yung prof namin ay hindi po makayanan ‘yung init lalo na po kapag may class na 11 am to 1 pm.”

Sa kabilang dako naman, mayroong karanasan si Jerliza Melize Mudlong na mula rin sa CSSP at kasalukuyang board member sa lokal na konseho ng kolehiyo kung saan nagkasakit ang kaniyang kaklase bunsod ng hindi natutugunang bentilasyon sa mga silid-aralan.

“Super hassle dahil last sem ay mayroon kaming klase doon. Sobrang init, walang ventilation. Nagkaroon pa ng dengue ‘yung kaklase ko dahil sa room na ‘yon kaya sobrang hirap din talaga,” aniya.

Hindi lamang sa bentilasyon ang suliraning nararanasan ng mga BulSUan. Maging kakulangan sa mga upuan ay malaking pagsubok din lalo na sa mga seksiyon na may malalaking bilang ng estudyante.

Tila aksayado sa oras ng kanilang pagkatuto para kay Santiago ang paghahanap pa ng mga silya.

“When it comes to chairs, minsan sa mga classes ay nagkukulang sila kaya kung halimbawa may next class, ‘yung dumating na block na ‘yun, minsan it’s either kinukulang or sumosobra sila ng upuan. Kaya in that situation, sometimes nakaka-consume siya ng time sa classes,” aniya.

Kung may pagkukulang sa upuan, hanggang ngayon ay danas pa rin ng mga BulSUan ang kakulangan sa klasrum.

Ayon naman kay Ceejay Alcanar mula sa COED ay mayroong kakulangan sa pasilidad sa Roxas Hall.

“Danas ng section namin kung gaano kami nawalan ng classrooms paminsan-minsan. Kami pa ‘yung nag-a-adjust, naghahanap ng classroom para makapagklase lang kami nang maayos,” ani Alcanar.

Basahin ang kaugnay na istorya:
https://medium.com/pacesetter/bulsu-flawed-gears-the-call-for-adequate-and-effective-educational-space-6bfb1be25399

Larawang kuha ni Mariah Angelica Tolibas

Blangkong kaginhawahan

Bukod sa mga klasrum, kasama sa pangkaraniwang gawain ng mga BulSUan ang paggamit sa mga kasilyas o comfort rooms (CR) sa unibersidad.

Nitong nakaraang Agosto 23 ay nag-trend ang TikTok video na ipinaskil ng isang BulSUan kung saan isa sa mga CR sa Mendoza Hall ay may sirang pintuan.

Umani nang mahigit 100,000 reaksiyon at komento ang nasabing bidyo at matapos mag-viral, kinabukasan ay ginawa at isinaayos bigla ang sirang pintuan ng naturang CR.

Dahil sa pangyayaring ito, nagkaroon ng sentimyento ang ilang BulSUan dahil sa biglaang pagpapagawa nito gayong matagal na itong sira.

“Parang ang weird lang na need pa pala mag-viral ng isang video para magkaroon ng sense of urgency na ipagawa ‘yung CR kasi matagal naman na nire-raise ng mga students na sana maayos na. Hindi talaga comfortable na gamitin ‘yun since sira ‘yung certain facility na ‘yun,” banggit ni Santiago.

Mula naman sa perspektibo ng Lokal na Konseho ng CSSP na sina Mudlong at bise gobernador nitong si Rohanne Cyrus Mendoza ay kasama sa plataporma ng kanilang gobernador ang pagbibigay-pokus sa mga pasilidad ng kanilang kolehiyo.

Ayon kay Mudlong ay bago pa magsimula ang academic year ay inasikaso na ng kanilang konseho ang CR, ngunit tingin din niya ay naging malaking salik ang bidyo sa pagsasaayos ng CR sa Mendoza Hall.

“Nagkaroon naman ng planning ang dean’s office. ‘Yung pondo ay hinihintay lang din ma-release kaya siguro mas nabigyan [ng pansin] dahil sa video,” ani Mendoza.

Ilan lamang ito sa mga naging pagtingin ng mga BulSUan dahil bukod sa may-ari ng bidyo at hinaing ng CSSP LSC, mayroong iba pang BulSUan ang nakaranas at patuloy na nakararanas ng suliranin sa mga CR sa unibersidad.

Hinaing ni Ian Adam Gayem mula sa College of Arts and Letters (CAL) na bilang lang sa main campus ang mayroong maayos na CR.

“Isa sa hindi maayos ay ‘yung building kung nasaan ako, sa Federizo Hall. ‘Yung iba may tumutulo, ‘yung iba hindi maayos ang gripo,” saad niya sa panayam ng Pacesetter.

Sa kabila ng lahat, hindi rin humihingi ng magarbong pagsasaayos sa mga CR si Gayem.

“Hindi natin kailangan ng bonggang CR na naka-tiles, bago ‘yung toilet bowl. Kahit siguro ‘yung paunti-unti lang na tanggalin ‘yung tumutulo. Since may inayos na pinto. Sana hindi lang du’n [Mendoza Hall] kundi pati sa ibang building na rin,” aniya.

Ilan lamang ito sa mga naging sentimyento ng mga BulSUan hinggil sa kanilang mga danas kaugnay ng mga pasilidad sa unibersidad. Nararapat na mabigyang-pansin at suportahan ang ganitong mga hinaing lalo na’t mga BulSUan din ang gumagamit nito araw-araw.

“[Sana ay] mabigyan po talaga ng pansin dahil tayong mga estudyante talaga ang gumagamit ng facilities dito. Tayo din ‘yung nakikinabanag,” dagdag pa ni Ogma.

Pagsasakatuwiran

Upang mabigyang-linaw ang mga isyu at suliranin na inihain ng mga BulSUan, isinaad ng pinuno ng Facility Management Office (FMO) na si Ar. Noel C. Gole Cruz ang ilang mga punto sa kung paano ang pagpapatakbo sa kanilang opisina.

Nagbigay ng mga datos si Cruz kung saan mayroong mahigit 45,000 populasyon ang buong BulSU kapag pinagsama-sama ang mga estudyante, non-academic personnel at faculty. Bukod dito, mayroon namang 17 gusali ang BulSU kasama ang external campus. Sa kabilang banda, ang staff naman na nasa FMO ay pumapatak lang sa 50.

Sa laki ng populasyon ng BulSU, maging ang mga gusali, aminado si Cruz na samot-saring request ang kanilang kailangan pagtuunan ng pansin.

“So ang ginagawa namin is once na makuha namin ang report na nasira, pinupuntahan agad namin din. Kung minsan ay ‘di naman agad. Naka-schedule dahil sa dami ng request. Siguro kada araw, nasa dalawampung request ang dumadating sa amin. Kumbaga, ginagawa naman namin talaga. Kung minsan talaga ay hindi ‘yung mismong araw dahil mayroong mas naunang request na kailangan attend-an din,” saad ni Cruz.

Idinagdag pa ni Cruz na sa laki ng campus, talagang mayroong mga masisira at may hindi pa rin nagagawa, ngunit naka-lineup ang mga ito base sa kung sino ang naunang mag-request.

“Wala tayong request na binabalewala. Wala namang palakasan. More on schedule at hangga’t maaari, ang sinasabi ko nga sa mga workers natin, talaga i-fast track dahil sa daming request at para ma-serve ‘yung community at hindi sabihing walang ginagawa ang facility,” aniya.

Sa kabila ng mga isyung nailatag, aminado si Cruz na mas malaki ang epekto ng manpower sa kung paano sila nakakikilos.

Upang bigyang-diin ang isyu sa manpower ng FMO, nilinaw ni Isabelita Benedictos, direktor ng Administrative and Management Services sa pamantasan, na sila ay nagpoproseso lamang kapag mayroong request na inaprubahan.

Nilinaw rin niya na kung sino ang may hawak sa FMO ay siya ang magre-request ng dagdag manpower na kasalukuyang pinamumunuan ni Dr. Jaime Pulumbarit, ang bise presidente ng Administration and Finance ng unibersidad.

“Kung mayroong nakakaalam na need ng isang office, ‘yun talagang head ng office na ‘yun. However, ang approval kasi ay dadaan ‘yan sa process subject sa availability kung kaya ng financial capability, ire-refer ‘yon sa budget office. Kung kaya, ire-recommend ni VP Jaime for approval ng head of the agency,” paliwanag ni Benedictos.

Banggit pa ni Benedictos na mas marami ang FMO ngayon kumpara noon dahil sa limitasyon sa funding source na kahit ibang mga opisina sa unibersidad ay may kakulangan.

“Kung nag-request sila [FMO] ng additional na personnel, s’yempre madadagdagan ang budget nila dahil kailangan mag-allocate ng suweldo,” dagdag pa niya.

Nilinaw ni Benedictos na bago pa paaprubahan sa head of the agency, ang presidente, ay kailangan na may certification of fund availability muna na magmumula sa budget office.

“Kailangan may approved request ang end-user para mai-submit sa HR (Human Resource) at mai-process,” aniya.

Nagsasangang ugat

Mula sa danas ng mga BulSUan maging ng mga opisina sa unibersidad, iba’t ibang mga problema ang talagang magsasanga-sanga hangga’t may lumalabas na mga iregularidad.

Aminado si Benedictos na halos lahat ng opisina sa unibersidad ay may kakulangan sa personnel.

“Kung titingnan niyo ang ratio ng kada office, kulang talaga. Halimbawa rito sa admin at finance, kulang talaga. Ang ano na lang namin ay ma-fully automated siya para gumaan ang trabaho except sa mga offices na kailangan ng physical services,” saad pa niya.

Dagdag din niya na lahat ng sektor, yunit, at opisina sa unibersidad ay nangangailangan ng tao. “Even sa ibang offices, hindi lang naman sila ang may kakulangan. Lalo na hindi pa tayo fully automated. Kumbaga ay fully loaded ang iba naming kasamahan.”

Inilatag din ni Cruz ang kaniyang sentimyento ukol sa mga personnel na nasa FMO kung saan hindi kakayanin ng kanilang opisina ang agarang mga trabaho.

“Kaya namang tugunan. Kumbaga para masabi talaga na matugunan, siguro sobrang daming staff ang kailangan natin which is hindi naman p’wede dahil limited lang din. May budget din, ‘di ba. Kaya naman din namin, kumbaga pumipila lang kung minsan. Hindi kaya ng ura-urada,” aniya.

Nabanggit din ni Cruz na sasapat naman sana ang mga personnel na nasa FMO ngunit mas marami ang pumapasok na mga trabaho na siyang nagpapabagal sa proseso ng kanilang mga gawain.

“‘Yung [mahigit tatlumpu] na workers ay sufficient. Malaking bilang naman ‘yon, mas malaki lang talaga ‘yung volume na pumapasok na mga gawain,” ani Cruz.

Kaya isang malaking hamon sa administrasyon ng BulSU kung paano tutugunan ng sistemang inilalagak nila ang mga problemang dito mismo nag-uugat gaya ng mga kakulangan at pagkakaroon ng maayos na mga pasilidad sa pamantasan.

Repleksiyon lamang ng pagpapatakbo ng administrasyon ang nangyayaring mga kakulangan na siyang patuloy na umaalingawngaw dahil sa karanasan ng komunidad ng BulSU.

Patunay lamang ito na talagang hindi maririnig ang tinig ng mga estudyante maging ng mga empleyado sa BulSU kung ang administrasyon ay kumportableng nakaupo sa kani-kanilang mga opisina.

Rachel Hannah Beltran is the Managing Editor for Administration of Pacesetter for A.Y. 2023–2024. She is a fourth-year legal management student from the College of Criminal Justice Education.

--

--