Tahan na, Pilipinas

Zelle Cuevas-Canuel
The Girl On The Moon
1 min readAug 27, 2020
Photo by Cherry Bueza on Unsplash

Ang iyong tinig na pilit nilulunod ng kaba
Walang kasiguraduhan kung saan tutungo
Ang iyong mga mata puno ng pighati
Kahit na pagluha ang hatid nitong gabi
Sasapit ang umaga na may kagalakan

Lumaban ka, huwag padadala sa takot
Sa pangambang dala ng sunod sunod na problema
Masugatan man ngunit hindi susuko
Saksi ka sa katapangan ng mga nagdaan
Ang puso mo’y mananantiling nag-aalab
Magsisilbing liwanag sa nasisiil

Ikaw ang Perlas ng Silangan
Taglay mo ang liwanag ng araw at tatlong bituin
Huwag mong kalilimutan ang iyong pinagmulan
Umaagos sayo ang dugo ng magigiting
Malalim na kaisipan at makataong prinsipyo
Kaya’t tibayan mo ang iyong damdamin
Sapagkat hindi rito magtatapos ang istorya mo

Makakamtam mo ang inaasam na paglaya
Mula sa pagmamalabis at paghihirap
Darating ang hustisya at ang kapayapaan
Babalik ang karapat-dapat na sa iyo nakalaan
Kabilang ang iyong yumi at ganda
Ang yaman, karangalan, at pag-asa

Pagsikat ng araw ikaw ay manindigan
Taas noo mong harapin
Panibagong yugto sa kasaysayan
Sa muli mong pagbangon
Hindi ka nag-iisa, hindi ka mag-iisa

--

--