Sa Pagtanda, Patawarin Mo ang Iyong Pagkabata

kalahatingpapel
Pluma Manila
Published in
1 min readSep 15, 2020
Photo by Jasper Labay via Bets-art Paradise

Pipi ang mga damdamin
sa pamilyang ang dila ay nasa bibig
ng kulturang ang kamandag ay nakalalason.
Bawat salita ay bilang at nadidiktahan;
Edad, katayuan at mga napatunayan sa buhay ang sukatan.
Pipi ang mga damdamin;
Hindi nito maisigaw o maibulong
ang mga sigaw at mga bulong
na takot, malungkot,
nasasaktan, umiibig

dahil pipi ang mga damdamin
maliban sa poot at pagkamuhi;
Matatas ang mga itong bumigkas ng wikang banyaga,
paulit-ulit at walang preno,
walang ibinabayad na kapatawaran
sa naiiwang gasgas at pinsala sa nasasagasaan.
Ni wala kang masisisi;
Nagmamaneho itong bulag at bingi.

Ang tanging lunas at danyos na matatanggap—
pagpapatawad sa sarili
dahil hindi mo siya kayang ipagtanggol,
dahil hindi sapat ang kaalaman mo tungkol sa tama at mali,
dahil hindi kilala ang karapatan mong damhin ang buhay,
dahil bata ka lang.

Patawad.

This article is published by Pluma Manila, a Creative Platform for Everything Filipino. If you’re Filipino or Pinoy at heart, Be part of our team and share your craft with us. Maraming Salamat!

Write for us! Send us an Email: plumamanila@gmail.com

--

--

kalahatingpapel
Pluma Manila

sinisikap lumingon sa kaliwa't kanan, loob at labas, ibaba't itaas, at layo't lapit ng tanawin