Apatnapung Taludtod Para Kay Selya
Ikaw si Laura, Ako si Florante
MAKATA
1
Bayaang sumabay ang lira sa himig,
ang tinta’t daliri sa saliw ng dibdib;
bigkasin, sambitin, anuman ang ibig,
hawiin ang harang sa lupalop na liblib.
2
Yaring pagpapanday niring mga titik,
biyaya’t kaloob ng Amang nasa langit.
Salamat at papuri sa ganiring pag-imik.
Tunay na Dakila’t sa lahat ay higit!
MAGSASAKA
3
Ma’ari bang mahiram kahit ang isang tainga?
O ‘di kaya’y lalong wasto kung ang isang mata?
Pakinggan, basahin, ang konseho ng mga letra —
wikang pinanday para sa iyo, Selya.
4
Ikaw na s’yang bumihag sa pihikang pag-iisip,
sa lupon ng kadalagaha’y naiiba ang tindig;
sa malawakang tumpuka’y malayong ‘di mahagip,
ng paninging lumiligid sa paghahanap ng hilig.
MAKATA
5
Magunita pa kaya ang kamakailang kaganapan?
Nang sa Dagat Egeo, kalapati’y pinawalan?
Pagaspas at sigla’y s’yang naulinigan!
Aligid ng aligid sa ibabaw ng katubigan.
MAGSASAKA
6
Lingon, lingon, sa parito’t paroon;
tuklasin ang hiwaga ng nagbabagong panahon,
liriko, kasaysayan, at dunong sa balumbon,
s’yang naging libangan at walang humpay na nilipon.
7
Inilatag sa Hilaga ang handog na buháy.
Nakinig sa Silangang may pundasyong matibay.
Sa Kanluran ipinasa ang pag-asa at kulay.
Niláyong isaayos yaring búhay-patnubay.
MAKATA
8
Ilang pito lamang ang lumipas at muling tinanaw —
puting ibon sa kawalan — ngayon ay nasaan?
Nasaan? Nasaan? At natagpuan sa ibabaw,
ng Punong Oliba ng pambihirang mamamayan.
MAGSASAKA
9
Lumikha ng himig ang sipol ng bibig…
anong hiwaga ang bumalot sa pagbabago ng tinig?
Anu-ano’y ‘di mabuwal yaring bagong tindig?!
Kapansin-pansing disiplina sa ngayong sigasig!
MAKATA
10
Hinayaang mamugad samantalang nagmamasid.
Awit ay itinitik at larawa’y iginuhit.
Bayaang maging dalisay at walang anong bahid,
ang pagtinging mula sa kanyang dakong nakapikit.
See spoken poem on Youtube: https://youtu.be/YSP0EPP0y7Y
This article is published by Pluma Manila, a Creative Platform for Everything Filipino. If you’re Filipino or Pinoy at heart, Be part of our team and share your craft with us. Maraming Salamat!
Write for us! Send us an Email: plumamanila@gmail.com