Photo from Pinterest

Tinta ng Tadhana

hannahwrites
Pluma Manila

--

Kahit ilang ulit kang gumastos upang dalhin siya sa lugar na nakakamangha
Hindi mo mababago ang katotohanang makakahanap din siya ng iba.
Na ang paborito niyong pasyalan ay pagsasawaan niya.
At maghahanap muli ng bagong lugar na mamahalin ng kaniyang mga paa.

Tatalikuran niya ang palasyo niyong dalawa.
Tandaan mo, walang tao ang magagawang manatili sa iisang tahanan.
Dahil sabik ang lahat sa bagong pakiramdam ng bagong kapaligiran.
Iiwanan ka niya na parang isang lumang gusali
Wasak, magulo at hindi na babalikan pang muli.

Rosas;
Kahit ilang rosas pa ang ibigay mo sa kaniya.
Sa paglipas ng oras ito pa rin ay malalanta;
Makakalimutan niya ang angking bango
at ang mga pangako na minsan na niyang ibinulong sa bawat talulot nito.

Makakatagpo siya ng bagong hardin
Na may maraming bulaklak na mas kaniyang mamahalin.
Pinili niya ang talikuran ka
Dahil alam niyang makakahanap siya ng iba
Na makakahigit sa lahat ng iyong nagawa.
Alam mo 'yon; kulang ka pa.

Tsokolate;
Minsan ang sobra nakakasama.
Kaya siguro dahil sa sobrang tamis ng tsokolate na ibinigay mo sa kaniya
Naumay na siya.
Gusto na ulit maghanap ng bago;
Nagsasawa na sa iyo.

Hinahanap ng kaniyang dila ay isang estranghero
Na bagong bida sa kaniyang kwento.
Dahil ikinalulungkot kong ipaalam sa iyo;
Tapos na ang parte mo sa kaniyang istorya.

Isa ka na lang naglahong kabanata
Isa ka na lang tauhan na pinatay ng tadhana.
May bago na siya.
Pagsasawaan ka rin niya,
Malapit na.

This article is published by Pluma Manila, a Creative Platform for Everything Filipino. If you’re Filipino or Pinoy at heart, Be part of our team and share your craft with us. Maraming Salamat!

Write for us! Send us an Email: plumamanila@gmail.com

--

--