Detalyadong Salaysay sa Unang Binyag sa Kapuluan

Silvestre de Leon
Silvestre de Leon
Published in
7 min readApr 13, 2021
Tampok sa larawang ito ang dinibuho ng Pambansang Alagad ng Sining na si Fernando Amorsolo. Ipinapakita nito ang unang pagbibinyag sa Pilipinas kung saan humigit-kumulang 800 katao ang nabinyagan sa pananampalatayang Kristiyano.

Ngayong araw, ginugunita ng Simbahan sa Pilipinas ang ika-500 anibersaryo ng unang binyag sa Pilipinas, na kung saan ang Hari ng Zubu (Cebu) na si Rajah Humabon, pati ang kaniyang asawa, pamilya, at humigit-kumulang 800 na mamamayan ng Zubu (Cebu), ay bininyagan sa relihiyong Kristiyanismo ni Padre Pedro de Valderrama. Balikan natin ang mga detalye sa pagbibinyag ng mga katutubo, batay sa tala ni Antonio Pigafetta:

ABRIL 9, 1521: “Pagkatapos ng hapunan, pumunta sa mga barko ang pamangkin ng hari (pamangkin ni Humabon), na siyáng prinsipe, kasáma ang hari ng Mazaua (Limasawa), ang Muslim, ang gobernador, at punòng pulis, at walong pinunò, upang makipag-ayos ng kapayapaan sa amin (…) Nagsabi ang kapitán-heneral (Magellan) nang maraming bagay tungkol sa kapayapaan, at na nagdasal siyá sa Panginoon na pagtibayin ito sa langit. Sinabi niláng hindi pa silá nakaririnig ng sinuman na nakapagsambit ng mga ganitong salita, ngunit labis siláng natutuwang marinig ang mga ito. Pagkakitang kusa siláng nakikinig at sumasagot, nagsimulang magsulong ang kapitán ng mga katwiran upang himukin siláng tanggapin ang pananampalataya.

“Sinabihan silá ng kapitán na ginawa ng Panginoon ang kalangitan, lupa, dagat, at lahat ng ibá pa, at na inutusan Niya táyong magbigay-galang sa ating mga ama at ina, at kung sino man ang sumalungat dito ay isinusumpa sa eternal na apoy; na lahat táyo ay nanggáling kina Adan at Eba, ang una nating mga magulang; na mayroon táyong inmortal na kaluluwa; at marami pang bagay tungkol sa pananampalataya. Lahat silá ay masayang pinakiusapan ang kapitán na mag-iwan ng dalawang tauhan, o kahit isa lámang, upang turuan silá sa pananampalataya, at [sinabing] bibigyan nilá silá ng malaking karangalan. Sinagot silá ng kapitán na hindi siyá maaaring mag-iwan ng tauhan sa panahong iyon, ngunit kung nais niláng maging mga Kristiyano, bibinyagan silá ng aming pari, at sa susunod na pagkakataon ay magdadalá siyá ng mga pari at prayle na magtuturo sa kanilá ng pananampalataya namin. Sumagot silá na kakausapin muna nilá ang kaniláng hari, at pagkatapos nitó ay magiging Kristiyano siláng lahat, [at dito ay] tumangis kaming lahat sa matinding saya. Sinabi sa kanilá ng kapitán-heneral na hindi dapat silá maging Kristiyano dahil sa pangamba o upang paligayahin kami, ngunit dahil sa sarili niláng pagkukusa; at na hindi siyá gagawa ng hakbang na ikasasamâ ng loob ng ninumang nagnanais na mabuhay ayon sa sarili niláng batas, ngunit na mas mainam ang pagkilala at pagtrato sa mga Kristiyano kaysa ibá. Lahat silá ay sumigaw sa iisang tinig na hindi silá magiging Kristiyano dahil sa pangamba o upang paligayahin kami, ngunit dahil sa sarili niláng pagkukusa. Pagkatapos ay sinabihan silá ng kapitán na kung magiging Kristiyano silá, sapagkat iyon ang utos sa kaniya ng kaniyang hari; na hindi siyá maaaring makipagtalik sa kaniláng kababaihan nang hindi nagkakasala nang malaki, sapagkat silá [ang kababaihan] ay nanatiling mga pagano; at tiniyak ng kapitán sa kanilá na kung magiging Kristiyano silá, hindi na silá kailanman dadalawin ng demonyo maliban sa hulíng sandali sa kaniláng kamatayan. Sinabi niláng hindi nilá matugunan ang magagandang salita ng kapitán, ngunit na inilalagay nilá ang kaniláng mga sarili sa kaniyang kamay, at na dapat niya siláng ituring bílang kaniyang pinakamatatapat na tagapaglingkod. Niyakap silá ng kapitán na umiiyak, at hábang hinahawakan ang isa sa mga kamay ng prinsipe at isa sa mga kamay ng hari sa pagitan ng sarili niyang mga kamay, sinabi sa kanilá na sa ngalan ng kaniyang pananampalataya sa Panginoon at sa kaniyang pinunò, ang emperador, at sa ngalan ng abito na kaniyang suot, ipinapangako niya sa kanilá na gagawaran niya silá ng panghabambuhay na kapayapaan sa hari ng España. Tumugon silá ng katumbas na pangako.”

ABRIL 13, 1521: “Pagsapit ng Sabado, dahil ipinangako ng hari (Humabon) sa kapitán (Magellan) na magiging Kristiyano siyá sa Linggo, isang plataporma ang itinayô sa binasbasang liwasan, na siyáng pinalamutian ng mga nakasabit at mga sanga ng niyog para sa kaniyang binyag. Nagpadalá ang kapitán-heneral ng mga tauhan upang sabihan ang hari na huwag matakot sa mga kanyong puputok sa umaga, sapagkat tradisyon naming paputukin silá sa mga dakila naming pagdiriwang nang hindi silá kinakargahan ng bato.”

ABRIL 14, 1521: “Lumapit na kaming masaya sa plataporma. Umupo ang kapitán (Magellan) at ang hari (Humabon)sa mga silya ng pula at lilang pelus, ang mga pinunò sa mga unan, at ang ibá sa mga banig (…)Sinabihan ng kapitán ang hari na pupunta siyá ng España, ngunit babalik siyáng muli kasáma ang kayraming puwersa upang iluklok siyáng pinakadakilang hari ng mga rehiyong iyon, sapagkat siyá ang kauna-unahang nagpamalas ng determinasyong maging isang Kristiyano. Itinaas ng hari ang mga kamay niya sa kalangitan at nagpasalamat sa kapitán, at ipinakiusap na payagang manatili ang ilan sa mga tauhan nitó [sa kaniya], upang mas maging maalam siyá at ang kaniyang mga mamamayan sa pananampalataya. Sumagot ang kapitán na mag-iiwan siyá ng dalawang tauhan upang masiyahan ang hari, ngunit nais niyang dalhin ang dalawa sa mga anak ng mga pinunò, upang matuto silá ng aming wika, na pagkatapos sa kaniláng pagbalik ay masasabi sa ibáng tao ang mga kamangha-manghang bagay sa España. Isang malaking krus ang itinindig sa gitna ng liwasan. Sinabihan silá ng kapitán na kung nais niláng maging Kristiyano tulad ng kaniláng ipinahayag noong mga nakaraang araw, dapat niláng sunugin ang lahat ng kaniláng mga idolo at magtayô ng krus sa kinatitirikan nilá. Dapat niláng sambahin ang naturang krus bawat araw na magkahawak ang mga kamay, at bawat umaga ayon sa kaniláng nakasanayan, dapat siláng mag-antanda (na siyáng ipinakita sa kanilá ng kapitán kung paano gawin); at dapat siláng dumatíng bawat oras, kahit sa umaga lámang, sa naturang krus, at sambahin itong nakaluhod. Dapat niláng pagtibayin ng magagandang gawain ang intensiyong ipinahayag nilá. Nais itong pagtibayin nang lubos ng hari at ng lahat ng ibá. Sinabi ng kapitán-heneral na buo siyáng nakadamit ng puti upang ipamalas ang sinsero niyang pagmamahal para sa kanilá. Sumagot siláng hindi silá makatugon sa matatamis niyang salita. Hawak-kamay na dinalá ng kapitán ang hari sa plataporma hábang sinasambit itong mga mabubuting salita upang binyagan siyá. Sinabi niya sa hari na tatawagin niya siyáng Don Carlo, pagkatapos sa kaniyang pinunò ang emperador; ang prinsipe, Don Fernando, pagkatapos sa kapatid ng emperador; ang hari ng Mazaua, Johanni; ang isang pinunò, Fernando, pagkatapos sa pinunò namin, ibig sabihin, ang kapitán; ang Muslim, Christoforo; at sumunod ang ibá, ngayon isang pangalan, pagkatapos ay isa pa. Limandaang tao ang bininyagan bago ang Misa. Pagkatapos ng Misa, inanyayahang maghapunan ng kapitán ang hari at ilan sa ibáng pinunò, ngunit tumanggi silá, at sa halip ay sinamahan kami sa pampang. Pinaputok ng mga barko ang lahat ng kanyon; at pagkatapos magyakapan, nagpaalam sa isa’t isa ang hari, mga pinunò, at ang kapitán.

“Pagkatapos ng hapunan, dumaong ang pari at ibá pa upang binyagan ang reyna, na dumatíng kasáma ang apatnapung kababaihan. Dinalá namin siyá sa plataporma, at pinaupo siyá sa isang unan, at ang ibáng babae malápit sa kaniya, hanggang maging handa ang pari. Ipinakita ko sa kaniya ang imahen ng Birhen, isang napakagandang kahoy na batàng Hesus, at isang krus. Dito, nanaig sa kaniya ang paghingi ng kapatawaran, at humingi ng binyag sa gitna ng kaniyang mga luha. Pinangalanan namin siyáng Johanna, pagkatapos ng ina ng emperador; ang anak niya, ang asawa ng prinsipe, Catherina; ang reyna ng Mazaua, Lisabeta; at ang ibá, may kani-kaniyang [natatanging] pangalan. Kabílang ang kalalakihan, kababaihan, at kabataan, bininyagan namin ang walong daang kaluluwa. Batà at maganda ang reyna, at natatakpang buo ng ng puti at itim na tela. Pulangpula ang kaniyang bibig at mga kuko, at nakasuot siyá ng malaking kupya ng mga dahon ng niyog sa kaniyang ulo katulad ng tiara ng Santo Papa; at hindi siyá pumupunta kahit saan nang wala iyon. Pinakiusapan niya kaming ibigay sa kaniya ang munting batàng Hesus upang ihalili sa kaniyang mga idolo; at pagkatapos ay lumisan siyá. Pagkahapon, dumatíng sa dalampasigan ang hari at ang reyna kasáma ang maraming tao. Sa sandaling ito, pinaputok ng kapitán ang maraming malalakíng kanyon, na siyáng labis na nagpasaya sa kanilá. Tinawag ng kapitán at hari ang isa’t isa biláng magkapatid. Raia Humabon ang pangalan ng haring iyon. Bago matapos ang linggong iyon, nabinyagan na lahat ng tao sa islang iyon, pati ang mga nagmula sa ibáng isla….

“…Isang araw, dumatíng upang makinig ng Misa ang reyna nang may malaking karangyaan. Tatlong dalaga ang nauna sa kaniya at may tatlong kupya sa kaniláng mga kamay. Nakadamit siyá ng itim at puti at may malaking sedang bandera, may kurus-kurus na gintong guhit sa kaniyang ulo, na nakatakip sa kaniyang mga balikat; at nakasuot siyá ng kupya. Kasáma niya ang maraming babae at hubo’t hubad at nakayapak siláng lahat, maliban sa maliit na tela ng punò ng niyog na tumatakip sa kaniláng maseselang bahagi, at isang maliit na bandera sa ulo, at nakalugay ang buong buhok. Pagkatapos magbigay ng nararapat na paggalang sa altar, umupo ang reyna sa unan na binurdahan ng seda. Bago magsimula ang Misa, winiwisikan siyá at ibá pang babae ng kapitán ng musk ng tubig-rosas, sapagkat labis siláng naliligayahan sa mga ganoong pabango. Dahil alam niyang sadyang natutuwa ang reyna sa batàng Hesus, ibinigay ito sa kaniya ng kapitán, at sinabing ito ang itago sa halip na ang kaniyang mga idolo, sapagkat alaala ito ng anak ng Panginoon. Tinanggap niya itong may malugod na pasasalamat.”

SANGGUNIAN:

Pigafetta, A. (2017). Unang Paglalayag Paikot ng Daigdig (P.Y. Kimpo, Trans.). Manila, Philippines. (Original work published 1550).

--

--