LOVEBIRDS

Al Joseph Lumen
Pluma Manila
Published in
3 min readNov 16, 2020

Simula nang may nagbigay sa ‘min ni Arlene ng hawla naisip ko nang mag-alaga ng lovebirds. Kaso natagalan kaming magdesisyon kung mag-aalaga ba kami o hindi dahil hindi biro mag-alaga ng ibon. Dahil gaya ng aso kailangan mo ‘tong pakainin, painumin at mahalin. Narinig ko rin sa kwento-kwento na kadalasan nagpapakamatay ang mga lovebirds kapag maingay ang paligid nito.
Sabi ko kay Arlene, hindi pwede sa ‘tin ang lovebirds kasi malakas akong magpatugtog. Paliwanag sa ‘min ng isang breeder, hindi naman ‘to totoo hindi basta-basta nalulungkot ang lovebirds basta’t may kapareha. Nang bumili kami ng pares tinanong ko sa breeder kung ilang buwan kailangang hintayin bago mangitlog ang babae. Sinagot niya ko, sir depende po kung lalaki o babae ang magpartner. Dun ko nalaman na ang mga lovebirds pala ay pumaparehas sa kahit anong kasarian, kumbaga, lalake sa babae, lalake sa lalake o babae sa babae. Hindi kaso sa kanila ang gender sa pagpili nang makakasama. Monogamous din na hayop ang lovebirds, kung sino ang partner niya, ito ang magiging partner niya habang buhay, depende na lang kung namatay ang kapareha o pinuwersa mong ipareha sa iba. Isa pa, monomorphic din ang lovebirds, mahirap makita sa itsura kung sino ang babae at sino ang lalake.
Kung mayaman ka ipa-gender test mo na umaabot din ng ilang libo. Ang matipid na gawin ay obserbahan, kapag parehas nangingitlog parehas na babae, kapag nagpapatungan pero hindi nangingitlog parehas na lalake. Isang beses pinaghiwalay ko ang magkaprehang babae at sinama ko sa lalake. Namatay ang babaeng pinareha ko sa iba pati na rin ang kapareha niyang babae. Na-guilty ako. Simula nun hinahayaan ko na lang sila magpartner sa kung sinong gusto nila, hindi na ko nangingialam. Ngayon, sa halos sampung lovebirds na meron ako isang magkapareha lang ang nagbibigay sa ‘kin ng inakay.
Tuwing pagod o nalulungkot, tinitignan ko lang yung mga ibon ko at natutuwa na ko. Iba’t iba ang kanilang kulay, mayroon akong green, blue, yellow, black, white, at orange, ang sarap lang sa mata- patalon-talon, palipad-lipad, nakikipag-laro sa isa’t isa. Ang tamis din nilang magmahalan, tutuka ng pagkain yung isa tapos iluluwa isusubo sa kapareha lulunukin naman ng isa. Nakakadiri pero ganun sila. Kung minsan naman nililinis nila ang isa’t isa. Hindi rin sila naghihiwalay, kung nasa’n yung isa nakadikit ang isa (medyo clingy). Isang araw, may nakawala, alalang-alala ko, hindi naman kasi kayang mabuhay ng lovebirds sa labas mag-isa, hindi sila sanay nang walang kapareha. Walang pagod na nag-iingay yung kapareha, huni nang huni nagtatawag.
Kinabukasan naabutan kong nakapatong sa hawla yung nakawala, hindi na ko pinahirapang hulihin, pagod nang lumipad, halatang hapo. Pagpasok sa hawla, tukaan sila nang tukuan. Naisip ko, hindi lang sila basta ibon, baka nga mas higit pa sila sa tao pagdating sa konsepto ng pag-ibig.

Sanaysay mula sa librong Ako at ang Panahon Atbpng Hindi Ma-chika sa Personal published by 7EyesProductions, 2019

This article is published by Pluma Manila, a Creative Platform for Everything Filipino. If you’re Filipino or Pinoy at heart, Be part of our team and share your craft with us. Maraming Salamat!

Write for us! Send us an Email: plumamanila@gmail.com

--

--

Al Joseph Lumen
Pluma Manila

Al Joseph Lumen is an indie writer and OFW based in Germany.