Photo from Pinterest

Iyak ng Kahapon

hannahwrites
Pluma Manila
Published in
2 min readJul 3, 2020

--

Naririto nanaman ako,
nagninilay-nilay,
nag-iisip ng kung ano-ano
Nagwawari kung itutuloy ko pa ba ang kwento,
Ang kwento ng ating natatanging tadhana at ang pagsuko nito.

Iilang pahina na lang sana ang ati'y sasariwain
Mga pahinang pupunuin ng mga mga katagang "mahal kita",
akda nating dalawa,
kirot at galak ng isa't isa,
at higit sa lahat,
ang mga matatamis na alaala.

Ngunit, ang iilang pahina na iyon ay hindi ko na ulit nanaisin,
Nanaising balikan pa muli,
Nanaising sariwain ang bukod tangi,
Nanaising ipaglaban ang bawat katagang ati'y isinulat.

Sapagkat, ang kwento nating dalawa,
ay nagtapos sa paglubog ng araw,
kinitil ng buhay,
nawalang pagmamahal,
naluluoy na bulaklak,
na hindi na muling mananatili,
mawawasak,
mawawalan ng init,
at paglaho ng iyak ng kahapon.

Totoong sisikat na naman ang araw sa silangan,
mga bulaklak ay mapapalitan ng bagong usbong,
pag-ibig nating hahalinhan ng ibang pag-ibig,
ngunit hindi ng dating araw,
hindi na ang dating bulaklak,
hindi na ang dating pagmamahal,
ang mga maiinit na araw ay may katapusan.

Marahil, ang tadhana na rin ang sumuko
nawalan ng init ang ating kwento,
dahilan ay hindi pagkakaunawaan,
nakakalungkot,
nakapanlulumo,
masakit, sobrang sakit,
ngunit ano nga bang magagawa ko?
Tadhana na natin ang siyang sumuko.

Sa mga nalalabing pahina,
ay isusulat ko,
isusulat ko ang lungkot,
ang hapdi at kirot,
ang sakit,
galit,
ang paghihirap ng aking pagtanggap.

Gagamitin ang nalalabing tinta,
kasabay ng pag-agos ng mga luha,
ipapahayag ang lahat ng nadarama,
ating alaala,
alaalang nabuo at waksi ang kahapon,
kahapong hindi na magbabalik,
kahapong napagod sa pagbuo ng bawat bukas,
at ito'y isasara.

Muling magsisimula
Sa unang pahina
panibagong yugto,
ng aking kwento.

This article is published by Pluma Manila, a Creative Platform for Everything Filipino. If you’re Filipino or Pinoy at heart, Be part of our team and share your craft with us. Maraming Salamat!

Write for us! Send us an Email: plumamanila@gmail.com

--

--