Mukbang

Short Story

Jasmyne Raymundo
The LATHE Online
5 min readAug 29, 2020

--

Artwork by Coleen Sajo

Hello, kumusta? Ako nga pala si Andy. Bente anyos na, pero wala pang jowa. Hinahanapan na nga ako ng nanay ko, e sino ba naman ipakikilala ko sa kaniya, ‘di ba? Ito namang kaibigan kong si Celle, kung sino-sino ang inirereto sa akin, pero wala pa rin talagang tumatagal. Kumbaga, napag-uusapan na lang namin sa bandang huli na maging magkaibigan na lang kami kasi mararamdaman naming “mema” lang. Paulit-ulit lang na ganoon ang nangyayari.

“I-try mo na kasi iyong sinasabi kong app sa iyo,” sabi ni Celle. Oo nga pala, ipinag-download niya ako ng Bumble. Siya rin ang gumawa ng account ko roon at sabi niya, swipe left o right lang daw iyon. Ako, bilang baguhan, curious, at hinahanapan na ng jowa, sumunod na rin ako.

Noong unang araw kong subukan gamitin iyong Bumble, nawili ako mag-swipe. Masaya pala iyon. Lumipas ang araw at medyo nagtataka ako bakit walang nagcha-chat. Kumbaga, marami-rami rin naman akong naging match doon pero bakit hindi sila nagcha-chat, tutal karaniwang lalaki naman ang nauuna, ‘di ba?

Maya-maya ay tumawag si Celle.
“Musta? May jowa ka na?” tanong niya.
Napatawa naman ako.
“Scam ka naman, be, wala namang nagcha-chat. Sabi e expired na raw iyong match. Ayaw ko na, pauso ka kasi, e,” sagot ko sa kaniya.
Nagtaka ako nang bigla siyang humagalpak nang tawa. Halos maubusan siya ng hininga kaya nagtaka ako.
“Be naman. Hahaha! Magbasa ka ng instructions, ha? Nakalagay roon na babae ang unang magcha-chat. Iyon ang thrill sa app na iyon!” sabi niya habang patuloy sa pagtawa.
Napahiya ako roon, ah?
“Ano pa nga ba ie-expect ko sa iyo pagdating sa instructions? Na-zero ka nga pala sa quiz natin one time dahil imbes na T o F ang isulat mo sa True or False, binuo mong True o False ang sagot mo, all caps pa! Hahaha!” pang-aasar niya.
Sa hiya, napatawa na rin lang ako. Nagkuwentuhan pa kami pagkatapos noon, isang oras mahigit siguro.

Nang matapos ang tawag, bumalik ako sa Bumble at nagulat sa una kong nakita. JM ang pangalan, bente-uno anyos. Ang tangkad din niya, 5’7; at ang malupit pa, Aries siya at Aquarius naman ako, talagang itinadhana. Ang cute rin, makapal ang kilay at moreno, iyong tipong ayos lang sa’kin na sirain niya ang buhay ko. Charot!

Siyempre, nag-swipe right ako. Gulat ko naman noong lumabas na nag-match pala kami. Napatili ang ateng! Sabi ko sa sarili ko, “Kapag ‘di ko ‘to napangasawa, magmamadre na talaga ako.”

“Hi” ang una kong chat. Alas-onse na ng gabi iyon, siguro tulog na ‘to.
“Yo,” reply niya.
Napag-isip-isip ko, grabe ang cold naman agad. Ano bang kasalanan ko? Ayaw mo na ba? Salamat sa lahat? Charot! Nag-iisip ako ng ire-reply nang bigla siyang nag-chat ulit.
“Tagal naman mag-reply. May iba ka na ba? Ayaw mo na sa akin? ”
Napatawa ako. Sabi na nga ba e, compatible kami.
“Nag-iisip kasi ako ng magandang ire-reply sa ‘Yo’ mo. Hahaha.” sagot ko sa kaniya.
“Ako may naisip na maganda.”
“Ano?”
“Ikaw,” sabi niya.
Bilang marupok ay kinilig na naman ako. Diyos ko, mahal na yata kita. Charot!
“Smooth, ah, sanay bumanat?” reply ko.
“Hindi nga e, natural lang na lumalabas kapag interesado ako sa kausap ko,”sabi niya.
“Wow! Salamat siguro? Haha! Matutulog na nga pala ako, JM. Maaga pa online class ko bukas e, bukas na lang ulit?” pagpapaalam ko.
Ibinigay niya ang number niya at sinabing sa text na lang daw kami mag-usap. Buburahin na raw niya iyong account niya sa Bumble kasi kausap na niya ako. Ako bilang marupok, siyempre, kinilig at napangiti na naman mag-isa.

“Sana all masaya,” pang-aasar ng kuya ko nang dumaan siya sa may pintuan ng kuwarto ko. Napatawa lang ako at dinedma ko na siya. Sabi ko nga pala kay JM tutulog na ‘ko. Dapat tapat ako sa jowa ko. Charot!

Lumipas ang isang linggo at nagkakausap pa rin kami ni JM. Lagi kaming magka-chat at naiintindihan namin ang responsibilidad ng isa’t isa bilang estudyante.

Lahat ng hinahanap ng isang babae sa isang lalaki, nasa kaniya na, mabait, may respeto, matalino, maunawain, malambing, at bonus pa ang pagiging guwapo niya. May kaunting kulo pero sinasabi ko naman sa kaniya na hindi ako komportable sa ganoon, at sabi niya ay ayos lang daw naman at makapaghihintay siya.

Isang buwan ang nakalipas at walang pagbabago. Kinikilig pa rin ako sa mga suwabe niyang banat. Kinakantahan na rin niya ako kahit minsan wala sa tono. Hindi na rin naman ako nag-inarte dahil sa totoo lang ay kahit doon ay kinikilig ako. Hindi rin naman ako marunong kumanta, bakit pa ako aarte, ‘di ba? Minsan pa, tinutulungan niya ‘ko sa assignments ko lalo na kapag hindi ko ma-solve iyong mga ibinibigay sa amin ng prof namin.

Isang araw, magka-video call kami ni Celle.
“Kailan kayo magkikita ng jowa mo?” pang-aasar niya.
“Hindi ko naman jowa, ano ba? At saka ano ba, quarantine kaya? Gusto mo ba na mahuli ako ng pulis at dahil sa kakirihan ay lumabas ako kahit underage?”sagot ko sa kaniya.
“Oo nga pala, ‘no. Pero, girl, check the label! Baka mamaya ikaw lang nahuhulog, kita ko sa iyo na nag-invest ka na talaga ng feelings diyan sa John Michael mo! Huwag ako, at kilala kita, Andy. Ayaw ko lang na in the end, mabokya ka. Tanungin mo na kung ano kayo, wala naman sa tagal ng pag-uusap iyan,” sabi niya.

Tumawa na lang ako sa sinabi niya at napatahimik. Napagtanto ko na, oo nga, ‘no? Paano kung ako lang iyong nag-a-assume na may something? Pero natanong ko rin sa sarili ko, “ready na ba ‘ko?” Akala mo naman talaga sigurado na may mapapala. Charot!

Matapos ang isang linggo, naging abala ako sa research work ko. Hindi na ako gaanong nakakapag-chat kay JM at sabi naman niya, nauunawaan niya raw ako, kaya kampante ako. Naglalaro lang naman daw siya ng ML kapag hindi ako ka-chat at kapag walang ginagawang school work.

Ang hirap naman ng ganitong set-up, kung hindi lang quarantine, siguro nakapag-date na kami neto. Siguro? Ewan? Matutuloy ba ‘to o mauudlot? Ano ba talaga ang mayroon sa’min?

Lumipas ang linggo na hindi na kami gaanong nakakapag-usap. Tipong “good morning,” “kain ka na, huwag magpapalipas ng gutom,” at “good night” na lang. Hindi ko rin naman siya masisi, dahil kapag wala siyang ginagawa, busy ako; kapag ako ang walang ginagawa, busy raw siya.

Noong sumunod na linggo, natapos ko na ang mga ginagawa ko. Sabi ko sa sarili ko, babawi ako kay JM. Kaya nag-chat ako sa kaniya.
“Sorry naging busy sa school works, babawi ako! Good morning.”
“Kain lang ako,” sabi niya.
Sumagot ako ng “Pakabusog ka” at hinintay ulit ang reply niya.

“Tapos na akong kumain, ikaw ba kumain na?” reply niya matapos ang tatlong araw na walang paramdam.
“Tatlong araw na, ah? Nag-mukbang ka, ghorl? Sana lahat maraming pagkain.” Nasabi ko dahil sa inis.

--

--