KALAGAYAN NG FILIPINO SA KURÍKULÚM NG EDUKASYON

Roger A. Pautan, Jr.
Pluma Manila
Published in
2 min readFeb 8, 2023
Philippine Flag photo by Unsplash

“ANG LARANG FILIPINO AY HINDI OPSIYONAL!”

Walang makalilimot sa taong 2013. Sa taong ito inilabas ang Commission on Higher Education (CHED) Memorandum Order № 20 Series of 2013 na nagtatanggal sa Larang Filipino, Panitikan at Konstitusyon sa kuríkulúm ng kolehiyo.

Ang masaklap ay ang mismong nagtanggal pa ay ang komisyon sa edukasyon; ang inaasahang instrumento nang matanto ang itinatag at patuloy na itinatatag na pagsusumikap ng mga nagdaan at kasalukuyang mga dalubwika upang higit na paigtingin ang ating identidad, ang pagka-Pilipino sa pamamagitan ng Wikang Filipino.

Sa opisyal na lathala ng memorandum na may paksang “General Education Curriculum: Holistic Understanding, Intellectual and Civic Competencies”, hindi makita o mabanaag man lang ang mga salitang Wikang Filipino, maliban sa dalawang pagbanggit sa kuríkulúm pansekundarya. Ang General Education ay ang pangkalahatang edukasyon na bahagi ng kuríkulúm na karaniwan sa lahat ng undergraduate na magaaral ano pa man ang kanilang medyor.

Sa madaling sabi, wala na ang asignaturang Filipino sa General Education. Ang posisyon naman ng CHED hinggil dito ay ang hindi umano usapin ng balarila, sintaks, at tanging pagsama lamang ng wika ang mahalaga sa ibang disiplina, dahil ito ay ginagamit na nang karamihan. Ang pag-integrar sa Wika sa ibang disiplina ay mahalaga dátapwát, hindi ito dahilan upang kitilin na ang Filipino sa kuríkulúm at maging opsiyonal na lamang ito kung gagamitin sa ibang disiplina o hindi.

Taliwas ito sa mga pangunahing layon ng General Education. Ang matamo ng mga mag-aaral ang:

  • kakayahan sa intelektuwal tulad ng kritikal, analitikal, at malikhaing pag-iisip at maraming anyo ng pagpapahayag; at
  • kakayahang sibika sa pamamagitan ng pagiging kasapi sa komunidad, bansa, at mundo.

Ang dalawang layon ay higit na mapalalakas sana kung sabay ang Wikang Filipino sa mga asignatura. Laganap na ang epekto ng kawalan ng pag-aaral ng wika sa ating kuríkulúm. Kahit na ang mga pahayagan at paglathala ng iba’t ibang kagawaran ng pamahalaan ay mayroong kawalan sa wasto at naaayong paggamit ng Wikang Filipino.

Magkakaiba ang antas sa pag-aaral sa Wikang Filipino. Iba sa elementarya, sekundarya, at sa kolehiyo na tanging pinag-aaralan ng mga kumuha ng Batsilyer sa Sekandaryang Edukasyon, Medyor sa Filipino. Magiging maunlad lamang ang wika kung ito ay kasabay at kasama sa bawat antas ng pagkatuto.

Paano magiging kritikal at analitikal ang isang tao kung hindi nasusuri kung wasto ba ang paggamit sa mga salita ng sariling wika; paano magiging malikhain ang pag-iisip kung hindi na mapag-aaralan ang ating kasaysayan katulad ng mga salin-dilang mga akda; paano magagamit ng angkop ang wika kung hindi napag-aralan ang sining ng pakikipagtalastasan; at lalong paano magkakaroon ng kamalayang pangkomunidad kung ang napakahalagang sanggap sa komunikasyon sa pakikipagkapwa ay walang pinagbabatayan.

Hindi opsiyonal ang Wikang Filipino, katulad ng hindi pagiging opsiyonal ng pagiging isang Pilipino!

--

--

Roger A. Pautan, Jr.
Pluma Manila

A possibilist Filipino, words that describe me; Pen, Camera, Beat, Craft, and Walks.