BABALA: MAG-INGAT SA MAGNANAKAW

Max Santiago
BAYAN
Published in
4 min readFeb 17, 2022

(at sinungaling, duwag at tamad na kandidato)

Mahal naming kababayan,

Mabigat ang hamon sa susunod na magiging pangulo ng bansa. Ang tanong: Paano niya iaahon ang bagsak na ekonomiya habang may pandemya? Paano niya pagkakaisahin ang bansa matapos itong wasakin ng makasariling interes ng mga namumuno?

Kaya dapat doble kilatis po tayo sa mga kandidato. Ang tiyak, hindi natin pwedeng ipagkatiwala ang kinabukasan ng ating mga anak sa isang magnanakaw, sinungaling, duwag, nakinabang sa diktadura at higit pa, tatamad-tamad sa gitna ng mga krisis na kinakaharap ng bansa.

Si Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos ay mula sa pamilyang napatunayang nagpayaman sa pamamagitan ng pagnanakaw sa kabang bayan. Bagamat bilyun-bilyong piso na ang nabawi mula sa kanila, patuloy nilang tinatago at tinatamasa ang nakaw na yaman. Si Bongbong mismo ay nakikinabang dito at hinaharangan pa nga ang pagbawi ng gobyerno sa ninakaw nila. Paano makakatulong sa atin si Bongbong gayong buong buhay nya’y nakikinabang siya sa nakaw na yaman para sa kanyang marangyang pamumuhay at upang makabalik ang pamilya Marcos sa kapangyarihan?

Wala siyang pwedeng ipagmalaki kaya todo sa pagkalat ng kasinungalingan tungkol sa diumano’y Golden Years sa panahon ng diktadura ng kanyang ama. Kung katotohanan ang batayan, ang nais niyang dakilain ay ang pagkalugmok ng ekonomiya. Binaon tayo sa utang upang nakawin lang ni Marcos at mga kroni nya. Nagpayaman sila sa pakikipagsabwatan sa mga dambuhalang bangko at korporasyong dayuhan. Hindi totoong iniangat ng diktadurang Marcos ang kabuhayan at antas ng pamumuhay ng mga Pilipino, bagkus dumami ang naghihirap, nagugutom at dumausdos ang kalagayan sa buhay.

Inabuso ng mga Marcos ang kanilang kapangyarihan. Ipinataw ang Martial Law para iligal na makapanatili sa poder gamit ang kamay na bakal. Pinasara ni Marcos, Sr. ang mga dyaryo at istasyon ng mass media upang kontrolin ang daluyan ng mga balita at impormasyon. Kinandado niya ang Kongreso hangga’t isa na lang ang umubrang partido pulitikal na kontrolado nila. Daang libo ang naging biktima ng lansakang paglabag sa karapatang pantao. Hawak din nila ang mga korte. Hanggang ngayon, panay tanggi ang mga Marcos sa kanilang pag-aabuso sa poder, at pinapalabas pa na hulog ng langit ang panahon ng diktadura.

Walang makabuluhang nagawa si Marcos para sa mga malalaking problema ng bansa. Wala siyang ginawa habang naghihirap tayo sa pandemya at iba’t ibang sakuna. Wala tayong narinig sa kanyang plano para ibangon sa pagkalugmok ang ekonomiya ng bansa at kabuhayan ng pamilyang Pilipino. Hindi nga niya pinupuna ang kapalpakan, kainutilan at mga anti-mamamayang patakaran at programa ng rehimeng Duterte dahil kasama niyang tumatakbo ang anak ni Duterte na si Sara.

Si Bongbong ay hindi nagbayad ng buwis nang apat na taon habang sya ay gobernador at anak ng pangulo. Nahatulan syang guilty sa kasong tax evasion. Nararapat lang na i-disqualify siya sa pagtakbo bilang pangulo.

Tamad at duwag si Marcos sa mga debate at kahit sa mga media interview dahil mabubuking ang kababawan ng kanyang pagsusuri at kahungkagan ng kanyang plataporma de gobyerno. Hindi sya ang pinunong kailangan natin anupa’t sa panahon ng matinding krisis.

Ano ang ating dapat gawin? Galit tayo sa mga magnanakaw. Kinamumuhian natin ang mga tamad at sinungaling. Tinuturo natin ang kahalagahan ng tapang at dignidad sa ating pamilya. Mahal natin ang ating bayan at pinahahalagahan ang kinabukasan kaya ang nararapat ay ibasura ang kandidatura ni Bongbong Marcos at ng kanyang ka-tandem na si Sara Duterte. Harangan natin ang tangka ng Marcos at Duterte political dynasties na makabalik sa Malacañang. Papanagutin natin sila sa kanilang mga mabibigat na kasalanan sa sambayanang Pilipino.#

--

--