Panulat
Ang tadhana mismo ang nagtulak sa atin upang ituon ang mga mata sa mga pangarap na gusto nating makamtan.
At parte ng pagtupad sa mga pangarap na ‘yun ay ang pagsuko sa sarili nating nararamdaman.
Mas pinili natin kung ano ang “sigurado”
Mas pinili natin limutin ang tibok ng puso
Mas pinili natin tahakin ang sarili nating mundo
Mas pinili natin ang salitang “ikaw” at “ako” at hindi ang salitang “tayo."
Ngunit wala akong pinagsisisihan
ni ipinag – aalala,
Hindi nasagi ang takot sa isipan
na baka sa dulo ay hindi pala tayo ang para sa isa’t isa.
Isinuko ko na ang panulat kasabay ng pagsuko sa nararamdaman
Isinuko ang mga susunod na pahina sa orihinal na May – akda ng ating istorya
Hindi man masunod ang sariling balangkas,
Ngunit buo ang tiwala sa Kanya na maganda ang magiging wakas.
This article is published by Pluma Manila, a Creative Platform for Everything Filipino. If you’re Filipino or Pinoy at heart, Be part of our team and share your craft with us. Maraming Salamat!
Write for us! Send us an Email: plumamanila@gmail.com