MAMI AT DADI (DALAWANG DAGLING KASAMA SA QUEUE)
1. MAMI
Naging hobby ko na yata ang tumambay sa pantry. Nanonood ng tv, nakiki-charge ng cellphone at sinisilip kung may masarap na pagkain. Marami rin akong nakikilala gaya ni Mami.
“Kain tayo…” paanyaya ng matandang babae habang nilalapag sa lamesa ang berdeng tupperware. Makapal ang suot niyang antipara at hindi maitatago ng kulay kalawang niyang buhok ang kanyang uban.
“Sige lang po,” ngumiti ako at tuloy sa pag-scroll up sa aking cellphone, binabasa ang ilang post sa facebook.
“Bagong wave ka?” tanong ng babae.
“Opo,” sagot ko.
“Unang BPO mo?” tanong ulit niya.
“Opo, unang BPO ko.”
“Virgin ka pa, don’t worry, madali lang sa’yo ang trabahong ‘to dahil bata ka pa,” sambit niya habang binubuksan ang berdeng tupperware na may lamang kanin at tatlong pirasong tocino.
Kinuwento ni Mami Tessy ang buhay niya bilang manager ng bangko at
kung bakit siya napadpad sa BPO.
“’Yun nga after 4 years pagkatapos kong magretiro ay na-diagnosed ang
asawa ko ng lung cancer at nabaon kami sa utang.”
Bumalik siya sa trabaho at itong BPO nga ang tumanggap sa kanya.
“Ito lang naman ang tumatanggap ng senior citizen,” biro niya.
Pinakita niya ang litrato ng kanyang anak na babae sa kanyang cellphone, “ito ang anak ko, siguro matanda lang sa’yo ng tatlong taon, call center din ‘yan.” Inilipat niya ang litrato at pinakita ang kanyang asawa, “ito siya, yung love of my life ko. Medyo payat na siya rito pero dati heartthrob yan. Walang panama ‘yung mga bagong artista ngayon.”
“Sana po gumaling na ‘yung asawa n’yo,” sabi ko na may pag-aalala.
“Sana magdilang anghel ka, kaso dalawang taon na siyang wala. Well,
ganyan talaga ang life parang trabaho natin, kahit mahirap kakayanin.”
Tumayo siya sa lamesa at nagpaalam. Kailangan na niyang bumalik at mag-log in. Tinapik niya ako sa balikat, “o siya, balik na ako baka biruin mo pa akong walang forever.”
Ngumiti ako at nagpasalamat.
2. DADI
Habang nasa MRT, nakatayo at naghihintay magkapwesto ay naisipan kong magtanong kay daddy kung ano ang dati niyang trabaho. “Titser,” sagot nito na halatang pagod na rin dahil sa ilang araw na queuing. Nagtanong muli ako kung bakit niya pinasok ang pagiging call center. Wala raw kasing choice, ito lang ang malaking magpasweldo at maganda ang health benefits. Hindi naman niya talaga balak pumasok sa BPO, sumpa pa nga raw niya dati na hinding-hindi papasok dito kahit ano’ng mangyari. Nilunok niya lang din ang pride, nakita na lang niya ang sarili na sumasagot ng telepono, “ang galing, ‘no? Nag-masteral pa ako para sumagot sa mga concern kung paano mag-open ng brand new na cellphone,” biro niya habang pinupunasan ng panyo ang pawisan niyang mukha, “grabe ang tren na ‘to, sardinas na nga tayo, ang hina pa ng buga ng aircon,” pagpapatuloy niya.
Ngumisi ako, “wala naman pong bago.”
“Ikaw?” tanong niya habang binubuksan ang butones ng kanyang polo.
“Seaman po, kaso… hindi nakapasa sa US Visa, biyahe na ako ng Carribean kaso naunsyami dahil kulang sa experience, 1 year lang experience ko sa Jollibee tapos undergraduate pa. Tagapunas lang sa kusina ang inaplayan ko,” sagot ko.
Tumunog ang speaker at nagsalita ang isang lalaki. Kulob ang boses, malalim na tila galing impiyerno, “PAKIUSAP PO SA LAHAT NG PASAHERO. ANG LAHAT PO AY KAILANGANG BUMABA.”
Isang annoucement. Aberya, huminto ang tren sa pagitan ng Guadalupe at Boni. Bumaba kami ni daddy at naglakad gaya ng ibang pasahero.
“Mukhang marami po tayong pagkukwentuhan,” wika ko.
Queuing — tawag kapag sunod-sunod ang pasok ng call. Parang si Curacha, walang pahinga.
Mami/Dadi — Madalas itawag sa mga ahenteng oldies.