Oyayi: Liham ni Ka Freddie sa Minsang Naging Kabataan
Kapatid, naaalala mo pa ba?
Sanggol ka pa. Inosente. Walang muwang.
Kalalabas mo lang sa sinapupunan ng iyong nanay.
Kasisilip mo lang sa ganda ng mundo.
Kapapakinig mo pa lang sa makabagong musika, sa huni ng mga ibon, sa daloy ng tubig sa karatig-ilog.
Kadadampi lamang sa iyo ng hangin sa gitna ng tirik na araw ng Mayo. At may ga-butil ng bigas ang pawis na lumalabas sa noo mo.
Naalala mo pa?
Hinehele ka ng nanay mo.
Tapos, maya-maya, dumating ang tatay mong pagod na pagod galing sa trabaho. Masigasig siyang lumapit sa nanay mo. At nang makita ka, ibayong sigla at ngiti sa mukha ang mamamasdan sa kanya.
Tila ka bang isang mahiwagang bitaminang nagbalik ng lakas sa kanya.
Naalala mo pa ba?
Agad silang bumabangon sa kalagitnaan ng gabi marinig lamang ang iyak mo.
Ilang uha lamang ay nasa tabi mo na ang mga magulang mo.
‘Yan ‘yung alagang ginawa nila sa iyo.
Kaya lang, kapatid, tanong ko lang, “Ano’ng nangyari?”
Nakatapos ka na ng pag-aaral.
Mas maayos-ayos na ang buhay mo ngayon.
May trabaho ka na nga sa Makati.
At madalas lumalabas ka para mag-ramen o mag-samgyeopsal.
Minsan nasa Ayala Triangle ka.
Minsan nandoon ka pa sa High Street kasama ng mga kaibigan mo.
Minsan nasa Uptown…
Hinahanap ka nila.
Hindi sahod mo ang kailangan nila —
‘yung oras mo.
Kapatid, hindi mo obligasyon, oo.
Pero pwede bang gawin mo dahil sa pusong nagpapasalamat at sa mga matang lumilingon sa pinagmulan?
Iyan ay isang tahaking marapat mong pinaroroonan.
This article is published by Pluma Manila, a Creative Platform for Everything Filipino. If you’re Filipino or Pinoy at heart, Be part of our team and share your craft with us. Maraming Salamat!
Write for us! Send us an Email: plumamanila@gmail.com