Hindi “Nanlaban” ang Kanilang Pangalan

kalahatingpapel
Pluma Manila
Published in
1 min readSep 23, 2020
Photo by Romeo Ranoco via ABS-CBN News

Nagluluksa ang kalendaryo taon-taon.
Hindi lamang para sa mga biktima
ng mga ligaw na bala.
Kundi para sa kaligtasan na lumuluhod,
pinasusubsob ng mga mga kamay
na hindi nangangapa kung
may droga ang bulsa
basta mayroon basta butas.

Hindi kayang aluin ng hukuman ang pagluluksa;
Tatangis ito kahit wala nang baril
ang kumalabit ng gatilyo.
Paglalamayan nito ang mga nakikiramay
Hangga’t nagkakape ang hibang sa pamamaslang,
Hangga’t ang abuloy ay mga pagbabanta,
Hangga’t ang ipinapangalan sa inosente ay Nanlaban.

Magluluksa ang kalendaryo taon-taon,
Hangga’t may mga Kian Delos Santos
na ang mga huling salita
ay hindi dapat huling habilin.

This article is published by Pluma Manila, a Creative Platform for Everything Filipino. If you’re Filipino or Pinoy at heart, Be part of our team and share your craft with us. Maraming Salamat!

Write for us! Send us an Email: plumamanila@gmail.com

--

--

kalahatingpapel
Pluma Manila

sinisikap lumingon sa kaliwa't kanan, loob at labas, ibaba't itaas, at layo't lapit ng tanawin