EDSA at ang nagpapatuloy na laban para sa tunay na pagbabago

Bagong Alyansang Makabayan - National
BAYAN
Published in
4 min readFeb 23, 2022

Ngayong taon, higit na makabuluhan ang pagbabalik-tanaw sa diwa ng pagbabalikwas sa EDSA dahil sa mas pinatinding disimpormasyon na pinapakalat ng pamilya Marcos na walang kahihiyang nais pa ring makabalik sa kapangyarihan kahit pinatalsik na sila ng taumbayan noong 1986. Okayson din ito para ipagdiwang ang sumusulong at lumalawak na pagkilos ng mamamayan para sa tunay na pagbabago, na hindi nagapi sa kabila ng papatinding atake ng pasistang rehimeng Duterte.

Ano ang ilan sa mga tampok na aral ng EDSA?

Una, ito ay maningning na yugto ng kasaysayan na ating nakamit sa sama-samang pagkilos para sa ating karapatan at kinabukasan. Tinapos nito ang papet, pasistang rehimeng US-Marcos noong bumuhos sa lansangan ang mamamayan at ipinamalas ang bisa ng “People Power”. Ang EDSA ay bahagi ng mahaba at sustenidong pakikibaka ng mamamayan laban sa diktadurang Marcos. Daan-daang libo ang pinalikas sa kanilang mga tahanan, ikinulong, dumanas ng torture, at nag-alay ng buhay hanggang ang kanilang sakripisyo ay humantong sa pagpapahina at tuluyang pagpapabagsak sa diktadura.

Ang EDSA ay simbolo ng tagumpay ng sambayanan laban sa isang lider na sukdulang pasista, mandarambong, at papet ng dayuhan. Kaya nararapat na ito ay gunitain hindi lang upang kilalanin ang tapang at kabayanihan ng mga tumindig laban kay Marcos noon kundi upang ipaalala din sa bagong henerasyon ng mga Pilipino na posibleng wakasan ang isang rehimeng sagad-sagaring kontra-mamamayan sa pamamagitan ng malawakang pagkilos sa kalunsuran at kanayunan.

Gayunpaman, ang tagumpay at pangako ng pagbabago sa EDSA ay hindi nalubos dahil nanatili ang elitistang paghahari at dayuhang kontrol sa lipunan. Nawala nga ang monopolyo sa kapangyarihan ng mga Marcos at pinakamalapit na kroni subalit pinalitan lang sila ng ibang paksyon ng naghaharing uri. Nagpatuloy ang pag-iral ng sistemang malapyudal at malakolonyal. Ang mga burukrata kapitalistang sumunod kay Marcos ay pawang mga kurakot din, nagtanggol sa interes ng malaking negosyo, sunud -sunuran sa dikta ng imperyalista, at naghasik ng pasistang atake sa mamamayang naghahangad at lumalaban para sa tunay na pagbabago sa lipunan.

Hindi nakapagtataka kung patuloy na busabos ang naging kalagayan ng mayorya ng Pilipino kahit nangyari ang EDSA at nawala ang mga Marcos. Walang patid ang krisis sa isang atrasadong ekonomiya dahil patakarang neoliberal na pabor sa dayuhan ang ipinatupad sa nakalipas na tatlong dekada. Walang pag-ahon sa kabuhayan sa kanayunan dahil huwad na reporma sa lupa ang nanaig. Walang pag-asenso sa kalagayan ng manggagawa na aliping sahuran pa rin ng mga kapitalista. Walang bago sa sistemang pampulitika dahil lalong namayagpag ang mga bago at lumang political dynasty na ginawang negosyo ang pamamahala. Walang nakamit na pananagutan at hustisya sa mga rehimeng pumalit na mas pinili ang oportunistang pakikipagmabutihan sa mga Marcos sa halip na sila ay papanagutin, ikulong, at pigilan ang kanilang panunumbalik sa poder.

Gamit ang nakaw na yaman, nahalal muli sa iba’t ibang pwesto sa pamahalaan ang mga Marcos. Naging tuntungan nila ang tuminding karukhaan sa bansa upang batikusin ang EDSA People Power bilang diumano isang konspiratoryal na sabwatan ng mga “Dilaw” na hindi naman nagresulta ng pagbabago para sa marami. Binaling ang sisi sa EDSA kung bakit may palagiang krisis ng kahirapan sa halip na tukuyin ang ugat nito sa bulok na sistema ng pulitika at ekonomiya sa bansa. Kinukutya ng mga Marcos ang EDSA hindi bilang kritikal na pagsusuri sa kalagayan ng bansa kundi upang baliktarin ang husga ng kasaysayan. Naging mas agresibo ang mga Marcos sa paggamit ng social media upang dito maghasik ng kasinungalingan at dis impormasyon.

Subalit papayag ba tayo na kahit ang ating maningning na kasaysayan sa pakikibaka ay nanakawin din ng mga Marcos?

Ang selebrasyon bawat taon sa EDSA ay pagkakataon upang patunayan ang kawastuhan ng paglaban sa pagsasamantala, pangaapi at tiranikong paghahari. Ito rin ay nag-iiwan ng hamon kung paano itutuloy ang pakikibaka ng mamamayan para sa tunay na kalayaan at demokrasya. Ang mahalagang aral ng EDSA na pinagtatakpan ng mga elitistang naghahari — hindi sapat na palitan lamang ang panapanahong namumuno bagkus dapat isulong ang pagbabago sa bulok na sistemang panlipunan.

Bukambibig ni Ferdinand Marcos Junior, anak ng diktador na Ferdinand Marcos Senior, ang panawagan ng “pagkakaisa” upang itago ang kagustuhang makaiwas sa pananagutan sa ngalan ng paglimot sa nangyari sa nakaraan. Ang pagkakaisa na gusto nya ay pumapabor lang sa makasariling interes ng mga Marcos; pangunahin dito ang pagtamasa sa nakaw na yaman at pagbalik sa Malakanyang. Malinaw na hindi taumbayan ang makikinabang dito.

Kaya kung pagkakaisa ang hanap, balikan natin ang itinuro sa atin ng EDSA People Power. Kapag nagkaisa ang mamamayan, kayang patalsikin ang mga diktador, kurakot at taksil sa bayan.

Kaya’t magkaisa tayo: Biguin ang pagbabalik sa Malakanyang ng mga Marcos!

Magkaisa tayo: Isulong at ipagtagumpay ang pakikibaka para sa tunay na kalayaan at demokrasya#

--

--

Bagong Alyansang Makabayan - National
BAYAN
Editor for

BAYAN is an alliance of organizations committed to the Filipino people's struggle for national liberation and democracy.