BALIKWAS, BULALO AT IBA PANG KA-SHITAN
Pasilip sa Ako at ang Panahon Atbpng Hindi Ma-chika sa Personal
“Traydor ang memory, selective, may pinipili at may binibitawan.”
Ito ang sabi ng isang propesor tungkol sa pagsulat ng personal essay. Napaisip ako. Mukhang totoo. Hindi sadya ay nakakagawa tayo ng sarili nating alaala para maalala ang mga alaalang nakalimutan na. Katulad ngayon, pinaaalala sa ‘kin ng Facebook “memories” ang litrato naming dalawa ni Arlene na magkayakap habang nakatapak ang mga paa sa naghahalikang dagat at buhangin. Ang totoo, ‘di ko na maalala ang mga ginawa namin sa litrato, ngunit ang pakiramdam at emosyon ay lasang-lasa ko pa rin hanggang ngayon. Nanunuot sa aking dila ang katas ng buto at laman ng baka, ang tamis ng mais na kumakarera sa mga sumisipang lasa ng green beans, cabbage at aroma ng sibuyas. Dahil dito, may kumakawalang maliliit na dagitab patungo sa ‘king utak.
Pero sino kaya ang unang nakaalala sa mainit na sabaw ng bulalo, ang utak o ang dila?
Hindi na siguro mahalaga. Hindi na rin mahalaga kung ba’t bulalo imbes dagat ang bulong ng aking temporal lobe sa nakitang litrato. Ang mahalaga, mayroon akong naaalala. Tinawag namin ‘to ni Arlene na balikwas — to turn suddenly to the opposite side.
Pagliko: Ang hindi pagsunod sa agos.
Gabi. Hindi ko na maalala ang petsa. Niyaya ko si Arlene na umupo sa loob ng 7-Eleven. Pagkaupo naming dalawa ay inabot ko ang kanyang kamay, tinanong niya ko, “Babe are you okay?”
Siguro pansin niya ang kanina ko pang katamlayan. Sumagot ako, pakamot-kamot ng ulo, “Tinatamad akong pumasok . . . Binisita ako ng katam — ”
Mabilis niyang pinalo ang aking balikat, “Tangek! we need to go. Bilisan natin baka ma-late tayo.”
Tumayo siya, hindi ako tumayo. Kinalabit niya ko sa braso, kumunot ang boses, “Ano na? Let’s go!”
Hindi ko sigurado kung katam nga ba ang nararamdaman ko o may iba pa. ‘Di kaya depress ako? Paano ko malalaman ang pakiramdam ng depress kung hindi ko pa ‘to naramdaman. Baka exhausted lang dahil sa tambak na trabaho sa opisina. Buntong-hininga.
Out of nowhere, sabi ko, gusto kong pumunta ng Tagaytay.
Dugtong ko pa: “Nalulungkot ako babe, ‘di ko alam”
Napabalik siya sa pagkakaupo. Walang nagsasalita sa aming dalawa. Tunog lang ng cashier, bukas-sara-bukas-sara. Hanggang, “Okay, Aljo. If you really want to go there, then let’s go.”
Agad kaming lumabas at sumakay ng bus na may signage na Tagaytay. Maluwag ang loob ng bus kaya’t madali kaming nakaupo. Malakas din ang buga ng aircon na tila sinasanay ang aming balat sa lamig na pupuntahan. Agad kong pinasuot kay Arlene ang dala kong jacket. Wala siyang dalang jacket at palagi niya ‘tong iniiwan sa kanyang station. Hindi raw kasi bagay sa suot-suot niyang shoulder bag.
Biniro ko siya, “Yakapin mo ko ha para ‘di ako lamigin.”
Malambing akong binatukan, sabay yakap, nagtanong, “Why Tagaytay?”
Actually hindi ko rin alam ba’t Tagaytay. Siguro dahil ito ang mini-Baguio; stress free, at malapit kung saan kami nakatira. Ngunit ‘di talaga ‘to ang gusto ko. Ang gusto ko talagang mangyari sasakay kami sa unang bus o jeep na aming makikita, bababa at sasakay ulit, paulit-ulit, hanggang makarating kami sa kung saan. Kaso walang bawian, touch move, nasabi ko na ang Tagaytay.
Pagbaba ng bus, nagtanong kami kung saan ang Bulalo Point. Ito kasi ang sinabi sa ‘min ng konduktor na masarap na kainan ng bulalo.
Madali naman kaming sinagot ng mga traysikel drayber, “Ay sarado na ang Bulalo Point. Wala nang bukas, alas dose na.”
Pumadyak naman ang isa at gumaralgal ang kanyang motor, “Sakay kayo sa ‘ken, maghanap tayo ng bukas.”
Sumingit naman ang isang nakatayo at nagturo, “Diyan oh sa kanto, lakad kayo, may restawrant d’yan, may tinda atang bulalo.”
Hindi naging mahirap sa ‘min hanapin ang resto. Sinundan lang namin ang boses ng babaeng kumakanta sa videoke. Pagdating namin, “Ser sorry po, ubos na kanina pa.” Natawa kami ni Arlene. Kung ‘di kami makakakain ng bulalo ay parang hindi na rin kami nakapunta ng Tagaytay. Ang bulalo at ang Tagaytay ay iisa.
Noong minsan pumunta ako ng Iloilo ay natikman ko ang kanilang Kansi. Ang kansi ay ang anak ng nag-torjakang sinigang at bulalo. Hinahaluan ito ng batwan, isang prutas na may kakaibang asim na may katulad sa sampalok. Sinasamahan din ito ng hilaw na langka.
Sa Cebu naman ay may sarili din silang bersyon, tinawag nila itong Pocherong Bisaya. Una ko ‘tong natikman nang dumalaw ang tita kong chef sa bahay namin sa kabite. Kung makikita mo ang putahe, parehas na parehas ang itsura sa kinalakihan nating bulalo. Ang pagkakaiba lang ay mga sahog nito, may kasama kasi ‘tong saba at labong na nagbibigay ng kakaibang lasa. Parang nag-uupakan ang tamis ng saba at linamnam ng labong. Sa Batangas naman ang pinaka-simple, parang lalaking nakasuot ng tsinelas pupuntang BGC. Pero ayon sa sabi-sabi ang Batangas daw ang may pinakamaraming bersyon ng bulalo. Hindi pumayag ang mga taga-Tagaytay, sila raw ang may pinakamarami. Sa isang kainan sa Tagaytay mayroon silang tatlumpu’t tatlong klase ng bulalo. Dalawa sa mga sikat nila ay ang Inubehang Bulalo (bulalong pinakuluan sa ube) at Dragon Bulalo, spicy na may halong dragon fruit o mas kilalang dragonprutan ng mga Caingin Bulacan.
May dalawang bersyon kung paano nagkaroon ng bulalo sa Tagaytay. Una, sa Batangas daw nag-originate ang bulalo bago dinala-niyakap ng mga taga-Tagaytay. Pangalawa, dito mismo sa Tagaytay ang unang bulalo dahil sa kabuhayan ng mga taga rito. Bago pa man kasi ito maging pangalawang summer capital ng bansa ay pagsasaka ang una nilang pinagkakaabalahan. Dito itinatanim ang mga piña, saging, kape, cacao, camote, cassava at kung ano pang gulay at prutas. Kasama rin sa kanila ang pag-aalaga ng hayop lalong-lalo na ang baka pero ‘di para for mass consumption. Ito’y para makatulong sa pagsasaka at main source ng gatas. Hindi sila basta-basta nagkakatay ng baka. Sabi nga ni Maguelonne Toussaint-Samat sa kanyang librong A History of Food, “An animal was not slaughtered until it was fit for nothing else.”
Inisip ko rin dati, ga’no kaya karaming baka ang kinakatay sa Tagaytay araw-araw para punan ang gutom na mga tiyan. Siguro higit isanlibo kada araw. Hindi kaya magalit ang PETA?
Sa pagpapatuloy, kesa madismaya ay umorder na lang kami ng alak at sisig. Sound trip namin ang babaeng kanina pa bumibidyoke sa stage. Pagkatapos niyang kumanta ng “Close To You” ng Carpenters ay pinalakpakan siya ng mga tao. Ito ang last song niya ngayong gabi. Sa aming dalawa ni Arlene, ito pa lang ang simula.
Marahang nilagyan ni Arlene ng yelo at beer ang aking baso. Tinanong niya ‘ko, “Miss your band?”
“Hindi naman, matatanda na kami Babe. Nasa ibang bansa na sila.”
Nanghuhuli. Hinuhuli niya ‘ko. Hinuhuli kung bakit ako nalulungkot. Hindi naman niya ko tinanong nang diretso. Siguro, naiilang. ‘Di niya alam kung pa’no iha-handle ang topic. Kung sakaling tanungin man niya ko, ‘di ko rin siya mabibigyan ng malinaw na sagot.
Iniba ko ang usapan, “Sayang babe no gabi tayo nagpunta ‘di natin makikita ang Taal, masarap pa naman mag pikyur-piktyur.”
Ngumiti siya. “Next time babe.”
Sinundutan ko, “Hindi mo ba alam Babe na ang Taal ay ‘di parte ng Tagaytay — parte ‘to ng Batangas.”
Kumusot ang mukha niya, “No way!”
Ngumisi ako, “Totoo nga!”
Nagtalo kaming dalawa na palagi rin naman naming ginagawa. Minsan nagtatalo kami kung may Diyos ba o wala, minsan, totoo ba ang mga aliens? Ang malala ay kung totoo ba ang mga aswang?
Ang ayaw ko kay Arlene ay tuwing nagkukwento ako at ‘di siya naniniwala. Kailangan ko pang sabihin kung sinong Poncio Pilato ko na-bluetooth ang kwento. Siguro ‘di ako kapanipaniwala magkwento. Dagdag ko pa nga sa kanya na ang nakikita nating bunganga ay isa lang sa maraming bulkan ng taal. Kaya pasalamat tayo at palagi silang kalmado. Kung nagkataon tsk patay na. May isa pa ngang kwento, tungkol sa Tagaytay ridge. Ito raw ay parte ng isang bunganga ng isang matandang bulkan. Nasira ito ilan taon nang nakakaraan. Sa loob ng nasirang bulkan ay ang Taal lake at Taal volcano na kung iisipin, tang’na, ang buong Tagaytay ay ang mismong bulkan. Nagtalo kaming dalawa hanggang nakaubos kami ng isang bucket ng beer. At dahil pilyo ako nakipagpustahan ako sa kanya. Kung ang Taal ba ay parte ng Tagaytay o ng Batangas. Dapat may consequence. Binulong ko sa kanya ang consequence. Tatawa-tawa niya kong pinalo, “Ang bastos mo!”
Sumenyas ako sa waiter para mag-bill out. Agad namang lumapit ang waiter, sabi ko, “Kuya, ang Taal ba ay Batangas o Tagaytay Kabite?”
“Batangas po.”
Kumindat ako kay Arlene bago mag-abot ng bayad. Kinurot naman niya ko sa tagiliran.
Paglabas ng resto ay binalaan kami ng waiter. Wala raw dumadaan na bus sa gan’tong oras. Ito ngayon ang problema namin ni Arlene. Mahihirapan kaming umuwi dahil walang nabyaheng bus ‘pag madaling araw. Kaya tumambay muna kami sa Angel’s Burger.
Ramdam ko ang lamig. Ang ginaw. Mahigpit akong niyakap ni Arlene. Dito na lang daw kami matulog, maghanap na lang kami ng motel. Ang kaso, walang Sogo, Victoria Court o Mahal Kita sa Tagaytay. Mahal ang mga kwarto ng mga hotels dito, hirap ding maghanap ng ATM machine. Kako, subukan naming bumalilk sa mga nakausap na traysikel drayber kung may alam silang murang matutuluyan. Inawat ako ni Arlene, mamaya na raw, kumain na muna kami.
Nag joke ako, “Sa unang kagat tinapay lahat!”
Narinig ng babae habang naglalagay ng patties sa grill. Ngumiti. Dinilatan naman ako ni Arlene.
Habang naghihintay ng aming order. Naikwento sa ‘kin ni Arlene ang kanyang childhood sa Tagaytay. Madalas daw silang nakain sa Mushroom Burger. Masarap at hindi mo aakalaing mushroom ang laman. Pinakita pa sa kanila ng may-ari kung sa’n pinapatubo ang mga mushrooms. Gusto niyang ipatikim sa ‘kin. Kain raw kami bago umuwi. Umuo ako.
“Ikaw babe, what’s your Tagaytay experience?”
Simula nang nagsinungaling ako kay Arlene na muntik maging dahilan ng aming paghihiwalay ‘di na ko muling nagsinungaling. Sinasagot ko na siya nang diretso.
Three years ago, bago kami nagkakilala ni Arlene, nagpunta na rin ako ng Tagaytay. Ito ang una kong punta. Nakakaloko nga dahil kahit sa Cavite City ako pinanganak at nagkabulbol sa Dasma ay ‘di pa nakakatapak sa Tagaytay. Kasama ko noon si Jamina. Nakilala ko nang minsang nai-table ko siya sa isang bar sa Las Piñas. Dahil malapit na rin siyang mag-out pumayag siyang sumama. Wasak ako nung panahon na yun. Kakahiwalay ko lang kay Yna, ex ko sa dating callcenter na pinagtatrabahuan sa MOA. Alam ko naman nung una na may asawa siya, seaman, may anak sila, pero marupok e nainlab. Nang bumaba ang asawa niya sa barko hininto niya ang lahat nang mayro’n kami. Nagpakawasak ako. Lasing araw-araw. Hindi pumapasok. Awol. Mabuti nga’t nakuha ko pa ang thirteenth month pay ko. Kung ‘di ko nakuha malamang ‘di kami makakagala ni Jamina.
Umakyat kami sa Palace In the Sky. Akala namin nasa maling lugar kami dahil sa pangalang nakalagay sa labas, “People’s Park In The Sky,” na pala ang bagong name nito.
Nauuna ako ng lakad, hihinto, hihintayin ko si Jamina, sa katagalan maghahawak kamay kaming dalawa, hanggang yayakap siya sa ‘king braso, mahihiya ako, pakiramdam ko pinagtitinginan kaming dalawa. Siguro nga, ‘di lang naman kasi sa patay sinding ilaw maganda si Jamina, kahit sa liwanag kapansin-pansin ang kinis niyang morena, ang singkit niyang mata, ang hapit niyang boobs, ang balingkinitan niyang katawan. Palaisipan, sa’n niya tinago ang alak na ininom niya kanina?
Nagtanong ako, “Bakit ka sumama?”
“Mabait ka, nakakatawa, tapos nakakaawa.”
Napahinto, “Akala ko sumama ka kasi type mo ko.”
Sinagot niya ko ng tawa.
Habang papalapit kami nang palapit sa palace ay paganda nang paganda ang view, palamig nang palamig ang temperatura at pakapit nang pakapit ang yakap niya.
Sa isang tourist guide ko nalaman na gawa pala ‘to noong panahon ni Marcos. Ginawa para sa bibisitang US President Ronald Reagan. Nasagot din ang tanong kung bakit ‘di tapos ang lugar. Umatras pala si Reagan at kinansel ang visit. Imbes na visit naging buwiset! Take note, buwis natin ang pinagawa nito. Ito nga raw ang magandang halimbawa ng pagka-edifice complex ng mag-asawa.
Sa tourist guide ko rin nalaman ang ambag ng Tagaytay sa Philippines Revolution. Dito pala tumatawid at nagtatago ang mga katipunero ng Batangas, Laguna, Amadeo, Gen. Trias, Silang, Dasmariñas, Mendez, Indang at iba pang kalapit probinsya. Tinawag nila ‘tong “Mananagaytay” na ibig sabihin ay pagbagtas sa Tagaytay. Pagdating naman ng World War II ay dito ibinabagsak ng 511th Parachute Infantry Regiment US Army ang mga supplies at dagdag pwersa laban sa mga Hapon. Na naging key factor pa nga para mabawi ang Maynila.
Habang tinutuloy ko ang kwento pasama nang pasama ang mukha ni Arlene. Binato niya ko ng burger sa mukha. Nagulat ako. Tumayo siya at iniwan akong nakaupo sa Angel’s burger. Hinabol ko siya, “Ui, ano ba, nagkukwento ako, nagagalit ka.”
“Ba’t ngayon ko lang nalaman yung Jamina?”
Hinawakan ko siya, “Ngayon ko lang kasi naalala, kung ‘di mo naman tinanong ‘di ko maaalala, tska dumaan lang yun, matagal na.”
“Ah, kasalanan ko pa?”
“Hindi, ganun Babe — ”
“Pathological liar ka talaga!”
Nurse si Arlene. Kahit ‘di ko alam ang definition ng pathological liar, naiintindihan ko ang gusto niyang sabihin. Lalo pa niyang binilisan ang lakad hanggang makarating sa terminal ng traysikel. Sumakay siya. Nataranta ako. Tumakbo ako at dagling pumasok sa loob ng traysikel.
“Sa’n po tayo?” tanong ng drayber.
Hindi sumagot si Arlene. Ako na ang kumausap sa drayber, “Kuya may alam ka ba pwdeng matulugan, yung mura, wala kasi kaming makita.”
Pinaandar ni Manong ang traysikel at niliko kami sa madilim na bahagi ng Tagaytay. Tahimik ang lugar, ingay ng motor ang nangingibabaw. Nakikiramdam ako. Baka kung saan kami dalhin ng drayber. Huminto siya. Pinatay ang makina. Napalitan ng tahol ng aso ang garalgal niyang motor. Saglit lang daw at tatawagin niya pinsan niya. Gusto ko nang ayain si Arlene tumakbo pero saan naman kami tatakbo hindi namin alam ang daan palabas. Buwan lang ang liwanag.
“Ang creepy, where is this?” si Arlene habang nakahawak sa braso ko.
“Ingles-ingles ka pa diyan, baka kidnapin tayo dito.”
“Gago ka, magbiro ka pa d’yan.”
Dumating si Manong kasama ang isa pang lalaki na may hawak na flashlight. Bumaba ako at pumwesto sa likod ko si Arlene. Kinausap ako ng lalaki na may hawak na flashlight. Kinukusot-kusot pa nito ang mata, “Sir dito po tayo.”
Sumingit si Manong drayber, “Pinsan ko yan sir, may mga kubo sila diyan sa likod.”
Pagkatapos kong mag-abot ng isandaan sinundan namin ang may hawak na flashlight. Tumambad sa ‘min ang magkakatabing kubo. Binuksan niya ang pinto ng isa at pinapasok kami, “Wala po ‘tong aircon sir pero may electric fan,” binuksan niya ang ilaw at tinuro ang banyo at TV sa gilid. Nagsindi siya ng katol at nilapag sa paanan ng kama, “Bukas na lang po kayo magbayad.” saka umalis.
Nilibot ko ang mata sa loob ng kubo. Gawa sa kawayan ang kama. Hindi malambot gaya ng mga kama sa hotel. Hindi rin gan’on kalaki. Tama lang para sa aming dalawa. Ang bintana, hindi salamin, gawa sa kahoy, kapag sinara hindi mo makikita ang labas.
Si Arlene, inunahan na kong humiga, nakadapa, nagtatampo. Sumunod ako at ginapang ang kamay sa kanyang beywang, “Alam mo babe simula nang kinasal tayo, ‘di pa tayo nag-honeymoon, diretso trabaho, baka ‘to na ang honeymoon natin . . . “
Naramdaman ko ang kilig niya. Bumulong ako, pinaalala ang consequence.
Umaga. Niyaya ko si Arlene kumain sa Mushroom Burger. Sabi ko lakarin na lang namin para exercise na rin. Pagdating namin ay parang batang nagkwento si Arlene. Tinuro niya ang playground kung saan siya palaging naglalaro. Ang swing, ang seasaw, ang slide.
Hinanap din niya ang maliit na kwarto kung sa’n pinalalaki ang mga mushrooms, “It’s not here na Babe, sayang,” napalitan ng mga upuan at lamesa.
Kwento niya, yung mga gamit daw dito ay mga pinaglumaang gamit ng Jollibee. Kung papansinin ang style ng mga upuan, lamesa at mga lalagyanan ay mararamdaman ang Jollibee 70’s vibes. Namangha ako, oo nga, may pagka-old Jollibee style. Pa’no naman ang burger, lasang Jollibee din ba? Umorder ako ng Mushroom Sandwich, no meat. Ito ang full mushroom burger nila. Yung ibang burger 50% mushroom at 50% beef. Kumagat ako. Parang kinukurot-kurot ng alat at tamis ang aking dila. Habang ngumunguya sumusuntok-suntok sa ‘kin ang katas ng mushroom. Lunok. Lito. Mushroom nga ba ‘tong kinakain ko?
“I told yah!” usal niya.
Gumaan ang pakiramdam ko. Pinaalala ko kay Arlene ang plano namin mag-batangas. Niyaya ko siya pumunta sa Munting Buhangin. Matagal na kasi naming plano mag-beach camp dun kaso palaging nauunsyame. Sabi ko, mag-stay kami kahit hanggang hapon. Tamang-tama naman na may dumadaang dyip papuntang Batangas. Pagdating namin ay agad kaming bumili ng damit sa bangketa. Lagkit na lagkit kami sa mga suot namin.
Pagpasok ng beach camp bigla ‘kong nadismaya. Ang daming tao, ang ingay, ‘di gaya nang nakita namin sa internet na calm parang virgin Island. Umayaw kami ni Arlene. Hindi na kami nag-rent ng tent. Entrance fee lang ang binayad namin. Naglakad-lakad na lang kami malapit sa dagat, kumain ng halo-halo, kumuha ng mga litrato, nakinig ng mga reggae music na pinatutugtog sa Henna Shop at umupo malapit sa bangka. Tumitig sa naglalakad na aso at mga batang naghahabulan. Sa isip ko, ito ang buhay. Pagod siguro ko sa araw-araw na trabaho. Yung paulit-ulit ang cycle naming mag-asawa. Atleast, ngayon, nag-iba kahit papaano. Nakatanga kaming dalawa. Walang bibig na bubumuka.
Bumalik kami ng Tagaytay. Pakiramdam ko nag-traverse din kami katulad ng mga katipunero. Hapong-hapo ang aming mga katawan. Tinapos namin ang araw sa mainit na sabaw ng bulalo. Hindi masyadong kilala ang kainan. Hindi ko na nga matandaan ang pangalan. Basta ang naalala ko tatlong magkakadikit na kainan ang aming pinuntahan dun kami kumain sa gitna. May pakiramdam nga ko na iisa lang ang may-ari at iniba-iba lang ang pangalan.
Sa wakas, sabi ko, kumikinang-kinang ang katas ng baka sa umuusok na sabaw. Humigop ako. Kinilig.
“Masaya ka naman ba?” tanong ni Arlene.
Inubos ko muna ang laman sa bibig bago sumagot, “Naman!” dinugtungan niya, “What if, ituloy natin ‘to hanggang Quezon Province,” natawa ko. Okay lang naman mawala basta’t kasama ang taong mahal mo.
This article is published by Pluma Manila, a Creative Platform for Everything Filipino. If you’re Filipino or Pinoy at heart, Be part of our team and share your craft with us. Maraming Salamat!
Write for us! Send us an Email: plumamanila@gmail.com