Hunyo 12: Araw ng Kalayaan, Araw ng Protesta!

Bagong Alyansang Makabayan - National
BAYAN
Published in
2 min readJun 11, 2018

Habang ginugunita ng buong bansa ang ika-12 ng Hunyo bilang Araw ng Kalayaan, hindi pa rin masasabing ganap na malaya ang mamamayang Pilipino.

May gobyerno tayong garapal ang pagiging sunud-sunuran sa mga dayuhan. Kahit kitang-kita na inaangkin ng Tsina ang West Philippine Sea, kahit hayagan nang nilulusob at ipinapasok ng mga sundalong Amerikano at mga dayuhang dambuhalang korporasyon ang Mindanao, walang pagtutol ang gobyernong Duterte sa paglapastangan sa ating pambansang soberanya. Lalong lumakas ang loob ng mga dayuhang korporasyon ng mina na dambungin ang ating mga likas-yaman sa bundok, gubat at baybayin-dagat.

Hangad ng mamamayan ang pagbabago — ang maging malaya sa kahirapang dinaranas araw-araw. Subalit ang realidad na kinakaharap natin ngayon ay taliwas na taliwas dito.

Tuloy-tuloy na tumataas ang presyo ng mga panguhaning bilihin at serbisyong panlipunan, na epekto ng dagdag na buwis sa TRAIN Law ni Duterte. Sadlak sa kahirapan ang mga kababayan nating magsasakang pinagkakaitan ng lupa. Hindi natupad ang pangako ni Duterte na wakasan ang kontraktwalisasyon. Kakarampot ang disenteng trabaho sa atrasadong ekonomiya ng Pilipinas. Nakapako pa rin sa sahig, at hindi nakabubuhay, ang sahod ng mga manggagawa.

Sa gitna ng ating paghihirap, hindi din tunay na malaya ang bansa mula sa pampulitikang panunupil at panggigipit. Hawak na ng gobyernong Duterte, di lamang ang ehekutibo at lehislatura, kundi maging ang hudikatura. Lalu nang sinisikil, tinatakot, at pinapatay ang mga nagtatangkang tumutol at lumaban sa tiraniya. Martial Law pa rin sa Mindanao. Tuloy ang pagpatay sa ngalan ng “gyera kontra droga” at “gyera laban sa terorismo”. Binibigyan pa ng matuwid ng administrasyong ito ang mapang-abusong trato sa kababaihan.

Ngayong ika-12 ng Hunyo ay Araw ng Protesta para tunay at ganap na maging malaya ang Pilipinas! Magsama-sama tayong ihayag ang ating paninindigan at pagmamahal sa bayan. Iparinig natin ang ating mga panawagan para sa kalayaan, hustisya, at demokrasya. Ipaglaban natin ang ating mga karapatan at ang kagalingan ng bansa sa harap ng walang humpay na panunupil at dahas ng rehimeng US-Duterte. Sa buong bansa, maglunsad tayo ng mga pagtitipon at pagkilos para ihayag ang pagtutol ng mamamayan.

Makibaka para sa tunay na kalayaan! Imperyalismo ibagsak!
Labanan ang dayuhang panghihimasok, lumalalang kahirapan at tiraniya!
Ilantad at labanan ang papet pasistang rehimeng US-Duterte

--

--

Bagong Alyansang Makabayan - National
BAYAN
Editor for

BAYAN is an alliance of organizations committed to the Filipino people's struggle for national liberation and democracy.