Hanggang Kailan Mananahimik ang Bayan ni Juan?
Ilang posisyon na nakatataas ang pinag-aagawan,
Bitbit ang kanya-kanyang platapormang walang sawang pinangangalandakan,
Animo’y mga bayaning tulad ni Gat Jose Rizal na aako sa tinubuang bayan,
Suntok sa buwan mga pangako’y na sa upuan na lamang ibabaon,
Ugat ng puno ay siya sanang pupunuin ng sustansya sa pagkakataon,
Rurok ng Pilipinas sa kalayaan kailan ba makakamit?
Ang daming sagutan, ngunit dinadaan lamang sa busina ng gitgitan at palakasan.
Tama ba ang tuldukan ang boses ng karamihan?
Ekidad at katarungan, patuloy pa rin bang namamahinga sa lambot ng unan?
Rehas ng kasuklaman, hanggang kailan mamamayani sa mapanamantala?
Rematsado ng paniniil at pangingimbulo, kaya pa bang tapusin?
Obras-publikas, nasaan na ang mga ginintuang panata't tipan? Nasaan na?
Reberendong pinakamamahal kong perlas ng sinilangan, tayo pa nga ba'y independiyente?
Lamparang unang sinindihan ay muling paningasin at dibuho ng oskuridad sabay-sabay wakasan,
Alab at silakbo ng ating pagka-Pilipino'y huwag talikdan,
Wagayway ang sariling bandera, hamukin ang mapaniil.
This article is published by Pluma Manila, a Creative Platform for Everything Filipino. If you’re Filipino or Pinoy at heart, Be part of our team and share your craft with us. Maraming Salamat!
Write for us! Send us an Email: plumamanila@gmail.com