Weeknote: Agos at alon ng halaga ng design

Angela Obias-Tuban
Priority Post

--

Weeknote #4 (Tagalog)

Read this post in English here.

1. Nakapag-manage ka na ba ng team?

2. Nakapag-PA (Performance Assessment) ka na ba ng team members ever?

3. Kinailangan mo na bang mag-interview, kumilatis at mag-hire ng empleyado?

Kung sumagot ka ng “Oo” sa kahit isa sa mga tanong na ‘to, ibig sabihin naiintindihan mo ang kakaibang mental exercise ng: pagsukat ng halaga ng isang tao.

Gaano ba kahalaga ang iisang tao sa team o kumpaniya mo?

Kesyo consultant ka man, empleyado o pinuno ng organisasyon, darating at darating ka sa tanong na ‘yan.

Weird din kasi ang “User Experience” (o, sa totoo lang, kahit anong industriya na binubuo ng iba-ibang klase ng kakayahan), kung saan may mga tao na pwedeng pare-pareho ang job title, pero magkakaiba ang “kulay” ng halaga. Paano ko ‘to nasabi?

Itong linggo, kinailangan namin pag-usapan ang halaga namin sa mga team na nakakatrabaho namin.

Ang pinag-simulan ng trabaho ko ay qualitative-quantitative research at pag-plano at pag-buo ng strategy para sa content at media. Usability research o “human factors” ang naging daan ko patungong “UX”.

Si B naman ay nagsimula sa industrial design at web design. Prototyping at interaction design ang path niya sa paggawa ng “UX”.

“User Experience Designer” ang parehong tawag sa amin ni B ng mga nakakatrabaho namin na team. Para mas malinaw, ang pinipili naming i-bansag sa sarili namin ay “design researcher” at “interaction designer” na nagtutulungan sa pagbuo ng user-centered design.

Dahil magkaiba kami ng kakayahan, sa magkaiba ‘ring parte ng proseso kami ina-”activate”.

Ibig sabihin din, ‘di pareho ‘yung klase ng pagpapahalaga sa ginagawa namin. Na ‘di naman masama. Pero nakakaaliw rin obserbahan.

Kailan nga ba nararamdaman ng team na may epekto ang design work?

Kailan ba nararamdaman ng team kung kailan may epekto ang research work?

Base sa nakikita namin, pinaka-intense na nararamdaman ang halaga ng designer habang binubuo (design) ang product (pwede website o app). Nakikita naman sa dami ng pumupuna at pumapansin sa output ng designer. Malaki ang ibinabayad sa designer dahil yung output nila ay may dating sa tao na agaran, natural at kitang-kita.

Maraming panlalait o komento pa nga ang pwedeng matanggap ng designer habang gumagawa ng design, o kahit ‘pag natapos. Pinapakita lang nito kung gaano ka-critical ang ginagawa nila sa mga stakeholder at customer, pati kung bakit mahal kumuha ng malupit at matalino na designer.

Pero, kapag researcher ka naman na kasama sa isang end-to-end na produkto (mula pag-isip ng mga feature, pagbuo ng product hanggang pag-launch at maintain), nakaka-lost paminsan. Dahil hindi ka naman “bumubuo ng product” (hindi ka nagko-code; di ka rin naman mismong gumagawa ng magiging itsura ng website o app), ang tipikal na tingin ng tao sa pinapagawa mo (sumali sa usability testing o debriefing) ay “nakakabagal” o kaya nakaka-pigil sa paggawa nila ng output. Kailangan matigas yung mukha mo* para patuloy mong napapaintindi sa mga tao ‘yung halaga ng ginagawa mo kapag nasa maaga pang parts ng pag-buo ng product.

(Nakaktulong din, sa totoo, kapag may skills ka na may direct creative o strategic na output — Product Management [o pangangasiwa at pag-organize sa mga features at roadmap ng product], Content, strategy, planning or creation [o pagplano at pag-buo ng lahat ng nilalaman ng website], pati wireframing — na nakikita at nadaramang bahagi ng final output.)

Maganda ang pagkasabi ni B ng natutunan kong lesson sa linggong ito:

Baka kailangan mo tanggapin na sa dulo nararamdaman ‘yung impact ng trabaho mo.”

Ang lesson ay pagtanggap ng kaniya-kaniyang lugar sa lifecycle ng product.

Pwedeng-pwedeng magtulungan at mag-collaborate ang mga “tagapag-buo” (Builders) at “taga-suri” (Analysts), pero kailangan maintindihan na magkakaiba ang naidudulot natin sa team, at workflow. Leksiyon ‘to sa pagsukat sa halaga ng tao. Lalo na para sa mga bumubuo ng sariling working team, tulad ko. Na ‘di mo lang dapat hinahanap at pinupuna ang mga pinakamagaling sa scoring; kailangan mo din piliin sino ba talaga yung magagaling sa assists.

Ang mga alam namin tungkol sa trabaho ay hindi lang nanggaling sa college degree, sa projects, boss at katrabaho — pero pati sa mga designer, developer,researcher, product manager at team na piniling i-bahagi at ipakita ang proseso at natutunan nila (ng libre) sa Youtube, blogs, websites, tutorials at MOOC (Massive Online Open Courses). Ito ang spirit ng “designing in the open”. Kung saan bukas na kinukwento ang mga proseso at output ng isang design team. Para lalong mapalago ang kaalaman ng buong industriya, pati na rin para makakuha ng feedback at dialogue tungkol sa trabaho.

(Para lalong maintindihan ang halaga at kagandahan ng open design, pwede niyong basahin ‘to.)

Dito sa weeknotes namin kinukwento ang mga nararanasan namin sa trabaho linggo-linggo. Bilang paggalang sa mga kliyente namin, hindi namin sila pinangangalanan o binabanggit. Lahat ng mga sinusulat namin dito ay isip at opinyon ng nagsulat.

Kung gusto niyo pa kaming samahan sa mga napapagdaanan namin linggo-linggo, sundan niyo kami dito sa Medium, Facebook oLinkedIn.Sali din kayo sa buwan-buwan namin na e-mail newsletter, para sa mga link at article na nakita naming useful sa trabaho at project.

--

--

Angela Obias-Tuban
Priority Post

Researcher and data analyst who works for the content and design community. Often called an experience designer. Consultant at http://priority-studios.com