Igiit ang ating mga karapatan laban sa panunupil! Biguin ang diktadura!

Bagong Alyansang Makabayan - National
BAYAN
Published in
4 min readJun 4, 2018
Larawan mula sa UgatLahi Artists Collective

Statement
March 23, 2018

Isa na marahil sa pinakamadugong yugto ng kasaysayan ng Pilipinas ang kasalukuyang panahon.

Kumakaharap ngayon sa walang-kaparis na panunupil at panggigipit ang mamamayang Pilpino sa ilalim ng pasistang rehimeng US-Duterte. Pinakatampok na mga usapin ang mga sumusunod:
1. Ang libo-libong pinatay sa ngalan ng “gera kontra droga”
2. Ang all-out war ng AFP at militarisasyon sa kanayunan
3. Ang nagpapatuloy na Martial Law sa Mindanao
4. Ang pagbasura sa usapang pangkapayapaan
5. Ang panggigipit sa malayang pamamahayag o press freedom
6. Ang iba’t ibang atake sa mga kritiko ng administrasyon tulad ng pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso, iligal na pag-aresto at pagbabansag na “terorista”

Hindi kalabisan kung ihahambing ang mga pangyayaring ito sa madilim na panahon ng Martial Law at pasistang diktadurang US-Marcos. Ginawang mapanganib ng rehimen ni Duterte ang pagbatikos sa kanyang mga patakaran at pahayag. Ginagawang krimen ang paglaban para sa mga karapatan ng mamamayan. Pilit na pinatatahimik ang mamamayan sa harap ng naghuhumiyaw na krisis ng lipunan.

Ang ultimong layon ng mga hakbang na ito ay gawing masunuring tupa ang populasyon at supilin ang kanilang makatarungan at makatwirang paglaban. Ngayong hindi natupad ang marami sa ipinangakong pagbabago ni Duterte, dumarami na ang naniningil sa administrasyon. Sa bigat ng suliranin sa nagtataasang presyo, kawalan ng trabaho at tirahan, pangangamkam ng lupa, at pagyurak sa karapatan, dumarami ang namumulat at lumalaban. Ito ay makatwiran lamang.

Pero ano ang isinasagot ng rehimen?

Sa kabila ng pandaigdigang pagbatikos sa “gera kontra- droga”, ipinagpapatuloy ito ni Duterte at PNP. Aabot na sa 20,000 ang tinatayang namatay (tinatawag na extrajudicial killing o EJK) sa madugong kampanya ng gobyerno. Ngayon ay inuudyukan pa ni Duterte ang kapulisan na huwag makipagtulungan sa mga institusyon ng human rights na nag-iimbestiga ng mga pagpatay. Talamak na abuso sa kapangyarihan at paglabag sa batas ang ginagawang pagpatay, pagtatanim ng ebidensya at pagtatakip ng katotohanan, sa ngalan ng pagsupil sa iligal na droga.

Sa kanayunan naman, pinipilit ang magsasaka na umamin na sila ay supporter ng NPA at pagkatapos ay palalabasin silang mga “sumuko” na kasapi ng NPA para iharap sa masmidya. Ang mga ayaw magpagamit sa propaganda ng militar ay nakararanas ng harassment o di kaya ay tinututuluyang sampahan ng gawa-gawang kaso. Marami sa sinasabing “sumukong NPA” ay mga ordinaryong magsasaka na pinilit at tinakot ng militar. Ang ganitong kalupitan ay dagdag pa sa matagal nang nagaganap na militarisasyon sa mga baryo, okupasyon ng mga paaralan, food blockade, sapilitiang pagpapalikas ng mga sibilyan, at mga EJK ng pinagbibintangang NPA o NPA supporter. Ganito ang mukha ng Oplan Kapayapaan ng rehimeng Duterte, na suportado, pinopondohan at dinidirehe ng gubyerno ng US.

Guhit ni Renan Ortiz

Sa Mindanao partikular, pinalawig pa ang Martial Law sa ngalan daw ng paglaban sa “terorismo”, habang naghahasik naman ng terorismo sa mga komunidad ang AFP. Hindi pa rin lubos na nakakabalik sa kanilang komunidad ang mga sapilitang pinalikas sa Marawi. Prayoridad ang pagtatayo ng garison ng militar at tinaguriang rehabilitasyon na ang nangunguna ay mga malalaking negosyong makikinabang dito. Ginagamit ang banta ng “terorismo” para bigyang katwiran ang US Operation Pacific Eagle-Philippines o ang panghihimasok-militar ng US sa ating bansa.

Ang pagtalikod ni Duterte sa usapang pangkapayapaan ay tumungo na sa mas mabagsik na atake sa karapatan ng mamamayan. Pinaparatangang “terorista” ang mga rebolusyonaryo at maging ang mga aktibistang nangunguna sa laban para sa mga repormang sosyo-ekonomiko at pulitikal. Layon nitong siraan ang mga kritiko ng administrasyon at gawin silang bulnerable sa higit pang mga atake at paglabag sa karapatan. Lantarang pagsupil din ito sa karapatang mag-organisa, magtipon at magpahayag.

Hindi lang mga aktibista ang target ng panunupil. Maging ang mga mamamahayag ay nakararanas ng kakaibang panggigipit ngayon mula sa Malakanyang. Ang mga ulat na hindi paborable sa Pangulo ay binabansagang “fake news”. Ang mga manunulat mismo ay inaatake mula sa opisyal na plataporma ng Palasyo.

Lubos na nakababahala din ang ginagawang atake sa iba pang sangay ng gobyerno na kritikal sa administrasyon, iginigiit ang pagiging independyente upang makapagbigay ng “checks and balance” kontra sa abuso ng Malakanyang. Kabilang sa mga ginigipit ng rehimen ay ang Commission on Human Rights, ang Ombudsman, at ngayon, ang Chief Justice ng Korte Suprema. Layon ni Duterte na tanggalin ang anumang maaaring oposisyon sa kanyang mga antimamamayang patakaran, kahit ito pa ay mga sangay o opisyal ng gobyerno.

Higit na mahalaga ang pagpapahayag ng pagbatikos ngayong niraratsada ng rehimen ang napakaraming kontramamamayang panukala at programa. Mula sa dagdag buwis dala ng TRAIN (Tax Reform for Acceleration and Inclusion) hanggang sa pakanang Charter change (diumano para sa pagbaling sa pederalismo), hindi nauubusan ng mga pabigat at pasakit na ipinapataw sa mamamayan.

Sagot ng mamamayan, “hindi krimen ang aktibismo, hindi krimen ang magpahayag at mag-organisa.”

Labanan ang pasistang rehimeng US-Duterte!
Igiit ang ating karapatan!
Ipaglaban ang tunay na kalayaan at demokrasya!
Makibaka huwag matakot!
Itigil ang panunupil sa mamamayan!
Ituloy ang usapang pangkapayapaan!

###

--

--

Bagong Alyansang Makabayan - National
BAYAN
Editor for

BAYAN is an alliance of organizations committed to the Filipino people's struggle for national liberation and democracy.