Sa Anino ng ‘Progresibong’ Lungsod: Ang Huwad na Planong Highly Urbanized City ng San Jose Del Monte

Pacesetter Newsroom
Pacesetter
Published in
8 min readJun 3, 2024

nina John Paolo Gatdula, Jannes Magayon, at Felicia Joy Polecios

Larawang kuha ni Mariah Angelica Tolibas

Sa patuloy na pagbaba ng antas ng pamumuhay, walang ibang inaasam ang bawat isa kundi ang makawala sa hawla ng kahirapan, lalo na ang mga naiiwan sa laylayan ng lipunan.

Kaya ang hiling ng mga mamamayan sa mga namumuno, bumuo ng isang makataong sistemang pangkaunlaran na kikiling sa masa—sa higit na nangangailangan.

Noong 2020, inaprubahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang hiling ng lokal na gobyerno ng San Jose Del Monte (SJDM) sa Bulacan na gawing highly-urbanized city (HUC) ang lungsod sa bisa ng Proclamation No. 1057.

Ayon sa pamunuan ng SJDM, ang HUC ay magbubunsod diumano ng mga oportunidad na magbibigay ng kaunlaran sa lungsod.

Isinagawa noong Oktubre 30, 2023 ang plebisito kung saan pagbobotohan ng bawat Bulakenyo kung ganap nang gagawing HUC ang SJDM, kasabay ng halalan sa mga bagong uupong pinuno ng barangay at sangguniang kabataan.

Kalakip ng mga balota sa eleksyon ay ang karagdagang papel kung saan isusulat ng mga botante kung sang-ayon ba siya o hindi sa plebisito.

Sa kabila ng mga nagkalat na mga banner at polyeto, maging ang mga campaign jingle na paulit-ulit nagsasabi na “YES to HUC,” nanaig ang pagtindig sa “hindi” ng 820,385 Bulakenyo na gawing HUC ang SJDM.

Talo na naman ang mga nasa laylayan

Hindi hawak ninuman ang kapalaran, subalit ‘di maipagkakaila na talo pa rin ang mga nasa ilalim ng mga makapangyarihan.

Minsan nang nakubli sa ilang mamamayan ng buong Bulacan kung ano nga ba ang kaakibat ng pagiging isang highly urbanized city (HUC) ng San Jose Del Monte.

Ayon sa mga residente, malabnaw ang pagkakapaliwanag ng lokal na gobyerno tungkol sa magiging implikasyon ng HUC na nagmitsa sa kanilang mababaw na kaalaman ukol dito.

Sa panayam ng Pacesetter, inamin ni Jeric*, 44, na sa halos sampung taong paninirahan niya sa SJDM ay wala pang nakakapagpaliwanag sa kaniya sa planong HUC. Ang kaalaman niya patungkol dito ay base sa mga nabasa niya at mga nasaliksik niyang impormasyon sa internet.

Kung kaya, wala pang kasiguraduhan si Jeric kung tugma ba ang kaniyang pagkakaunawa.

Ayon kay Jeric, nilalayon ng HUC na ibukod ang SJDM sa Bulacan, na siyang kinabahala niya bilang isang dekada nang residente ng nasabing lungsod.

“So, para sa 'kin kasi ang makikinabang lang diyan [ay] 'yung mga big politician[s] ng San Jose del Monte. 'Yung mga tulad kong ordinaryong mamamayan, apektado dahil unang-una, may possibility na tataas 'yung tax, halimbawa't mamamayan dito,” ani Jeric.

Para kay Jeric, tinutulan niya ang HUC dahil sa paniniwalang marami pang kailangan ayusin sa SJDM. Isa na rito ay ang kakulangan ng pondo sa mga publikong serbisyo gaya ng ospital na nangangailangan pa ng karagdagan ng materyales at laboratory equipment.

Ang kaniyang pagbibigay ng “no” sa HUC ay hindi nangangahulugang pagtutol sa bawat desisyon ng gobyerno, ngunit para kay Jeric, may mga umiiral na problema sa kanilang lungsod na kailangan pang tugunan.

“Kung titingnan natin, bandang huli, kawawa ‘yung mga—sabi nga ni Leni Robredo, ‘yung mga nasa laylayan,” sabi ni Jeric.

Kagaya ni Jeric, wala pang sapat na kaalaman ang tricycle driver na si Mark* tungkol sa plebisito. Sa kaniyang pagkakaalam, may mabuti at masamang maidudulot ang HUC sa mamamayan ng SJDM kung sakaling maipatupad ito.

“Tingin ko, 'yung good diyan, maraming makikinabang talaga. Kaya lang ‘yung bad side kasi, madi-disconnect tayo sa pinagkukuhanan natin,” ani Mark.

“No” man ang kaniyang boto, pag-amin ni Mark na may mga lumapit sa kanya upang pilitin silang um-oo sa HUC. Hindi nila hawak ang boto niya, naging nosyon ni Mark na wala siyang karapatang mangialam sa pasya ng mga tao kung tutol ba sila o sang-ayon sa HUC. Ngunit, mas hihikayatin niyang tutulan ng mga tao ang plebisito dahil malaki ang magiging kawalan sa kanilang mga tricycle driver kung sakaling maipatupad ito.

“Mahirap naman kasing ‘pag sinabing yes agad, yes tayo, e. Siyempre, 'di naman lahat magye-yes diyan, e. Merong against din diyan, tulad naming mga tricycle driver. Magkakaroon kami ng problema diyan, kasi magiging city tayo, puwedeng hindi na kami makalabas ng kanto, kumbaga dito na lang kami [sa SJDM],” paliwanag ni Mark.

Gayunpaman, sa kaniyang pagtutol, mababa ang kumpiyansa ni Mark na magiging makabuluhan ang kaniyang boto dahil wala siyang laban sa mga nasa mataas na posisyon.

Nabanggit ni Mark, "Wala naman tayong boses, e, kasi… ang boses natin, depende rin, e… kung may hahawak sa’tin, o may makikinig.”

Sa kabilang banda, mababaw naman ang kaalaman ni Agatha*, estudyante mula sa Bulacan State University - Sarmiento Campus, tungkol sa HUC. Kagaya ng pananaw ng ilan, ang tanging alam ni Agatha sa pagsasakatuparan ng HUC ay pagbubukod sa SJDM sa lalawigan ng Bulacan.

“More on changes sa pagiging, 'di lang sa economy, sa buong lugar mismo na from rural, magiging urban na tayo. Hindi na ‘yung parang province ‘yung face namin,” aniya.

Bilang estudyante, nababahala si Agatha sa epekto ng HUC sa kanila, lalo na malaki ang kahihinatnan nito sa kanilang pag-aaral.

“Especially kami na umaasa lang sa free tuition fees ng public universities kagaya na lang ng Bulacan State University, once na na-implement or na-approve 'yung HUC na 'yun, pa’no kami?” ani Agatha.

Larawang kuha ni Mariah Angelica Tolibas

Tanda ng mababaw na pangako

Gayong nagwagi ang “no” sa nagdaang botohan ng HUC ng SJDM, palaisipan pa rin sa mga mamamayan kung ano nga ba ang kapalarang kahaharapin ng kanilang lungsod.

Sa likod ng mga nakalatag na ‘magandang’ dulot, hindi naman naipaliwanag ng malinaw sa mga taga-SJDM kung ano ba ang mga disbentahe ng HUC.

Sa nagdaang kampanya ng plebisito, hindi mapigilang punahin ni Mari*, 21, ang pamamaraan ng lokal na pamahalaan upang ipilit na mag- “yes” ang mga San Joseno.

“Kumbaga, kung sina Marcos nag-campaign gamit ‘unity,’ sa Yes to HUC, ‘development,’ ‘pagbabago,’” pagkukumpara ni Mari.

Sa nagdaang eleksyon, “no” ang naging boto ni Mari—ang kaniyang mariin na pagtutol ay sanhi ng kaniyang obserbasyon sa halos isang dekadang paninirahan sa SJDM. Aniya, marami pang pagkukulang ang siyudad at hindi pa ito kwalipikado upang maging HUC.

“Hindi pa talaga handa ang city para maging HUC, lalo na kung ikukumpara mo sa ibang lugar katulad ng Valenzuela. Maraming bagong gawang facilities dito, oo, pero hindi iyon batayan para masabing mayaman na o nakakaluwag-luwag na 'yong city or 'yong mga naninirahan dito,” ani Mari.

Bukod sa nakikitang magiging kakulangan ng HUC, batid din ni Mari na may inililihim pa ang gobyerno ng kanilang lungsod sa biglaang pagsulpot ng plebisitong ito. Kagaya ng ilang residente sa SJDM, pinatunayan ni Mari na walang sapat na seminar o diskusyon sa magiging epekto ng HUC—negatibo o positibo.

Ang mistulang naging tindig niya upang tutulan ang HUC ay hindi lamang dahil sa nakikita niyang katiwalian ng lokal na pamahalaan, kundi ang pasanin ng huwad na pag-unlad ng SJDM ay kapalit ng pagtindi ng kahirapan ng mamamayan.

Sa karanasan ni Mark noong panahon ng pangangampanya, hindi naging maganda ang naging dating sa kanya ng paglalatag ng mga impormasyon ukol sa HUC. Hindi man lamang ipinaalam sa kanila ng lokal na pamahalaan ang ganitong pangangampanya, kaya nagulat siya kahit papaano na may botohang naganap sa pagpapatupad ng plebisito.

"Pero kasi, sa kanila, sa tingin nila maganda kasi maraming nilalatag. Pero kung titignan mo, pag-aaralan mo talaga, maraming hindi… kumbaga, hindi pa smooth [‘yung flow] talaga," paliwanag ni Mark.

Nasaksihan naman ni Jeric ang nasabing pangangampanya pabor sa HUC sa kanilang lugar.

Inamin niya na hinayaan na niya ang ilan na magkabit ng fliers at tarpaulin sa kanilang bahay, at ang nagiging argumento na lamang niya ay, “Ako rin naman ang masusunod kung ano ‘yung stand ko for that. Kaya, sige, dikit lang kayo.”

Pekeng simbolo ng pag-asenso

Matapos ng isang makasaysayang botohan sa plebisito sa Bulacan, namayani ang tinig ng masang Bulakenyo—ngunit mistulang bangungot ang katotohanang maaaring matuloy ang HUC sa SJDM kung nanaig ang “oo” kaysa “hindi”.

Gayong nakapagtataka—ang pasya ng mga mamamayan sa bawat lalawigan ng Bulacan ang naging kasangkapan sa tadhana ng San Jose del Monte, Bulacan.

Ang paghihiwalay ng SJDM sa lalawigan ng Bulacan ang unang kaisipan ng taumbayan mabanggit lamang ang HUC—ang pagkahiwalay ay nangangahulugan din ng mas malakas na kontrol sa bawat programa at polisiya at maging sa kaban ng bayan, pagtaas ng buwis at mga bayarin.

Ang mga guwang na pangako sa aspetong pang-edukasyon, pang-imprastraktura, pangmedikal ay tila itinatago ang reyalidad na naghihintay sa mga San Joseño sa pagkakataon na naipatupad ang HUC sa bayan.

Mawawala na ang benepisyong handog ng Kapitolyo katulad ng mga scholarship, assistance para sa mga senior citizen, PWD, at mga solo parent, ang pagkabawas ng pondong panlalawigan, ang pagbagsak ng agrikultura, bawas trabaho para sa mamamayan, lalo na sa mga manggagawa ng gobyerno na magdudulot sa pagbaba ng halaga ng sahod.

At ang pinakakinatatakutan ng nakararami—ang pagtaas ng buwis sa mga bilihin at maging sa lupa.

Pagpapalawak ng iba’t ibang aspetong pangkaunlaran ng lungsod ang pangako ng HUC katulad ng pagdagdag ng mga pampublikong paaralan, adisyon sa mga college course sa City College of San Jose Del Monte na sa hinaharap ay magiging ganap ng unibersidad, maging ang karagdagang Voucher Programs at Educational Scholarships na hindi lamang para sa mga mamamayang San Joseño kundi pati ang mga kabataan sa karatig nitong lungsod.

Pati na rin sa sektor ng agrikultura, patuloy ang pagsulong sa urban farming o urban agriculture ng lungsod para sa karagdagang benepisyo sa mga magsasaka maging sa pamayanan at pamilihan ng lungsod.

Kabilang din ang sektor ng pangkalusugan, imprastraktura at kapaligiran sa sinasabing mga pagtutuunan ng pansin sa oras na mapatupad ang HUC sa lalawigan.

Sinubukang hingin ng Pacesetter ang pahayag ng lokal na pamahalaan ng SJDM, ngunit hanggang ngayon ay wala pang tugon ang opisina sa mensahe ng pagpapaunlak ng panayam.

Taliwas ang mga kritisismo sa HUC ang naging pahayag ng alkalde ng SJDM, Arthur Robes, nang inilatag sa masa ang mga mabubuting dulot nito sa opisyal na Facebook page ng City of San Jose Del Monte.

Subalit, ngayon ay hindi na makikita ang naturang post dahil binura na ito matapos ang paglabas ng resulta noong eleksiyon.

Sa pag-aakalang magwawagi na naman ang may kapangyarihan, ang pananaig ng boses ng masa ay hindi inaasahang ganap.

Matatandaang inanunsiyo noong ika-1 ng Nobyembre ang resulta ng plebisito—820,385 ang ”No”, samantalang 620,707 ang “Yes.”

Ang hindi malinaw na pagbibigay kaalaman sa kung ano at bakit nga ba gusto na maisakatuparan ang hinahangad na pagbabago at paglago ng lungsod, naging kaakibat nito ang pagtindig ng mga mamamayan sa pagtutol sa ganitong propaganda ng mga naghaharing-uri.

Hindi kailanman magiging sagot ang pagbabago kahit mistulan mang para ito sa ikabubuti ng lahat, dahil ang hinahangad na kaunlaran ay hindi lamang para sa iilan kundi sa bawat mamamayan—walang maiiwan.

*Hindi nila tunay na pangalan

John Paolo Gatdula is the News Editor of Pacesetter for A.Y. 2023–2024. He is a fourth-year journalism student from the College of Arts and Letters.

Jannes Magayon is a freshman staff writer of Pacesetter. She is a first-year journalism student from the College of Arts and Letters.

Felicia Joy Polecios is the Online Content Manager of Pacesetter for A.Y. 2023–2024. She is a fourth-year journalism student from the College of Arts and Letters.

--

--