Para sa Aking Ilaw at Tahanan
Nakamamanghang pagmasdan ang mga bituin, hindi ba? Sila ang nagsisilbing ilaw sa dilim, isang maliit na tinig na bumubulong sa iyong mga taingang, “May pag-asa.”
Sa tuwing tumitingala ako at nabibighani sa kinang na dala ng bawat isa sa mga ito — naaalala kita dahil sa kislap ng iyong mga mata, at sa ligayang dala ng iyong mga labi.
Ikaw ang aking tahanan; ang aking takbuhan. Lagi kang nariyan; sinisigurado mong hindi napaparam ang ngiti sa aking mukha.
Isang plumang patuloy na sumusulat, na sa lahat ng pinagdadaana’y nagpupursigi pa ring magsulat para sa iba.
Isa kang pahinang hindi ko pagsasawaang babalik-balikan.
Isang akdang paulit-ulit kong babasahin.
Isang panalanging hindi ko pagsasawaang banggitin.
Ito ang unang liham ko para sa iyo.
Kung hindi man darating ang tamang panahon kung kailan ako rin ang hihilingin mong maging kalakbay at makakasama sa pag-abot ng iyong mga pangarap— gusto ko lamang sabihin sa’yong, “Narito lamang din ako.”
This article is published by Pluma Manila, a Creative Platform for Everything Filipino. If you’re Filipino or Pinoy at heart, Be part of our team and share your craft with us. Maraming Salamat!
Write for us! Send us an Email: plumamanila@gmail.com