Shared Thoughts
Flash Fiction
Magdadalawang taon na rin siguro nang magka-Facebook si Mama at magdadalawang taon na rin siguro akong kadalasang naiingayan tuwing magpe-Facebook siya habang nagbabasa ng mga post at comment sa mga kamag-anak namin at mga kumare niya.
Natatandaan ko noon, bigla na lang siyang tatabi sa akin sa kama sa kuwarto para magtanong kung anong gagawin kapag magpo-post, magko-comment at magse-share. Matagal-tagal din kaming paulit-ulit na ganoon.
Isang araw habang may ginagawa akong assignment biglang tumabi siya sa akin at saka nagtanong paano nga raw ba muling mag-share. Taranta ako noon sa gawain ko kaya sinabi ko na lang, “Ma, naituro ko na ‘yan sa’yo. Ikaw na muna magkutingting diyan, may ginagawa pa ako.”
Maya-maya, nang silipin ko ay nakatulog na pala siya sa upuan sa sala habang hawak ang cellphone niyang hindi pa namamatay dahil sa 30 minutes na screen time-out. Nakita ko na lang na hindi pa niya naise-share (marahil ay nakatulugan na) ang post ng isang page kanina na may nakalagay na, “Ano ang hiling mo?”
Napatitig na lang ako kay Mama matapos kong mabasa kung ano ang nai-type niya, “Sana hnd mgsawa c Munene (tawag nya sa akin) kpg aq nmn ang nging mkulit.”