Four-wheeled Vehicle

Flash Fiction

Roschelle Zuniga
The LATHE Online
1 min readSep 10, 2020

--

Artwork by Johannes Ramoyan

Mahigit tatlong minuto nang huli sa trabaho niya si Alex. Naglakad pa kasi siya nang kulang-kulang dalawang oras papuntang kanto saka pa nag-abang ng pampasadang jeep papunta sa grocery store na kaniyang pinagtatrabahuhan bilang bagger.

Simula nang magkaroon ng pandemiya, minsan na lamang siya makapasok nang maaga. Palagi na lamang siyang pinagkakatuwaan ng mga katrabaho niya dahil palagi siyang napapagalitan ng boss nila. Ilang linggo na niyang tinitiis ang mga ito dahil sa takot na lalo pang masesante kapag pinatulan niya.

“Kumikita naman ‘yang si Alex eh ayaw pang bumili ng sasakyan,” sambit ng kahera nila.

Hindi niya napigilan ang sariling magsalita matapos marinig iyon,

“Sige, bukas hindi na talaga ako mahuhuli dahil magagamit ko na ang four-wheeled vehicle ko.”

Napatahimik ang mga katrabaho niya at nagsibalikan na sa mga puwesto nila na may halong pagkagulat at pagtataka.

Kinabukasan, maaga ngang nakarating si Alex sa store. Dumating na rin ang kaniyang mga kasama.

“Ang aga mo Alex, ah! Nasa’n ang sasakyan mo, wala namang ibang sasakyan sa labas?” pagtatanong ng isa.

Itinuro niya ang kaniyang sasakyan, isang bisikletang may apat na gulong kasama ang dalawang bagong dagdag na training wheels.

#LATHEtirary

--

--

Roschelle Zuniga
The LATHE Online

Writer | Bachelor of Arts in English Language Studies student