Lihim na Tukso

Maria Coquilla
Pluma Manila
Published in
1 min readApr 2, 2022
Photo by Egidijus Bielskis on Unsplash

Humayo, tumakas
Ineng, umiba ka muna ng landas
Baka abutin ka ng ahas
Malilintikan ka sa dala niyang dahas

Bilisan, huwag kang lumingon
Baka sa kanyang kamay ay hindi ka na makakabangon
Madagdagan ang kawalan kung sa gayon
Mahirap na't hindi maririnig ang iyong tugon

Magtago, sa liblib na lugar magpako
Luha'y ilagay muna sa sako
'Pagkat sitwasyong ito ay hindi bago
Ngunit huwag paalipin sa katwirang bigo

Tahimik, huwag kang iimik
Sa kalagayan mo ikaw ay naiipit
Pangarap pa naman ng lahat ay iyong bitbit
Iwasang isawsaw ang sarili sa lait

Ipikit, mata mo'y isara ng mahigpit
Huwag batiin ang mga mata niyang mainit
Sapagkat mararamdaman mo ang pait
Tatagos roon ang kaluluwang mapagkait

Sige na, gawin mo na ang makakaya
Oras ay huwag nang iaksaya
Sa pagsikat ng araw ikaw ay makakalaya
Kung aabot ka sa pagtaas ng paksa

Ineng, dala mo ang iyong bukas
Sa buhay mo ikaw ay batas
Kaya huwag hayaang wakasan ito ng tuksong malas
Diba, kakain ka pa ng santambak na bigas

--

--