Ang Huling Sandali Ng Mga Pandiwa
Namiss kong bumyahe
Yung kumakaripas ka sa pagtakbo
Maabutan lang yung Grab ride mo
Ba’t ba kasi ako nagbook agad agad eh pumipila pa lang ako sa elevator
Pag tumawag na si kuya Grab driver, sasabihin ko kunwari
“Kuya andito na ba kayo, teka, hinahanap ko kayo eh, dito na me sa baba naglalalakad-lakad”
Sinungaling, nasa 12th floor ka pa lang eh
Namiss ko yung jackpot moment na bakante yung tabi ng tsuper
Yung nagmamadali kang targetin yung upuan sa harap ng jeep
Pero pag may sumunod sayong isa pang pasahero, mapapagitnaan ka tuloy…tsk…bad trip
Umiinit ang pwet at singit
Tas nacoconscious ka pag kumambyo yung driver…oh no
O kaya minsan mas safe na kunin mo na lang yung upuan sa likod, sa dulo
Mahangin, walang sagabal…madaling mag 1–2–3, takbo…biro lang
Pero kung ikaw naman ay napadpad sa gitna
Usog ka lang
Usog pa
Konting usog pa
Sige pa, usog pa
Oh di ba napunasan na ng pwet mo yung buong seat
Kahit papaano, nakakamiss yung pinasakay ka pa rin ng barker kahit siksikan na pala
Sige lang, push lang, di tayo rich kid
Iayos mo ang pag upo at siguraduhin mong alternate ang position ng mga tao
In out…in out..in out
Konting kembot dito, tas pag lumuwag luwag, ianggulo mo lang ng konti ang katawan, idikit ang balikat sa sandalan until you can finally feel yung hanging magpapatuyo sa iyong baskil
Aaaah…
Ay pweh buhok mo ate!
Namiss ko yung medyo bastusang galawan pag nagaantay ng taxi
Yung may kakompitensya ka sa gilid ng lansangan
Kanina nasa likod mo lang sya, aba pasimple ka pang inunahan
At bulaga, nasa harap mo na sya, iwinagawayway ang kamay, deadma deadmahan
Hayup ka, mauunahan mo pa talaga ako, kapaaaal
Namiss ko yung Deal or No Deal moment pag nangongontrata si kuya taxi driver
Yung simpleng pag-angat ng aking kilay, pagkunot ng aking noo, at pagtaas ng aking boses
Mga senyales na di ako mag-yeyes sa shameless na pagpatong sa pamasahe
Tigas ng mukha
Aba’y wala akong masabe, kala mo naman kagandahan ang taxi
At dahil ma-pride akong tao, bago ko ihampas ang pinto
Magtethreaten ako, “Ano bang plate number mo?”
At habang humarurot paalis ang tanging taxing nakita sa loob 30 minuto
Maiiwan ako dun sa kanto, pawisan, nakatayo, nangangawit, #NoRegrets
Lubos kong namiss yung mala-exodus na pagsakay sa mga bus
O diyos ko, heto na naman tayo
Yung dagat ng mga taong nagbabalyawan makasakay lang
Ilagay ang ang bag sa harap, kapkapin ang bulsa, at sabay pigil hininga
Kaya pa
Kaya pa hmmp
Punta lang po ako sa likod kaya pa
Pakitaas po yung bag, tatawid lang hmmmp
Teka yung binti ko, namamanhid na ata
Yung mga times na nagbayad ka ng pamasahe pero wala pang binigay na sukli
Di ka tuloy mapakali
Nakatitig ka lang sa konduktor
Di mo ko maloloko…di mo ko maloloko…di ko maloloko
Sukli ko po!
Can’t believe it, pero nakakamiss rin pala ang paunahan at sagupaan sa MRT
Yung pag bukas ng pinto ay para tayong mga naglalakad na mga penguin
Habang laging may Ivy Aguas na pasahero na sisigaw ng “Sandale! May lalabas pa eh!”
‘Pag pasok, titingala ka na lang para makalanghap ng oxygen
At syempre, makakalimutan ko ba naman yung mahaba habang hintayan sa station ng UV Express
In fairness, gusto ko ulit maexperience yung pipilla na parang larong Snake lang yung galawan
Yung unang tingin mo pa lang, tinatantya mo na kung pang-ilang batch ka ng passengers makakasakay
Magiging okay ba yung spot mo?
Sa may pinto?
Sa may likod?
Sa tapat ng aircon?
Anong oras kaya ako makakauwi?
Namimiss kong bumyahe
Namimiss kong gumalaw
Namimiss ko lang naman lumibot
At kahit papano namimiss kong maligaw ah
Kay tagal ko nang nababagot sa apat na sulok ng aking kwarto
Di ko naman akalaing aabot ng ganito
Namimiss kong bumyahe
Namimiss kong makabuo ng kwento
At oo, oo, namimiss ko rin yung chismisan ng katabi ko
Huh?
Talaga?
Di ngaaaa?
Namimiss ko yung mga pang-araw araw na buhay na nakikita ko mula sa bintana ng sinasakyan ko
Kasi sa ngayon, halos parehas na lang yung eksena sa bintana ng aking kwarto
Haaaay…
Namimiss ko ang mga pandiwang parte ng pang-araw araw na byahe
Angkas
Kandong
Talon
Kapit
Singit
Tabe!
Nakalimutan na ata ng dila ko kung ano ba tong mga ‘to
Namimiss kong bumyahe
Tagal pa ba? Anong petsa na?
Pero malapit na malapit na yun, no?
Aangkas
Kakandong
Tatalon
Kakapit
Sisingit
At magtatabi tayo ulit!
This is best appreciated as a dramatic monologue, giving people an audio experience of consumption.
Andrew Beso is a Manila-based content creator who is exploring different ways of sharing art — whether it be written, spoken, and visualized. Aside from being in Medium, his work can also be seen on Youtube, Instagram, and Tiktok.
He is using his undergraduate and master’s degree in Economics and Political Economy, respectively, in discussing social issues through creative expressions.
This article is published by Pluma Manila, a Creative Platform for Everything Filipino. If you’re Filipino or Pinoy at heart, Be part of our team and share your craft with us. Maraming Salamat!
Write for us! Send us an Email: plumamanila@gmail.com