Sa Salat Na Sistemang Medikal, Mga Mapaghimalang Kamay Ang Nalalapitan

Pacesetter Newsroom
Pacesetter
Published in
11 min readApr 30, 2024

ni Rachel Hannah Beltran at Leonard Andrei Cabalona

Larawang kuha ni Mylene Lovelyn Tumamak

Sa kabila ng lumalalang sektor ng kalusugan, hindi na bago ang makarinig ng mga katagang hanggang ngayon ay mayroon pa ring naniniwala sa kapangyarihan ng mga kandila at kamay na siyang humahaplos ng paghilom sa mga tao.

Hindi na rin kataka-taka na ang karamihan ay mas inuuna ang paglapit sa mga albularyo sa halip na magpatingin sa mga doktor dahil bukod sa kakulangan sa pasilidad at mga kagamitan, mas malaki ang gastusin kumpara sa mga albularyo na abuloy lamang ang tinatanggap.

Matunog ang mga albularyo sa mga kanayunan sa Pilipinas sapagkat sila ay binansagan ding ‘folk doctor’ kung saan sila ay nanggagamot gamit ang mga tradisyunal na praktika gamit ang kandila at medical herbs, at sa pamamagitan ng ‘hilot’ na kung minsan ay tinatawag din na ‘magic healing.’

Bukod sa halos walang gastos na gamutan, pinaniniwalaan din ng mga Pilipino ang kanilang tinatawag na ‘supernatural powers’ na siyang matagal nang pinaniniwalaang kultura ng mga nagpapagamot sa albularyo.

Tulad na lamang ni Annalyn Sibug, 43, mula sa bayan ng Guiguinto sa lalawigan ng Bulacan, kinalakhan na nila ang pagpapagamot sa albularyo. Magmula pa noon ay albularyo na ang naging takbuhan ng kanilang pamilya sa tuwing sila ay may sakit.

“Naniniwala talaga ako dahil kapag may nararamdaman akong sakit o wala sa sarili, madalas akong nagpapaalbularyo,” aniya sa isang panayam ng Pacesetter.

Katulad ni Sibug, si Roberto Polecios naman, 51 anyos mula sa Calumpit, Bulacan ay naging kasanayan na rin sa kanilang pamilya ang pagpapagamot sa mga albularyo.

“Kasama ko mga kapatid kong nagpaalbularyo dahil ‘yun ang paniniwala ng nanay ko,” aniya.

Samakatuwid, parehong nabanggit ni Sibug at Polecios ang kakulangan sa budget kung kaya’t bukod sa naging tradisyon na ito ng kanilang pamilya, sila rin ay nagpapaalbularyo na lang dahil sa mahal ng gastusin sa mga ospital.

Limos na kagalingan

Dagdag pa ni Sibug na kaya rin siya dumidiretso sa albularyo ay sa kadahilanang sa maraming pagkakataon, kaya na ng mga ito na gamutin ang kanilang karamdaman nang hindi gumagastos nang malaki.

Nang tanungin ay inamin niyang sa pera talaga sila nahihirapan. “Sa pera, oo, pera talaga,” aniya.

Nagkaroon din ng pagkakataon kung saan ang kaniyang pamangkin ay hindi gumaling sa ospital kung kaya’t pinaalbularyo na lamang nila.

“Ang sabi ay may epilepsy siya pero may sumasapi pala. Naikot na namin lahat ng ospital pero wala talaga. Pinaalbularyo namin at doon ay may nakita. Gumastos kami. Noong pinatingnan namin sa albularyo ay gumaling,” aniya.

Inamin niya na naniniwala pa rin naman siya sa doktor. Sadyang inuuna lamang nila ang pagpapaalbularyo upang makatipid kumpara sa pagpapatingin sa doktor na umaabot ng libo-libo.

Samantala, binanggit naman ni Polecios ang mga gamot na binigay sa kaniya noong siya ay nagpaalbularyo. “Nagpagamot ako sa amin tungkol sa albularyo. Ang gamot sa amin ay dahon dahon, sa nga-nga lang. Number one, luya. Tapos sunod ay bunga ng nganga, sa mga tiyan naman ‘yun,” aniya.

Bukod sa nakasayan na rin ni Polecios na sa albularyo na dumidiretso sa tuwing nagkakasakit, inamin din niya na nagpupunta siya sa albularyo dahil sa kakulangan sa pambili ng gamot pangmedisina na kung ikukumpara sa mga binibigay ng albularyo na mga dahon ay tiyak na mas kaunti ang ginagastos.

“Nagpunta [kami] sa albularyo kasi walang [pera] pang-ospital, pangmedisina. Uso kasi ngayon, medisina. ‘Di sila naniniwala sa dahon. Sa tao ngayon, medisina,” saad niya.

Katulad ng pamangkin ni Sibug, si Polecios naman ay may karanasan din na hindi gumaling ang kaniyang sugat sa ospital kung kaya’t sa albularyo na lang niya ito pinatingnan.

“Ang sugat ko ‘di gumagaling [sa ospital]. Pabalik-balik ako, ‘di nalalaman nu’ng doktor kung ano sakit. Ngayon, sabi ng mga matanda, magpagamot ako sa albularyo,” aniya.

Kung bakit naupos ang tiwala

Taliwas naman sa karanasan ni Juliana Aquino, 21, Taguig, siya naman ay hindi gaanong nagtitiwala sa mga albularyo dahil noong siya ay nagkasakit ay hindi siya gumaling at hindi niya nakita ang sinseridad ng albularyo na gumamot sa kaniya.

“Halata mo sa kaniya na wala siyang sincerity sa ginagawa niya, ginagawa niya lang ‘to para sa pera. Mase-sense ng nagpapagamot sa ’yo ‘yung sincerity mo na makatulong, hindi dahil gusto mong kumita,” saad ni Aquino sa isang panayam ng Pacesetter.

Bukod sa kawalang tiwala sa mga albularyo, nahirapan din si Aquino na magpatingin sa pampublikong ospital at clinic dahil noong siya ay nagkasakit ay ilang linggo siyang bumalik sa Philippine General Hospital (PGH) ngunit walang nangyayaring paggaling sa kaniyang karamdaman.

“Hindi lang siya do'n natapos sa isang visit, dun sa tatlong visit ko sa PGH, parang umabot siya ng lima. Nakakapagod din siya for me na babangon ng umaga, mas maaga ta’s wala namang nangyayari,” aniya.

Dagdag pa ni Aquino na iniiwasan nilang magpatingin sa private clinic dahil sa mahal ng gastusin at kakulangan sa pasilidad ng ibang health centers na malapit sa kanila. Ngunit dahil hindi gumaling sa albularyo maging sa PGH, napilitan siyang magpatingin doon.

“Nag-decide na kaming mag-private clinic, ta’s du’n sa private clinic, dalawang session lang siya, gumaling yung ear infection ko, kasi mali ‘yung diagnosis don sa PGH since public hospital siya, so may kakulangan pa rin talaga sa equipment, ‘yung mga doctors rin kaya imbes na gumaling ‘yung infection sa tenga ko, mas lalo siyang lumala,” aniya.

Katulad ng 75 anyos na si Ramon Serapion mula sa Guiguinto, Bulacan, hindi rin ganoon kalaki ang kaniyang tiwala sa mga albularyo.

Minsan na siyang nakapagpaalbularyo ngunit hindi rin siya gumaling.

“Bago ako magpadoktor, sa albularyo muna. Hindi naman ako gumaling sa albularyo kaya sa doktor ako,” aniya.

Nang dahil dito ay mas nagpapatingin si Serapion sa mga espesyalista sa kabila ng mga patong-patong na gastusin.

“Hindi naman sa ano, [sa] albularyo naman ay minsan gumagaling ka rin kung may paniniwala ka. Pero [madalas] ang nilalapitan ng tao ay doktor, maski ako ay sa doktor. Mas may tiwala ako sa doktor, dahil pinag-aralan ito ng doktor,” saad niya.

Dagdag pa niya na binibigyan lamang siya ng kaniyang anak upang makapagpatingin sa doktor kung kaya’t ang iba niyang mga bayarin ay hindi nababayaran upang unahin ang kalusugan.

“Nakakaapekto talaga ang gastusin, una ‘yun. Gaya nating mahirap, kahit gusto mo magpadoktor ay hindi mo magawa dahil wala kang pera. ‘Yung pambayad ko ng kuryente ngayon ay pinambili ko muna ng gamot ko,” aniya.

Buhay na salita

Bukod sa iba’t ibang hinaing ng mga naging pasyente sa ospital at maging ng mga albularyo, bantog pa rin sa panahon ngayon ang mga tradisyunal na gamutan sa ilang parte ng Bulacan.

Kalakip na sa buhay ng mga Pilipino ang pag-asang gumaling sa tradisyunal na paraan ang paniniwala sa kapangyarihan ng mga panalangin.

Ito ang ginagamit na paraan ng paggamot ni Mila Dela Rosa, 56, na gumagamit pa rin ng kandila at mga halamang gamot sa mga pasyenteng lumalapit sa kaniya. Kuwento pa niya na siya rin ang gumagamot sa kaniyang sarili sa tuwing siya ay may karamdaman.

“Hindi ako nagpapaospital. Ako lang ang nanggagamot, pati sa mga anak ko. Mula noong maliit sila ay ako [na] ang nanggagamot,” aniya.

Sa isang banda, dahil sa patuloy na pagbabago ng panahon, aminado si Dela Rosa na mas marami ang nagpapagamot sa kaniya noon kaysa ngayon. Aniya, “Kasi dati, marami sila. Ngayon, parang konti lang kasi ‘yung iba ay sa iba na nagpapagamot.”

Kasabay ng mabilis na transisyon sa teknolohiya, nagbago na rin ng metodo ng panggagamot ang mga albularyo.

Isang halimbawa si John Michael Bañares, 31 taong gulang, at higit isang taon nang nagsasagawa ng faith healing sa Pulilan, Bulacan. Kilala sa palayaw na ‘JhayEm Kel’, kaya niya umanong gumamot ng pisikal at espiritwal na karamdaman.

“May tinatawag tayong physical na sakit, ‘yung pangdoktor. Pangkaraniwang sakit lang tulad ng lagnat, ubo, bigat ng katawan. Tapos may tinatawag din tayong spiritual na sakit. ‘Yan po ‘yung nakulam, nabarang, naengkanto, napaglalaruan ng masasamang espiritu,” saad ni JhayEm Kel.

Para mas makapanggamot pa ng nakararami, nagsasagawa rin siya ng healing session gamit ang online platform na Facebook.

“Nakilala ako sa panggagamot sa online, video call. Alam niyo naman po siguro ‘yung sinasaniban, mga ganyan. Basta may sakit kang kulam kahit malayo ka basta nakausap ako sa video call, ‘yung kumukulam sa ’yo [pasyente] kaya kong papasukin sa katawan mo.”

Orasyong Latin ang ginagamit ni Jhayem Kel sa panggagamot, na ayon sa kaniya ay buhay na mga salita.

“Ang ginagamit ko kasing dasal hindi talaga Tagalog, Latin po. Ang bawat orasyon po may kaniya-kaniyang pinaggagamitan. Halimbawa ‘yung paa mo masakit, ‘yung orasyon na para sa sakit sa paa ang gagamitin mo. Kung lumpo ka, ‘yung dasal para sa lumpo.

“Ang orasyon ay mga buhay na salita yan. Bawat letra n’yan may nakapaloob na espiritu. Kaya ‘pag dinasal mo ‘yan, lahat ng espiritung nakapaloob do’n, magsisibangunan. ‘Yun ang tumutulong gumamot sa mga tao. ‘Yun din ang tumatawag at humuhuli sa mga espiritung gumagambala sa pasyente mo para ipasok sa katawan nila,” dagdag niya.

Bagama’t bihasa na sa gawain, aminado sina Mila at JhayEm Kel na may limitasyon din ang panggagamot nila.

“‘Pag nandito sa ‘kin ‘yung pasyente, sasabihin ko talaga kung sakit pangdoktor ‘yan. Tulad ng mga cancer, nalalaman ko ‘yan ‘pag pinulsuhan ko ‘yung pasyente kung pandoktor talaga, sakit sa atay, sa puso,” saad ni JhayEm Kel.

“Sa doktor naman, iba naman ‘yun kasi kung hindi ko maano yung sakit nila, hindi ko talaga gagamutin. Sasabihin ko sa kanila na sa doktor ‘yan at hindi sa akin,” pagsang-ayon ni Dela Rosa.

Sa mata ng awtoridad

Sa kabila nito, nananatiling hamon sa larang ng medisina na kumbinsihin ang ilan na magtiwala rito, kahit mayroong Agham sa likod ng propesyon.

Ibinahagi ni Patricia Ann Alvaro, Health Education and Promotion Officer III ng Bulacan Provincial Health Office (PHO) na mas pinipili ng ilang Bulakenyo na ipatingin sa albularyo ang mga karamdamang kaya namang gamutin sa mga ospital o klinika.

“Na-experience namin ‘yan on Rabies Prevention Program. Sa rabies kasi, ‘yung mga tao hindi sila pumupunta sa Animal Bite Treatment Center. Kapag nakagat sila, they prefer to go on tawak. Sa tawak, pinadudugo nila ‘yung sugat, which is wrong kasi mas lalong kakalat ‘yung laway na p’wedeng may rabies doon sa sugat or doon sa katawan,” sambit niya sa panayam ng Pacesetter.

Idinagdag din ni Alvaro na danas din ito sa kampanya ng PHO sa mental health, na aniya ay dahil sa “sinasapian or ‘di naman kaya may naglalarong mga duwende, napaglalaruan ng mga lamang-lupa.”

Sa pagtatasa ni Alvaro, ang malalim na ugnayan sa pagitan ng albularyo at pasyente ang dahilan ng pagkapit ng ilan sa mga ito. Aniya, “Kapag pumunta ang isang pasyente sa albularyo, they see much care than on healthcare workers. But on the other hand, du’n talaga dapat pumasok ‘yung TLC— tender loving care— in terms of healthcare workers na baka mas nakakakita kasi sila ng care du’n sa mga faith healers than sa atin.”

Isa naman sa itinuturong dahilan ng mga nakapanayam sa pagdulog sa albularyo ang kakulangan at pagiging aksesibol ng mga pasilidad pangkalusugan.

Sa 3.71 milyong populasyon ng Bulacan, isa lang ang Level 3 o referral hospital dito, na may kapasidad na gumamot kahit na mga kritikal na kondisyon.

Sa naging panayam ng Pacesetter, sinabi ng Department of Health (DOH) Bulacan na hirap ang lalawigan sa pagdagsa ng mga pasyente sa referral hospital na Bulacan Medical Center.

“There can never be enough with regards to hospitalization. So every municipalities were trying their best kung kaya naman po nilang makapagbigay ng serbisyong ganito. I think for the 3 million, mahirap po kasi na dalhin po lahat sa Level 3. Siguro dapat po d’yan is tamang proseso po at tama ‘yung paghihimay or triaging ng mga pasyente," ani Dr. Shiela Mae Yu-Geronimo, Development Management Officer ng ahensiya.

Para maibsan ito, pinalalakas umano ng DOH ang mga Rural Health Unit (RHU) sa lalawigan upang maiwasan ang pangangailangang pumunta sa mga ospital.

Upang magawa ito, nagsasagawa ang PHO ng mga aktibidad na layong ihanda ang mga ito sa pangangailangang pangkalusugan ng mamamayan.

"Kasi what we want here in Bulacan, magkaroon tayo talaga ng ilan ‘yung datos ng ganitong sakit. Para magawan siya agad ng intervention. So functionality ng mga epidemiology and surveillance unit yung isa, supportive supervisory visits ng mga RHUs, capacity-building activities, trainings for different public health programs, health promotion activities in the community kasi ‘yun talaga ang kailangan in public health," saad ni Alvaro.

Hamon ngayon sa PHO na mapaabot ang serbisyong pangkalusugan sa Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDA), na binubuo ng mga komunidad na malayo sa kabihasnan.

Ani Alvaro, “‘Yung mga tinatawag natin na GIDA areas, actually ‘yun ‘yung challenge kasi ‘yung mga areas na ganito sa DRT [Doña Remedios Trinidad], mga bulubundukin, then meron pa tayong mga areas na talagang kailangan mong bangkain para ma-access mo ‘yung lugar, ‘no? So ‘yun actually ‘yung priority sa public health na mas palapitin mo sa kanila ‘yung mga health services.”

Sa kabila ng mga programang ito, mayroon pa ring mga Pilipinong hindi naaabot ng pagtulong na siyang nagpapalala lalo sa healthcare system ng bansa.

Mula naman sa panayam ng Pacesetter sa national president ng Alliance of Health Workers na si Robert Mendoza, nakagagalit umano ang sistema dahil sa kakulangan sa mga ospital maging ng mga kagamitan dito. Aniya, “Fully-equipped dapat ang bawat ospital at hindi lang tayo para ma-decongest din ang ating regional hospital, dapat lakihan din ang ating mga district hospital. At the same time, dapat kumpleto sa gamit, hindi ‘yung pagdating sa isang district hospital walang x-ray, walang ultrasound, ire-refer mo sa secondary hospital hanggang sa tertiary.”

Aminado si Mendoza na maraming napapabayaang healthcare facility kung kaya’t mas nahihirapan ang mga Pilipinong magpalipat-lipat sa mga klinika at kalaunan ay sa mga albularyo na sila lumalapit.

“Kahit dito sa NCR, kahit yung Bulacan, ang dami pa ring dilapidated na mga health facilities kaya sana ito ‘yung panawagan natin sa ating gobyerno na dapat bumalik talaga, magkaroon ng renationalization law para matugunan ‘yung mga kakulangan sa mga health facilities sa mga local government units,” aniya.

Hugas-kamay na kagamutan

Sa kabila ng mga proyektong binanggit ng PHO at DOH, hindi maipagkakaila na iilan lamang ang naaabot ng mga ito. Hanggang ngayon ay mayroong mga tinitiis na lamang ang kanilang sakit sa kadahilanang libo-libo ang ibinabayad sa ospital ngunit hindi rin naman gumagaling katulad sa kuwento ng pamangkin ni Sibug

Dagdag naman ni Geronimo, “On behalf of DOH, ang aming tanggapan ay laging bukas po para sa inyo, para matugunan po ‘yung inyong pangangailangan po, ‘no. Kasama po ng Provincial Health Office, kami po ay tulong-tulong na tutugon sa mga needs ng ating mga tao sa komunidad.”

Kung tunay na bukas ang tanggapan ng DOH maging kalakip na mga institusyon, bakit hanggang ngayon ay mayroong inuuna pa rin ang pagpapagamot sa albularyo dahil sa takot sa gastusin sa mga ospital?

Bukod dito, bakit hanggang ngayon ay kulang ang mga kagamitan sa ospital na siyang patuloy na iniinda ng mga pasyente?

“Magtayo talaga ng mga health facilities lalo na sa mga kanayunan para mabigyan talaga ng access ang ating mga mamamayan doon sa usapin sa kalusugan,” hinaing ni Mendoza.

Kung tunay na para sa lahat ang kalusugan ay wala dapat napag-iiwanan. Ilang buntong hininga pa ba ang kailangan upang magising ang mga dapat kalampagin?

“Hindi lang naman ako ‘yung nakakaranas nito, mas marami pa at mas malala ‘yung sakit na nararanasan nila ta’s kulang sila sa pera pang-afford ng mga ospital, siguro mas maging open ‘yung government natin sa mga gan’tong issue since alam naman natin ‘yung government natin ngayon, masyado silang bulag at bingi sa kung ano ‘yung nararamdaman ng taumbayan,” panawagan ni Aquino.

Rachel Hannah Beltran is the Managing Editor for Administration of Pacesetter for A.Y. 2023–2024. She is a fourth-year legal management student from the College of Criminal Justice Education.

Leonard Andrei Cabalona is the Development Communication Editor of Pacesetter for A.Y. 2023–2024. He is a fourth-year journalism student from the College of Arts and Letters who covers issues related to health and current affairs.

--

--