Butuan ‘AgriBoost Campaign’, nagwagi sa Bloomberg Global Mayors Challenge 2022

Mariane Sabas
The Thirteenth Scholars
2 min readJan 24, 2022
PHOTO | BUTUAN CITY PIO

Bumandera ang Butuan City matapos itanghal na kabilang sa 15 Grand Winners ang kanilang proyektong “AgriBoost” sa inilunsad na Bloomberg Philanthropies’ Global Mayors Challenge noong Enero 18.

Sa 631 kabuuang siyudad mula sa 99 na bansang sumali sa kompetisyon, 15 siyudad lamang ang napiling maging “Grand Winners”, na siyang may pinaka matibay at mapanahon na inobasyon o hangad na pagbabago para sa kasalukuyang suliranin at isyu na natatamasa ng lipunan .

Ayon kay City Mayor Ronnie Vicente Lagnada, layunin umano ng “AgriBoost” ang masiguradong may makakain na masustansiya at mura ang mga residente ng siyudad habang pantay at angkop naman ang mga presyo na natatanggap ng mga magsasaka sa kanilang ani.

Kabilang ang Butuan sa mga Grand Prize winners na kumakatawan sa mahigit 30 milyong residente.

Base sa Bloomberg Cities Network website, hangarin din daw umano ng siyudad ang ayusin ang commodity prices upang maiwasan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Dagdag pa nila, mahigit kumulang 21,000 pamilya ang magkakaroon ng benepisyo mula sa proyektong ito, sapagkat mas dadami na ang produksyon ng mga mura ngunit may magagandang kalidad na mga pagkain.

“Butuan is deeply honored, inspired, and excited about this great recognition by Bloomberg Philanthropies of AgriBoost as a breakthrough innovative response to the challenges of the pandemic. We are excited about moving the project forward with the inspiring and able support of Bloomberg Philanthropies,” pasalamat ni Mayor Lagnada.

Maglalaan ang Bloomberg Philanthropies ng $1 million bilang gantimpala sa siyudad ng Butuan at magbibigay rin sila ng technical support upang ma implementa ang nasabing proyekto.

Higit na umaasa ang lokal na pamahalaan ng Butuan na sa pamamagitan ng proyekto, partikular na ang pagpapabuti sa pagsasaka, ay magbibigay ng malaking kita sa mga magsasaka.

“This brings mixed feelings of pride and honor as we dedicate this win to all of us. We look forward to a stronger food security and self-sufficiency for the people of Butuan ,” pahabol ni Lagnada.

--

--