Sa Kahon ng Tahanan at Pabrika: Ang Pakikibaka ng Kababaihang Manggagawa

Pacesetter Newsroom
Pacesetter
Published in
7 min readJul 8, 2021

nina Amiel Antonio at Fransheska Gene Perez

Art by Bounty Tapang

Hindi natatapos sa pagiging ilaw ng tahanan ang papel ng kababaihan.

Marahil marami ang lumaking bitbit ang konseptong nagtatakda sa mga ina bilang “ilaw” ng tahanan at “haligi” naman sa mga ama. Itinuturo na ito sa mga paslit bilang bahagi ng pagkilala at pagrespeto sa kanilang mga magulang. Bagaman naging parte na ng kulturang kinagisnan, hindi maitatangging ikinakahon nito ang kakayahan ng kababaihan bilang saligan.

Mas malaki ang bilang ng kalalakihan kumpara sa mga kababaihan pagdating sa paghahanap-buhay. Ayon sa 2020 Labor force survey ng Philippine Statistics Authority (PSA), mayroon lamang 38.1 porsyento na babae sa 33.8 milyon na mga empleyado at 61.9 porsyento naman ang kalalakihan.

Dagdag pa rito ang mas mataas na Labor Force Participation Rate (LFPR) ng mga lalaki kaysa sa mga babae. Tinutukoy nito ang kabuuang bilang ng mga manggagawang may edad 15 pataas kabilang na ang may trabaho at naghahanap pandagdag. Nitong Enero 2021 ay pumalo sa 73.9 porsyento ang LFPR ng kalalakihan habang nasa 46.9 porsyento naman ang sa kababaihan.

Samakatuwid, mas mababa ang bilang ng mga babaeng Pilipino na may oportunidad para makapagtrabaho kumpara sa lalaki.

Ngunit, para kay Rhea, hindi niya tunay na pangalan, karapatan ng kababaihan ang magtrabaho.

“Karapatan din naming magtrabaho para matulungan din namin ‘yong partner namin, para hindi [sila] mahirapan. Kaya namang gawin ng mga babae ang kayang gawin ng mga lalaki,” sabi ni Rhea.

Dalawang taong nagtrabaho bilang factory worker sa NutriAsia si Rhea. Nais niya na maging katuwang siya ng kaniyang asawa sa pagpapalaki sa pitong taong gulang niyang anak. Naikuwento niya na minsan nang sumagi sa kaniyang isip ang mangibang-bansa dahil mas malaki ang sahod na nag-aabang doon. Matatandaan din na naglunsad ng isang piket ang mga manggagawa ng NutriAsia buhat ng isyu sa kontraktuwalisasyon.

“Oo, naisip ko ng mag-OFW noon. Sa taas ng mga bilihin ngayon, saka ‘yong hirap ng maliit lang ‘yong kita sa atin dito ‘di tulad sa ibang bansa,” aniya.

Naibahagi niya rin na hindi lamang natatapos sa pagiging ilaw ng tahanan ang kakayahan nila bagkus ay sanay rin itong makipagsabayan sa mga itinuturing na “haligi” ng isang pamilya. At sa huli, kung ito’y para naman sa kabutihan ng nakararami, lahat ay kakayanin mabigyan lamang ng magandang kinabukasan.

Tulad ng kuwento ni Rhea, handa ring isakripisyo ni Rosemarie, hindi niya tunay na pangalan, ang lahat para sa kaniyang pamilya. Nagtatrabaho si Rosemarie sa Bottle Cap Incorporation Philippines bilang isang factory worker.

“Ang trabaho ko rito kung tutuusin, ‘kamadora,’ gawain ng lalaki ito. Pero kaya kong gawin. Ako ‘yung nagre-repack, ako ‘yung nagpa-pack para maibalot sa karton, ako ‘yung nagbubuhat,” pagkukuwento niya. Ayon pa sa kaniyang naratibo, ang bigat ng mga binubuhat niya sa trabaho bilang kamadora ay umaabot sa 16 kilos bawat karton.

Naibahagi rin ni Rosemarie na minsan siyang nanilbihan sa ibang bansa bilang OFW sa loob ng dalawang taon. At naikuwento niya ang ilang danas ng mga babaeng OFW na nakilala niya roon.

“May mga na-meet ako doon, mga Pinay rin na domestic helper. Tapos naikuwento ng isa kong nakilala na pinagmamalupitan daw siya ng matandang amo niya,” sabi ni Rosemarie.

Batay pa sa kuwento ni Rosemarie, dahil walang sapat na ipon at perang maiuuwi ay mas pinili ng kaniyang kakilala na magtiis muli sa ibang bansa para kumita.

“Sa kagustuhan naming tumulong, sinabi namin sa kaniya na bumalik sa agency para magsumbong, para magsabi na hindi niya na kaya ‘yung ganoong klase ng pagtrato,” dagdag pa ni Rosemarie. “After two weeks ginawa niya naman ‘yon. Nakaalis siya do’n sa malupit niyang amo. Pero hindi siya umuwi. Hindi siya pinauwi ng agency. Binigyan siya ng panibagong amo.”

Habang ang kakilala niya ay hindi nakauwi, si Rosemarie naman ay nakabalik na sa bansa. Ngunit pinili pa rin niyang magtrabaho upang maging katuwang ng kaniyang mister sa pagpapalaki sa nag-iisa nilang anak.

“Lahat, kaya kong isakripisyo para sa anak ko. Katulad niyan nangibambansa ako noon, iniwan ko siya ng two years, wala akong pinag-iwanan kundi ama niya lang. Tapos doon sa ibang bansa nag-aalaga ako ng ibang bata. Sa halip na ‘yong anak ko ‘yung inaasikaso ko — kada-papasok, kada-darating galing sa school — ibang bata ang inaalagaan ko. Pero tiniis ko. Kasi kung ‘di rin ako magtatrabaho sa ibang bansa, ‘di ko rin maibibigay ‘yung mga gusto at pangangailangan niya. Lalong-lalo na sa pag-aaral.”

Pamamasada ng tricycle ang hanapbuhay ng asawa ni Rosemarie. Para sa ikagaganda ng kinabukasan ng kanilang anak, napagpasyahan niyang tulungan ang kaniyang mister sa pagtatrabaho. At doon na nga siya namasukan bilang isang manggagawang babae.

“Bilang asawa, hindi rin naman ako sang-ayon na siya ‘yung kikita tapos hindi sasapat. Syempre ako, mag-iisip din ako [ng paraan] para makatulong sa kaniya. Kahit na siya ‘yung haligi ng tahanan, at ako ‘yung dapat nasa bahay — hindi ko rin mapipigilan talaga na hindi gumawa ng paraan para kumita.”

Malinaw sa mga kuwento nina Rhea at Rosemarie na hindi natin maikukulong sa kahit na anong kahon ang mga abilidad na tulad na mayroon sila.

Anu’t ano pa man ang maging tingin sa kanila, patuloy ang pakikibaka sa paglaya at pagpapalaya. Sapagkat walang limitasyon ang kalayaan at kakayahan ng ating kababaihan. Anuman ang maging dikta sa kanila ng lipunan, higit pa roon ang tunay na hangganan na kaya nilang ibigay.

Samantala, isa ang Kilusan ng Manggagawang Kababaihan (KMK) sa mga progresibong samahan sa ating bansa na naglalayong itaguyod ang maayos at pantay na pagtrato sa mga manggagawang babae. Naitatag ang samahan noong taong 1985 sa panahon ng diktadurya ni Marcos.

Anila, “’Yung batayan ng pagkakatatag ng KMK ay rooted sa matinding kalagayan ng manggagawang kababaihan noong panahon ni Marcos. Matindi naman talaga ‘yong kalagayan ng buong kilusang paggawa pero syempre dahil nasa feudal-patriarchal tayong bansa, mas matindi ang karanasan ng manggagawang kababaihan.”

Ang nasimulan nilang laban sa nakaraan ay hindi pa rin natatapos hanggang sa kasalukuyan. Dahil ayon sa kanila, ang mga panawagan nila noon pa man ay nakaugnay pa rin sa kasalukuyang kalagayan ng mga manggagawang babae ngayon.

“Nakakadismaya, nakakaalarma at nakakapag-alala pero hindi nakakasorpresa.” Ito ang mga salitang naglarawan sa pananaw ng KMK hinggil sa mga misogynist at sexist na pagtingin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kababaihan. Anila, “Sa maraming pagkakataon, nag-uudyok siya ng kaliwa’t kanang pambabastos, pang-aalipusta at pangmamaliit sa kakayahan ng kababaihan.”

Ang pagkakaroon ng ganitong klase ng pinuno ang mas nagpapalala at nagpapadilim sa mga danas ng kababaihan sa bansa.

Ayon sa grupo, mayroon pa ring mga kaso ng karahasang seksuwal sa loob ng mga pagawaan at diskriminasyon sa pag-eempleyo ng mga babae. Isa ito sa mga resulta ng mababang pagtingin sa mga babaeng Pilipino. At sa pagdaan ng maraming panahon, ikinukulong pa rin sila ng lipunan sa mga gawaing pantahanan dahil ito lamang daw ang nararapat na lugar ng kababaihan.

“Matagal na panahon nang nakikibaka ang kababaihang manggagawa [para] sa pantay na pagkilala sa ambag niya sa lipunan at sa paglahok niya sa produksiyon. Matagal din ang panahon ng pakikibaka para hindi makahon sa mga trabahong itinatakda ng lipunan na pambabae lamang,” saad ng KMK.

Pagdating naman sa naging kalagayan ng mga manggagawa nang sumiklab ang pandemya, karamihan sa mga pabrika ay nag-implementa ng “No work, no pay” na polisiya na nagdulot pa ng pagdarahop para sa kanila. Kuwento ng KMK, “Kung dati hindi na nakabubuhay ang minimum wage na P537 sa NCR, lalo pa ngayon na may pandemic.”

Mula nang kumalat sa Pilipinas ang COVID-19 at nagkaroon ng Enhanced Community Quarantine (ECQ), maraming mga negosyo kabilang na ang mga pabrika ang napilitang tumigil sa operasyon at magsara. Kasabay naman nito ang paglobo ng unemployment rate ng ating bansa.

Batay sa datos ng PSA, pumalo sa 17.7 porsyento ang unemployment rate ng bansa noong Abril 2020 na may katumbas na 7.3 milyong manggagawang nawalan ng trabaho. Higit na mas mataas ito kumpara sa 5.3 porsyento na unemployment rate noong Enero 2020 bago ang pandemya.

Dahil hindi makalabas, walang ibang mapamimilian ang mga manggagawa kundi ang umasa lamang sa ayudang ipinamamahagi ng mga lokal na pamahalaan. Dagdag pa ng KMK, “Wala namang naipon [ang mga mangagawa] bago ang lockdown, kung meron man, hindi [nito] kayang sustentuhan ang matagal na lockdown.”

Ang kawalan ng trabaho ng karamihan sa mga manggagawa ay nagresulta rin ng pagkakabaon nila sa utang.

“By the time na nagbigay ng ayuda, mga July [2020], baon na sa utang [ang] karamihan sa amin. May naipong bayarin sa upa, tubig at kuryente at hanggang ngayon ay nagbabayad ng installment para dito,” pahayag ng KMK.

Gustuhin man daw makabawi, tila suntok ito sa buwan sapagkat may mga pabrika na nagbawas ng oras ng paggawa. Marami anila ang maliliit na pabrika na tatlo hanggang apat na araw na lang ang pasok na nagdulot naman ng pagkaltas nang halos kalahati sa sahod ng mga manggagawa.

Ilan lamang ang mga ito sa laksa pang mga danas ng mga manggagawa sa ating bansa na mas pinalala ng opresyon at diskriminasyong dulot ng administrasyong Duterte.

Bagaman tuloy ang laban at pakikibaka, aminado ang KMK na mas matindi pa rin ang marahas na pagsupil sa lumalalang krisis ngayon sa ating bansa.

“Mas matindi talaga ang panunupil ngayon. Ilang labor organizer at unyonista na ang biktima ng EJK at trumped-up charges sa panahon ni Duterte. Pinakahuling biktima ‘yung naganap na ‘Bloody Sunday’ sa Southern Tagalog.”

Gayumpaman, ang mga ganitong pangyayari ang mas nagtutulak sa kanila na magpatuloy sa pag-organisa at pagbuo ng pagkakaisa sa mga manggagawa. Nananawagan ang KMK para sa regular na trabaho, nakabubuhay na sahod, at pantay na oportunidad sa manggagawang kababaihan.

Ang pagkahon ng lipunan sa mga kakayahan nila ang isa sa mga hamong patuloy na sinasagupa ng kababaihan. Hindi lamang sila nakararanas ngayon ng ibayong pang-aapi at paglabag sa kanilang mga karapatan bilang isang babae kung hindi bilang isang manggagawa rin.

--

--