Perlas ng Silangan sa Kamay ng Hari

Isang Panalanging Marubdob Para Sa Bayang Binusabos

Othniel Lagablab
Pluma Manila
1 min readMay 23, 2020

--

Photo by Mikey Orsolino

Nilampaso at binusabos na kami ng mga dayuhang mananakop —
kulang apat na daang taon, tunay nga!
Ngunit hanggang ngayon, sa mga oligarko ay nadadaupdop…
sabihanan ma’y Republika, sabihanan ma’y malaya.

Bigyan Mo kami ngayon ng kakayahang makipagsabayan —
gumawa ng kabutihan, makipagkalakal ng wasto,
wakasan ang opresyon sa aming mga kababayan.
Bigyan Mo kami ng kakayahang magtatag ng industriyang makabago.

Hanggang kailan Ka mananahimik,
habang ang bayan ng mga anak Mo ay napapadausdos?
Natatalos kong nadirinig Mo iring mga titik —
titik ng bayang lalong nagsusumikap, bagamat laging kapos!

Panginoong Diyos na mahabagin,
alalahanin Mo ang Pilipinas, Perlas ng Silangan,
yaring Perlas na binalot ng lumot at panimdim,
bayang napatirapa sa mga negosyanteng ganid at tampalasan!

Iwagayway ang bandila, sumigaw ng kasarinlan!
Papatag ang lupa, bubuhos ang ulan.
Babangon yaring mga walang pangalan.
Tapos na ang laban — ang gawang sa krus sinimulan!

This article is published by Pluma Manila, a Creative Platform for Everything Filipino. If you’re Filipino or Pinoy at heart, Be part of our team and share your craft with us. Maraming Salamat!

Write for us! Send us an Email: plumamanila@gmail.com

--

--

Othniel Lagablab
Pluma Manila

Filipino | Poet | Scrum Master — To impart good character, creativity, and wisdom to help people increase in value so they can add value to others in return.